9

1.3K 124 10
                                    

HALOS hindi na maitago ni Ella ang iritasyon at galit niya kay Warren. Gusto na niyang magdabog at magwala. Nais niya itong singhalan at pagsasampalin. Ngunit masisira ang ilusyon nito sa kanya kung magwawala siya kaya nanahimik na lang siya kahit na mahirap.

"Kumain ka kahit na kaunti, Ella," malumanay na sabi nito habang hinihimay ang manok sa plato niya.

Pinigilan niya ang kanyang sarili na mapaismid. Hindi niya hinayaan ang kanyang sarili na magsalita. Hindi na lang niya ito pinansin. Ayaw niyang pagkatiwalaan ang bibig niya nang mga sandaling iyon dahil baka kung ano-ano pa ang lumabas mula roon na pagsisihan lang niya sa bandang huli. Hindi pa iyon ang panahon upang idispatsa ang lalaking ito na wala namang pakinabang kung minsan.

Dinala siya nito sa isang fast food pagkatapos nilang umalis ng bahay nila. Ano pa nga ba ang aasahan niya sa mahirap na ito? Hindi siya nito kayang dalhin sa isang matinong restaurant para sa date nila. Kung hindi lang ito ang lalaking mahal ni Mariquit ay hinding-hindi siya papatol sa katulad nito. Ni hindi ito guwapo. Napakaordinaryo nitong nilalang. Nakakabagot.

Walang kahirap-hirap niya itong naakit sa ganda niya. Kaunting luha at paawa lang ay kaagad siya nitong kinampihan at kinalimutan si Mariquit. Pare-pareho lang naman ang mga lalaki kung tutuusin. Mahina at mahilig sa magagandang babae na kawawa at iyakin. Bawat lalaki ay may superman complex at ginamit niya iyon upang makuha ang simpatya at pag-ibig ni Warren.

Ibinaling niya sa glass panel ng fast food ang kanyang tingin dahil halos hindi na niya ito matagalan. Hindi niya alam kung hanggang kailan niya ito kakailanganin kaya hindi pa niya ito maidispatsa kahit na gustong-gusto na niya. Kapag idinispatsa niya ito, mas masasaktan dapat si Mariquit.

Halos magdilim ang kanyang paningin sa galit nang matanaw niya mula roon ang billboard ni Mariquit. Ang yabang-yabang nito. Hindi ito maganda, hindi kailanman naging mas maganda kaysa sa kanya. Siya ang dapat na nasa billboard na iyon, hindi ito. Siya ang dapat na lumalabas sa telebisyon at hinahangaan ng lahat. Kung hindi ito nakialam noon, nakuha na sana niya ang lahat ng gusto niya. Hindi sana siya ganoon ngayon.

Hindi niya alam kung ano ang ginawa nito upang ulanin ito ng suwerte nitong mga nakaraang linggo. Malamang na ibinenta nito ang katawan at kaluluwa nito sa demonyo. Halos hindi na niya matagalan ang pagyayabang ng stepmother niya sa dami ng trabaho ng anak nito. Sawang-sawa na siyang makita ang mga bago at magagandang damit ni Mariquit. Nakukulili na ang mga tainga niya sa mga parinig nito na sikat na artista na si Mariquit.

Hindi niya mapapayagan na mangyari ang bagay na iyon. Hindi siya papayag na maging masaya si Mariquit. Gagawin niya ang lahat upang masira ang diskarte nito. Kagaya ng ginawa nito noon sa kanya.

"Pagkakain, dadaan tayo sa department store. Ibibili kita ng bestida para mahubad mo na 'yang damit na 'yan. Ibalik mo na 'yan kay Ricky."

Pinigilan na naman niya ang umismid. Malamang ay mumurahing bestida lang ang bibilhin nito para sa kanya. Hindi siya nito kayang bilhan ng katulad ng bandage dress ni Mariquit na alam niyang regalo rito ng isang designer. Gusto rin niya ng mga ganoong damit. De-kalidad, may pangalan, at libre.

"Huwag na," aniya sa kimi at mahinang tinig. "Gagastos ka pa. Alam ko namang bayaran na uli ng tuition. Gumastos ka na kanina sa date natin."

Sa lahat ng puwedeng mahalin at kahumalingan ni Mariquit ay isang pobre pa ang napili nito. Ni hindi siya nito mai-date nang tama. Nagtungo nga sila kanina sa mall ngunit wala naman silang biniling anuman. Nanood lang sila ng sine at kumain sa isang fast food. Pobre na nga ito, napakarami pa nitong mga responsibilidad. Bilang mabait na nobya, napipilitan siyang umarte na masaya at kontento na siyang makasama ito, na hindi niya kailangan ng mga materyal na bagay. Habang tumatagal ay nahihirapan na siyang magkunwari.

The Charmings and The Wicked Stepsister (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon