16

1.6K 142 13
                                    

PAPASIKAT na ang araw nang makauwi si Mariquit sa bahay nila galing ng taping kaya gabi na siya nagising. Pababa na siya upang kumain nang makarinig siya ng mga pamilyar na tawa sa sala.

Tutti!

Nagmamadaling itinuloy niya ang pagbaba at tinungo ang pinanggagalingan ng mga tawa. She was excited to see him. Ngunit hindi niya nagustuhan ang eksenang nababaan niya. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita sina Ella at Tutti na nagtatawanan. Kumportable pang nakapatong ang isang kamay ni Ella sa hita ni Tutti.

"Ano'ng nangyayari dito?" tanong niya. Mataas kaagad ang tinig niya. Pigilan man niya, kaagad na ginapang ng kaba ang dibdib niya. Namahay na naman ang pamilyar na takot doon.

Nakangiting nilingon siya ni Tutti. "Oh, you're awake!" masayang sabi nito. Tila hindi nito napansin ang pagkunot ng kanyang noo at pagtaas ng kanyang tinig.

"Bakit hindi ka nagsabing pupunta ka rito?" tanong niya. Ipinako niya ang kanyang sarili sa kanyang kinatatayuan. Nais sana niya itong lapitan at hilahin palayo kay Ella ngunit hindi muna niya ginawa. Hindi niya itinago ang talim ng kanyang tingin sa kanyang stepsister.

Nilapitan siya ni Tutti at hinaplos ng hintuturo nito ang pagitan ng kanyang mga kilay. "Hindi yata maganda ang gising mo?" masuyong tanong nito. Nakangiti ito ngunit nababasa niya ang pagtataka sa mga mata nito.

Bahagya siyang nag-relax nang mapalapit ito sa kanya. "Kanina ka pa?"

"Hindi gaano. Ang sabi ni Ella ay tulog ka pa. Kauuwi mo lang daw galing ng taping. Gigisingin ka sana niya pero pinigilan ko para 'kako makapagpahinga ka pa nang husto."

Naiinis na tumingin siya kay Ella. "Ginising mo sana ako," iritadong sabi niya.

Para naman itong maamong tupa sa hitsura nito. "Pasensiya ka na, Ricky. Ikaw lang naman ang inaalala ko."

"Kaninang umaga pa ako natutulog at alam mo 'yon. Kaninang umaga pa ako nakauwi." Nanggigigil na siya rito. Pilit niyang tinatakpan ng inis at galit ang nararamdaman niyang takot at pangamba.

"O, o," awat ni Tutti. "'Wag ka nang magalit. Wala namang dahilan para magalit ka kay Ella. Ako ang nagsabi na huwag kang gisingin."

Pumikit siya nang mariin at pilit na kinalma ang kanyang sarili. Unti-unti siyang pinanghihinaan. Unti-unti siyang iginugupo ng takot niya. Pakiramdam niya ay nauulit kay Tutti ang nangyari kay Warren. Ayaw sana niyang mag-isip ng mga negatibong bagay. Nais niyang pagkatiwalaan nang buo si Tutti. Ngunit ganoon na ganoon din nagsimula si Warren. Masyadong mahusay sa larong iyon si Ella at tila wala siyang kapana-panalo.

"Bakit ka narito?" tanong niya kay Tutti nang maikalma niya nang bahagya ang kanyang sarili.

Nilapitan nito ang isang satchel na nakapatong sa sofa at may inilabas mula roon. "I'm here to give you these," sabi nito habang may iniaabot sa kanya.

Tinanggap niya ang tatlong envelope na inabot nito sa kanya. It was the invitation to the ball. "Hindi ka na sana nag-abala." Sana ay ipinadala na lang nito ang mga iyon.

"Gusto ko talagang dumaan dito para personal na ibigay 'yan. Gusto kitang makita."

"Bakit tatlo?" Hindi niya magawang matuwa sa sinabi nitong gusto siya nitong makita dahil nabasa niya ang pangalan ni Ella sa isang imbitasyon. Bakit pati ito ay imbitado?

Natawa si Tutti. "Do I really have to answer that? Tatlo kayo kaya tatlo ang invitation. Ayaw bang sumama ni Tita?"

Humugot siya ng malalim na hininga. Hindi na kailangang malaman ni Tutti na hindi dadalo sa ball si Ella.

Tumikhim si Ella at napunta rito ang atensiyon nila. "Magluluto na ako, Ricky. Dito ka ba maghahapunan, Tutti? Sasarapan ko ang luto."

Umiling si Tutti. "Hindi ako puwedeng magtagal, eh. May dinner date kami ng kapatid ko."

The Charmings and The Wicked Stepsister (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon