1

2.4K 125 8
                                    

NAIS pa sanang matulog ni Mariquit ngunit kailangan na niyang gumising. Hindi siya maaaring mahuli sa appointment niya sa araw na iyon. Paglabas niya sa kanyang silid ay kaagad niyang hinanap ang kanyang ina. Hindi naman na niya kailangang maghanap pa nang matagal dahil kaagad niyang narinig ang iritadong tinig nito na nanggagaling sa kusina.

"Wala ka nang ginawang tama! Nakabasag ka na naman. Ang tagal-tagal mo nang naghuhugas ng pinggan, hanggang ngayon ay nakakabasag ka pa rin. At bakit ba tambak ang hugasin sa lababo ngayong umaga? Dapat ay kagabi mo pa nahugasan ang mga ito. Baka inipis pa ang mga ito. Linisin mong maigi."

"Pagod na pagod po ako kagabi sa paglalaba, Tita Dina," mangiyak-ngiyak na tugon ni Ella, ang kanyang aping stepsister. "Hindi na po kaya ng katawan ko kaya natulog na po ako. Medyo nahimbing po ako kaya hindi ko po kaagad nahugasan bago kayo magising."

"Nangangatwiran ka pa! Huwag mong idadahilan sa 'kin na napagod ka dahil wala ka namang ibang gagawin dito kundi ang maglinis at magluto. Nakipaglampungan ka na naman siguro maghapon kahapon kaya hindi mo natapos ang mga obligasyon mo rito sa bahay. Sinasabi ko sa 'yo, Ella, kapag ako ay napuno, hindi mo magugustuhan."

Napapabuntong-hininga na pumasok siya sa kusina. Pinigilan niya ang kanyang sarili na makaramdam ng iritasyon. Masyado pang maaga upang masira ang araw niya.

"Mama, tama na po 'yan," awat niya sa kanyang ina habang hindi man lang sinusulyapan si Ella. "Wala naman na po kayong magagawa pa. Hayaan n'yo na po siyang hugasan ang mga iyan para makapaghanda na siya ng almusal. Maaga po tayong aalis ngayon."

Hindi niya iyon ginawa dahil naaawa siya sa stepsister niya na palagi na lang api ang drama sa buhay. Ayaw lang niya ng ingay at drama, lalo na sa umaga. Ayaw niyang masira ang diskarte niya sa araw na iyon.

"Ang babaeng ito naman kasi, eh!"

"Mama," saway uli niya bago pa man ito maglintanya uli. Hanggang salita lang naman ito talaga. Hindi nito pinagbuhatan ng kamay si Ella. Hindi rin nito ginagawa ang mga banta nito. Madada lang talaga ito.

"Sige na, doon ka na sa dining room at dadalhin ko na ro'n ang almusal mo." Bahagya nang kumalma ang mukha nito. "Nakatulog ka bang maigi?" tanong nito habang tinutungo ang refrigerator. "Malakas ang pakiramdam ko ngayon, anak. Alam kong ito na ang pagkakataon mo para sa isang magandang break."

Napatingin siya kay Ella na abala sa harap ng lababo. Nakaismid ito at nginitian siya nang nakaloloko bagaman kaagad iyong nabura nang matapos sa pangangalkal ang kanyang ina sa loob ng refrigerator. Hindi iyon nakaligtas sa kanya kaya dumampot siya ng dalawang malinis na plato sa rack at inilubog ang mga iyon sa lababo kung saan ito naghuhugas ng mga pinagkainan. Tumigas ang mukha nito sa ginawa niya. Napansin din niyang humigpit ang pagkakahawak nito sa isang basong sinasabon nito. Pinagtaasan niya ito ng isang kilay at hinamon sa pamamagitan ng kanyang mga mata.

Kagaya ng inaasahan niya, kalmado nitong ibinaba ang hawak nitong baso at walang imik na ipinagpatuloy ang ginagawa. Hindi naman niya inasahang lalaban ito nang harapan, nang patas. Palaging patalikod kung umatake ito. Palagi itong tipikal na kawawa sa mga mata ng ibang tao. Siya ang tipikal na kontrabida, ang maldita.

Nagtungo siya sa komedor at tahimik na umupo sa mesa. Hindi pa rin niya hinayaan na maapektuhan siya ni Ella. Darating ang araw na makakaganti rin siya sa lahat ng kasalanan nito sa kanya. Darating ang araw na mababawi rin niya ang mga bagay na inagaw nito sa kanya.

Mariquit hated her stepsister. Wala siyang ibang kinamuhian nang ganoon katindi kundi ito lang. Ella was the typical Cinderella and she was the wicked stepsister.

Nagkrus ang mga landas nilang dalawa nang pakasalan ng kanyang ina ang ama ni Ella labindalawang taon na ang nakararaan. Sa unang sampung taon ng buhay niya, nasaksihan niya kung paano at kung gaano kadalas magpalit ng nobyo ang kanyang ina. Ang sabi nito, iniwan ito ng kanyang ama hindi pa man siya ipinapanganak. Mula noon, iba-iba na ang mga nakasama nitong lalaki. Hindi na siya nagugulat tuwing may iba-ibang lalaki siyang nagigisnan sa kusina ng apartment nila noon paggising niya sa umaga. Bata man siya noon, naiintindihan na niyang idinepende ng kanyang ina ang pamumuhay nila sa ibang lalaki.

The Charmings and The Wicked Stepsister (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon