11

1.4K 129 6
                                    

PAGSAPIT ng Linggo, hindi mailarawan ang excitement ni Mariquit. Nais niyang ma-enjoy ang araw na iyon kasama si Tutti. Kapag kasama niya ito, may malaking bahagi sa kanya ang nakakalma. May bahagi rin sa kanya na nagiging masaya. Parang walang kulang sa pagkatao niya at wala na siyang mahihiling pa. Hindi siya mag-iisip ng mga alalahanin sa araw na iyon, hahayaan lang niya ang kanyang sarili na maging masaya.

"Bilisan mo naman sa pag-aayos, anak, at baka dumating na si Tutti. Huwag kang babagal-bagal."

Pinigilan ni Mariquit ang pagtirik ng kanyang mga mata sa pagmamadali ng kanyang ina. Hindi ito mapakali. Mas excited pa ito sa kanya na tila ito ang may date. Daig pa nito ang teenager sa una nitong date. Mas ito nga ang nag-effort para sa date na iyon. Ilang gabi nitong nilagyan ng kung ano-anong cream ang mukha niya. Nagpupumilit itong bumili siya ng bagong bestida ngunit hindi na siya nagsayang ng pera. Marami naman siyang mga bestida na puwedeng isuot. Maagang-maaga siya nitong ginising at kung ano-ano na naman ang inilagay nito sa mukha niya.

"Mama, huwag mo nang masyadong galawin ang buhok ko," saway niya habang bino-blow-dry nito ang buhok niya. "Baka sa park lang kami magpunta ni Tutti. Baka naka-jeans lang 'yon."

Hindi pa sinasabi sa kanya ni Tutti kung saan siya nito dadalhin. Sorpresa raw.

Pinipilit siya ng kanyang ina na magsuot ng mataas na sapatos ngunit iginiit niya ang puting flat strappy sandals niya. Ayaw niyang maging overdressed sa pupuntahan nila. Nais din niyang ipahinga ang kanyang mga paa dahil palaging nakasuot ng maganda ngunit hindi gaanong kumportableng sapatos ang karakter na ginagampanan niya. Hindi na siya gaanong naglagay ng makeup.

"Nasa bag mo na ba ang lahat ng kailangan mo?" tanong ng kanyang ina habang sinusuyod siya ng tingin. Sinisiguro nito na walang mali sa ayos niya. Tumango siya. "Halika na sa 'baba at baka dumating na siya."

Paglabas nila ng kanyang silid ay nakasalubong niya si Ella na bitbit ang isang bunton ng kurtina na inalis nito sa silid ng kanyang ina. Kaagad na napako ang tingin nito sa suot niya. Hindi nakaligtas sa kanya ang pagguhit ng inggit sa mga mata nito bago ito nagyuko ng ulo. Hindi niya ito pinansin at ganoon din ang kanyang ina.

"Ipa-laundry mo na lang ang mga iyon," sabi niya nang makababa na ito.

"Sige, aasikasuhin ko pag-alis n'yo."

Hinintay niya sa sala si Tutti. Maaga pa kaya hindi pa ito late. Masyado lang atat ang kanyang ina. Nang may tumigil na sasakyan sa harap ng bahay ay kaagad na pumitlag ang kanyang puso. Noon lang niya inamin sa kanyang sarili na excited siyang makita si Tutti. Excited din siya sa date nila.

Kaagad itong pinatuloy ng kanyang ina sa loob. Nahigit niya ang kanyang hininga nang makita ang hitsura nito. Nakangiti ito nang matamis sa kanya. Simpleng puting button-down shirt at maong na pantalon ang suot nito.

"Hi," bati nito sa kanya. "You look amazing."

"Hello," ganting-bati niya. "Kailangan ko bang ibalik ang papuri?" Lalo itong napangiti sa sinabi niya.

Gulat silang napalingon sa kanyang ina nang bigla itong pumalakpak.

"You look so perfect together," anito habang ngiting-ngiti na nakatingin sa kanila. Daig pa nito ang number one die hard fan ng isang love team.

Sasawayin sana niya ito nang bigla siyang matigilan nang mapansin si Ella na nasa bungad ng pintuan ng kusina. Nakatingin ito sa kanila at kiming nakangiti na animo inosenteng-inosente. Basa ang damit nito at bahagyang magulo ang buhok. May mga bula pa ng sabon sa mga kamay at braso nito.

Siyempre, kaagad itong napansin ni Tutti at nginitian. "Hi."

Kaagad na nagsalubong ang mga kilay nilang mag-ina. Kulang na lang ay maglagay si Ella ng kumikinang sa sign na nagsasabing "kinakawawa ako" upang makompleto na ang drama nito. Hindi pa natatagalan mula nang ibaba nito ang mga labahin ngunit mukhang pagod na pagod na ito. Daig pa nito ang naglaba maghapon. Hindi ganoon ang hitsura nito kanina. Kung hindi ba naman nananadya ang babaeng ito.

The Charmings and The Wicked Stepsister (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon