3

1.5K 146 9
                                    

PUMIHIT si Mariquit at humakbang upang sundan si Warren. Hindi siya matatahimik hangga't hindi niya naitatanong ang mga gusto niyang itanong dito. Hindi niya nais magalit dito at mananatili siyang galit hangga't hindi sila nagkakausap. Pinigilan ng kanyang ina ang braso niya ngunit hindi niya ito pinansin. Determinadong sinundan niya sa labas si Warren.

"Warren, sandali," tawag niya rito bago ito tuluyang makalabas ng gate.

Paglingon nito sa kanya, mababakas ang galit sa mga mata nito. "Maigi at sinundan mo 'ko rito. Gusto talaga kitang makausap na hindi nakaharap ang mama mo."

Humalukipkip siya. Kanina ay napakarami niyang nais na sabihin ngunit hindi na niya ngayon alam kung ano ang uunahin niya. Hindi niya alam kung sisigaw na siya at manunumbat.

Marahas na nahagod nito ang buhok nito patalikod. "Anong klase kang tao, Ricky? Bakit patuloy mong pinapahirapan si Ella? Hindi pa ba sapat ang lahat? Aminado naman akong malaki ang naging kasalanan ko sa 'yo, pero sana ay hindi mo ibunton ang lahat sa kapatid mo. Wala siyang kasalanan. Ako ang may kasalanan ng lahat. Sa 'kin ka magalit."

Lalong nag-alab ang galit sa dibdib niya. "Ano na naman ang mga isinumbong ni Ella na ginawa ko?"

"Hindi na niya kailangang magsumbong. Nakikita ko ang hirap niya. Masyado n'yo na siyang inaalila. Siya na lahat ang gumawa rito sa bahay. Nadatnan ko siyang tambak ang nilalabhan kanina. Kailangan pa raw niyang maglinis dahil baka pagalitan na naman siya ng mama mo. Bakit hindi siya pabalikin ng mama mo sa pag-aaral? Bakit ikaw ay nakatapos, samantalang siya ay hindi? Ginagamit n'yo lang sa luho ang pera ng papa niya. Pera na dapat ay para sa kanya. Makonsiyensiya naman kayo ng mama mo."

Sinikap niyang timpiin ang matinding galit na nararamdaman. "Hindi siya nagsumbong sa 'yo sa lagay na 'yan?" sarkastikong sabi niya. Wala itong ideya kung gaano siya nasaktan sa mga sinabi nito.

"May mga mata ako, Ricky. Malinaw kong nakikita ang mga bagay-bagay."

She sneered. "Talaga? Bulag ka, Warren. Kagaya ng iba, nabulag ka rin. You never looked deeper. Kung ano ang nakikita mo sa paimbabaw, iyon lang ang pinaniniwalaan mo. Wala kang nakikita, wala kang alam."

"Ipinapangako ko na iaalis ko si Ella sa poder n'yo, Ricky. Balang-araw, maiaalis ko rin siya sa buhay niyang ganito. Hindi na siya mahihirapan at mapapagod nang husto."

"Bakit hindi mo na lang siya kunin ngayon?" hamon niya. Alam niyang hindi pa nito kaya. Hindi ito mayaman. May matatag itong trabaho, ngunit may mga kapatid pa itong binubuhay at pinapaaral. Ito lang ang nasasandalan sa ngayon ng ina nito. Hindi pa nito kayang magpakasal at bumuo ng pamilya at duda rin siya na papayag si Ella. Hindi nga siya kumbinsido na mahal talaga ng stepsister niya ang kanyang dating nobyo. Alam niya na ginagamit lang ito ni Ella upang patuloy siyang pasakitan at nagtatagumpay ito. Nasasaktan siya nang labis sa pagiging marahas at mapanghusga nito sa kanya.

Hate blazed in his eyes. Alam nito ang mga tumatakbo sa isip niya. "Balang-araw ay magagawa ko, Ricky. Huwag kang mainip. Bibigyan ko siya ng magandang buhay. Pasasayahin ko siya. Buburahin ko ang lahat ng lungkot at pasakit na idinulot n'yo sa kanya. Babawiin ko pati ang bahay na ito para sa kanya."

Ipinangako rin nito sa kanya noon na pasasayahin siya nito. Pero nakalimutan kaagad nito ang pangako na iyon. "Huwag kang puro salita," naiinis na tugon niya. Alam niya na hindi nito kaya ngunit susubukan pa rin nito ang lahat para matupad ang mga sinasabi nito. Pahihirapan nito ang sarili nito para kay Ella. Baka kung ano pa ang maisip at magawa nito para sa kahibangan nito.

Lalong tumigas ang anyo nito. "Makikita n'yong mag-ina."

Halos hindi na niya kayanin ang nababasa niya sa mga mata nito. Ito ba ang parehong lalaki na madalas siyang sabihan ng "I love you" noon? Ano na ang nangyari sa mga salitang iyon? Saan na napunta ang pag-ibig?

The Charmings and The Wicked Stepsister (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon