Epilogue

3.1K 176 16
                                    

EXTENDED ang teleserye ni Mariquit kaya tinukso siyang manlibre ng mga kaibigan niya. Dinala niya sina Trutty at ang The Charmings sa Open Mic, ang bar na pag-aari ni David Quirino ng Stray Puppies. Nalaman nila ang tungkol sa bar dahil kay Blu. Doon pala ito na-discover.

Malayang nakakakanta sa entablado ang mga customer. May banda talagang tumutugtog at hindi lang basta videoke. Maaari ding magdala at tumugtog ng sariling instrumento. Marami ang mahuhusay dahil marami ang nakakaalam na maaaring matulungan ni David ang artist na makakapukaw sa atensiyon nito.

Bukod sa musika, masarap din ang pagkain at inumin doon. Hindi gaanong maingay at hindi wild ang crowd. Ang madalas na parokyano roon ay music lovers talaga.

Dahil medyo kilala na ang The Charmings, may mangilan-ngilan na ang nagpa-autograph sa mga ito.

"Iba na talaga ang sikat," nakangiting sabi niya kay Tutti pagkatapos nitong mag-sign ng autograph sa isang female fan.

Inakbayan siya nito. "Nagsalita ang hindi sikat. Mas sikat ka pa sa 'kin, 'oy."

Lumabi siya. "Mas marami akong haters at bashers kaysa fans at admirers." Totoo iyon. Nawiwindang siya minsan sa epekto niya sa mga manonood. Ang sabi sa ilang reviews, epektibo siyang kontrabida dahil bumubungad pa lang ang mukha niya sa TV ay marami na ang naiinis sa kanya. Kapag lumalabas siya ay madalas na siyang makilala. May ilang bata na umiiyak kapag nakikita siya. Masaya siya dahil nagagawa pala niya nang tama ang trabaho niya.

Hinagkan ni Tutti ang pisngi niya. "Kaya love na love kita, eh. I'm your number one fan."

Nakangiting yumakap siya rito. "I know. Kaya love na love din kita, eh." Dahil pareho silang abala sa trabaho at ilang commitments, hindi sila ganoon kadalas na nagkikita. Ngunit napapanatili nila ang magandang relasyon nila. Sinisiguro nila na hindi lilipas ang isang linggo na hindi sila nagkikita o nagkakausap.

Pareho nilang sinusuportahan ang isa't isa. Hindi nila itinatago ang relasyon nila ngunit hindi sila gaanong mahilig sa public display of affection. Kapag alam nilang may camera ay hindi sila gaanong nagdidikit. Palaging sa private na lugar sila nagde-date. Hindi niya ipinangangalandakan na siya ang nobya nito, na siya ang pinakamasuwerteng babae dahil siya ang pinili nitong mahalin. Hindi na niya kailangang magyabang dahil alam na iyon ng buong pagkatao niya. Naiintindihan din kasi niya na maraming babae ang humahanga kay Tutti at makakatulong kung hindi siya gaanong eeksena.

At the end of the day, kanya ito.

"How was your week?" tanong nito habang kumakain sila. Abala ang ibang kasama nila sa panonood ng performance ng nasa entablado.

"Okay lang. Medyo busy pero gustong-gusto ko nga na busy." Mas marami na siyang offers ngayon at wala siyang halos tinatanggihan. Hindi siya mapili sa role.

"Baka naman sumobra na ang yaman mo, babe."

"Hindi naman, kaunti lang." Nakakapag-ipon na siya ngayon dahil tapos na ang lahat ng bayarin nila.

Tinanggap ni Ella ang alok ng kanyang ina na pabalikin ito sa pag-aaral. Hindi pa rin sila magkaibigan, ngunit hindi na rin sila nag-aangilan. Nakipaghiwalay ito kay Warren at sinubukan pa rin nitong agawin sa kanya si Tutti. Hindi lang ito umubra sa nobyo niya kaya paglaon ay hindi na ito nakialam sa relasyon nila. Halos hindi sila nagpapansinan kapag nasa bahay sila pareho ngunit ayos lang sa kanya iyon. Ayaw niyang pilitin na magkaayos sila. Kailangan ng mahabang panahon upang maayos ang lahat sa pagitan nila, upang maghilom ang mga sugat.

"Magplano tayo ng bakasyon," malambing na hiling nito. "Kahit na ilang araw lang."

Tumango siya. Kailangan nga niya ng break.

"Sasabihin ko kay Mama." Napatingin siya sa entablado. Tapos nang kumanta ang performer. "Teka, ako na yata!"

Nasamid ito sa iniinom nito. "Kakanta ka?"

Tinaasan niya ito ng isang kilay. "Bakit, may angal ka?"

"Wala. Pero sure ka ba? Mag-practice ka kaya muna, babe?"

Natatawang tumayo siya nang tawagin ng DJ ang pangalan niya. Napaungol ang mga kasama niya.

"Seriously?" usal pa ni Blu.

Binatukan niya ito. Hindi gaanong fond ang mga ito sa tinig niya. Minsan lang narinig ng mga ito ang pagkanta niya, nang pilitin siya ng mga ito na kaagad na pinagsisihan ng mga ito. Umaapaw ang kaligayahan sa puso niya at kailangan niya ng release dahil baka sasabog siya. Kaya naisip niyang magpalista sa mga kakanta ngayong gabi. Palagi rin na siya ang kinakantahan ni Tutti kaya para maiba, ito naman ang kakantahan niya.

"This is for the love of my life. You know who you are," sabi niya nang nasa gitna na siya ng stage. Huminga siya nang malalim bago nagsimulang kumanta.

"Wherever I go, whatever I do, stay by my side. 'Cause, baby, it's always better with you. In the middle of the pouring rain..." Wala siya sa tiyempo ngunit hindi niya alintana iyon. Wala rin yata siya sa tono. Ang mahalaga ay masaya siya.

"Wherever I go, whatever I do, stay by my side. 'Cause, baby, it's always better with you. Boy, when I'm alone, you're where I belong. 'Cause, baby, it's always better with you." Itinuro pa niya si Tutti. "Oohh, oh, oh. Baby, it's always better with you."

Tumayo si Tutti at pumalakpak nang malakas. Napapito pa ito. "'Love you, babe! Kahit na wala ka sa tiyempo at tono."

SA ISANG sulok ay nakangiting nakamasid ang isang babae sa grupo nina Mariquit. Inilabas nito ang cell phone nito at kinunan ng larawan ang grupo.

Nagsimula itong tumipa pagkatapos makontento sa kinunang larawan.

Spotted: Tutti Charles with girlfriend @ Open Mic. #TheCharmings #havingfun #kiligmuch.

Ngunit bago pa man nito iyon mai-post ay may humablot na ng cell phone nito.

"Estong," nagulat na usal ng babae.

BELLE FELIZ

•••WAKAS•••

--

From the Author: Thank you for reading. I hoped you've enjoyed it. If you did, please kindly take the time to vote and follow.

Facebook Page: BELLE FELIZ

FB Group: Belle Feliz's Happy Friends

IG: belle.feliz

Booklat: belle feliz

xoxo

🎉 Tapos mo nang basahin ang The Charmings and The Wicked Stepsister (Complete) 🎉
The Charmings and The Wicked Stepsister (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon