15

1.6K 144 16
                                    

"SIGURADO kang ayaw mo nang sumama sa 'min?" tanong ni Mariquit kay Joey habang inaayos ang mga laman ng bag niya. Katatapos lang ng huling eksena niya at maaari na siyang umuwi. Kakain sila ni Tutti sa labas bago siya nito ihatid pauwi.

Maghapon sa set ang binata na hindi man lang nakakitaan ng pagkabagot. Tinulungan pa nga siya nito sa ilang linya niya. Nakipagkuwentuhan ito sa mga artista at staff. Marami na kaagad itong mga kaibigan doon.

"Gabing-gabi na, Ricky. Gusto ko nang umuwi at matulog," anang make-up artist niya. "Saka, I'm sure gusto n'yong magpag-isa para mas intimate. Sa restaurant lang kayo, ha? Baka kung saan-saan kayo humantong. Deretso uwi pagkakain."

"Luka-luka," natatawang sabi niya. Isinukbit niya ang kanyang bag. "Sigurado ka talaga?"

"Opo nga po. Huwag mo na 'kong kumbinsihin na magbago ng isip at baka nga magbago talaga ako ng isip. Sige na, alis na. Ako na ang bahalang mag-ayos nitong mga gamit mo rito."

Paglabas niya ng tent ay nakasalubong niya si Arnold. Kaagad siya nitong nginitian. "Pauwi ka na?"

Nakangiting tumango siya. Hindi niya makita sa paligid si Tutti. "Gusto mo bang kumain muna sa malapit? Kung pagkakatiwalaan mo 'ko, ako na rin ang maghahatid sa 'yo pauwi."

Tumaas ang isang kilay niya. Isa si Arnold sa mga papasikat na leading men sa showbiz. Pinagtatakhan niya ang pagiging sobrang friendly nito sa kanya ngayon. Matagal na silang magkasama sa set ngunit hindi ito ganoon ka-friendly sa kanya. Palaging tango at matipid na ngiti lang ang ibinibigay nito sa kanya tuwing magkakasalubong sila o magkaeksena. Iyon ang unang pagkakataon na niyaya siya nitong kumain sa labas.

Bago pa man siya makasagot, nakalapit na sa kanila si Tutti. Nginitian nito nang matipid si Arnold bago tumingin sa kanya. "Nakapagpaalam na 'ko kay Direk. 'Ready to go?"

"May plans na kasi ako, Arnold. Next time na lang."

Bakas ang pagkadismaya sa mukha nito. "O-okay."

"Sandali lang akong nawala, nakadiskarte na agad ang mokong na iyon sa 'yo," ani Tutti habang inaalalayan siyang makasakay sa kotse. "Alam naman niya na magkasama tayo, nagawa ka pang yayaing lumabas."

"Nagtataka nga ako, eh. Ngayon lang 'yon nagyaya," aniya nang makasakay na rin ito.

Umismid ito. "Nagtataka ka pa. Naakit sa 'yo ang loko. Nakita mo ba ang hitsura niya kanina habang ginagawa n'yo ang kissing scene? Gusto ka niya yatang lamunin nang buo."

"I'm sure mali ka. Hindi iyon dahil sa halik." Pareho silang professional ni Arnold.

Hindi nito itinuloy ang pagpapaandar ng sasakyan. Masidhi siyang tiningnan nito. "Hindi mo ba alam ang epekto mo sa 'ming mga lalaki? Hindi mo ba alam kung ano ang epekto mo sa 'kin? Unang kita ko pa lang sa 'yo, nawala na ako sa sarili ko. Ang mahagkan mo pa kaya?"

Lumabi si Mariquit. Ayaw niyang maniwala rito. Aminado siya na may mga pagkakataon na talagang pinagtatakhan niya ang interes nito sa kanya. Hindi niya mapigilang itanong kung bakit siya ang nagustuhan nito. Ano ang nakita nitong espesyal sa kanya? Bakit siya?

"Mula nang unang beses kitang makita, iba na talaga ang naramdaman ko sa 'yo. Hindi ka na nawala sa isip ko. Marami na akong nakilala at nakitang magagandang babae ngunit iba ka talaga. Ikaw lang ang tanging tumatak sa isip ko."

Dumukwang siya at dinampian ng banayad na halik ang mga labi nito. Hindi na niya hinayaan ang kanyang sarili na mag-isip, basta ginawa na lang niya iyon kahit alam niyang maling mag-initiate ng halik. Buong araw niyang iniisip kung ano ang pakiramdam na mahagkan nito at ngayon ay alam na niya.

The Charmings and The Wicked Stepsister (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon