13

1.5K 122 8
                                    

"BILIB din ako sa 'yo, Ricky. Hindi pa man gaanong natatagalan, nakahanap ka na kaagad ng kapalit ni Warren. Nag-improve ang taste mo, in fairness."

"Wala ka na bang labahin? Nalinis mo na ang buong bahay? Nahugasan mo na ang lahat ng dapat hugasan sa lababo?" sabi ni Mariquit sa halip na pansinin ang mga sinasabi ni Ella.

Malayong-malayo na ito sa pagiging kawawa at api. Wala nang anumang pagkukunwari sa anyo nito. Nasa mga mata nito ang matinding poot at galit. Sa kanya lang nito ipinapakita ang totoong anyo nito. Sa kanya lamang nito malayang ipinapakita iyon dahil siya lang yata ang taong hindi nito kayang linlangin. Galit man ang kanyang ina rito, hindi pa rin nito kilala ang totoong Ella.

Humalukipkip ito. "Tapos na po lahat, mahal na señorita," tuya nito. "Ang galing mo rin, ano? Simpleng malandi. Ang dami mong drama pero may kinakalantari ka na kaagad na ibang lalaki."

Kaagad niyang napansin ang pagkinang ng interes sa mga mata nito. Kakaiba ang pagkakangiti nito. Kaagad na binundol ng kaba ang dibdib niya. Siguradong may kung anong tumatakbo sa isip nito.

"Guwapo siya. Artista rin ba siya? Ano ang pangalan niya?"

Lalo yata siyang kinabahan sa mga tanong nitong ganoon. She looked more than interested. May determinasyon na rin siyang nabasa sa mga mata nito.

"Bakit ka masyadong interesado, Ella?" malamig ang tinig na tanong niya kahit na halos alam na niya ang sagot.

"Gusto ko siya," walang pag-aalangan na sagot nito.

"Nasa sa 'yo na si Warren." Hindi niya nais na mamahay ang takot sa dibdib niya ngunit hindi niya mapigilan ang unti-unting paggapang niyon. Mula pa noon, napakadali na para dito na makuha ang lahat ng magustuhan nito. Kahit na anong paraan ay ginagawa nito upang makuha lang ang gusto nito.

"Nagsasawa na ako sa kanya. Ginagawan ko na nga ng paraan para maidispatsa ko siya. Mas gusto ko 'yong bago mong boylet." Nagawa pa nitong ngitian siya nang matamis na tila matagal na silang magkaibigan. "Gustong-gusto ko siya."

Hindi niya hinayaang makita nito ang kaba at takot na namamahay na sa dibdib niya. "Hindi lahat ng bagay ay maaagaw mo sa 'kin, Ella. Hindi na kita hahayaan."

Hindi nabura ang ngiti sa mga labi nito. "Sinabi mo rin 'yan sa akin noon kay Warren. Napakadali ko siyang naagaw mula sa 'yo, Ricky. Ni hindi ako pinagpawisan. Ni hindi mo namalayan." Tumigas bigla ang mukha nito at tumalim ang mga mata. She looked like a monster. "Aagawin ko ang lahat ng tao na nagpapasaya sa 'yo, Ricky. Aagawin ko sila kagaya ng kung paano mo inagaw sa 'kin ang papa ko. Magagalit din sila sa 'yo kagaya ng kung paano nagalit sa 'kin si Papa dahil sa kagagawan mo. Hindi ka kailanman magiging masaya."

"Ikaw ang dahilan kung bakit namatay si Tito Celio, Ella. Sarili mong kalokohan ang pumatay sa sarili mong ama."

Hindi na niya hinintay na makasagot ito, nagtuloy-tuloy na siya sa loob ng bahay. Nagpasalamat siya na hindi siya inabangan ng kanyang ina sa sala. Dumeretso na siya sa silid niya at nagkulong doon.

Gulong-gulo ang isip na umupo siya sa kama at niyakap ang isang unan. She had never fully and truly hated Ella until Tito Celio's death. Kung hindi dahil sa katigasan ng ulo nito, buhay pa sana ang ama nito ngayon. Mariin niyang naipikit ang kanyang mga mata at inalala ang nakaraan...

"Huwag kang umalis. 'Wag mong gawin ito sa sarili mo, Ella." Natigil si Ella sa pagbubukas nito ng pinto nang marinig ang tinig niya. Alam niya na aalis ito nang gabing iyon at sadyang inabangan niya ito. Tahimik na ang buong kabahayan. Kanina pa nagpapahinga ang mama niya at si Tito Celio sa silid ng mga ito. Walang kamalay-malay ang mga ito sa planong gawin ni Ella.

The Charmings and The Wicked Stepsister (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon