Nakasimangot akong napatitig sa cellphone ko. Tapos mayamaya ay bubuntong-hininga. Titingin sa blackboard ng classroom, tapos sa cellphone ulit.
Bakit hindi siya nagre-reply sa akin?
"Concepcion!"
"Yes, miss?"
Agad akong napatayo nang tawagin ako ng teacher namin. Tinanong niya ako tungkol sa dini-discuss niya na nasagutan ko naman.
Isang linggo na ang lumipas simula noong umalis ako sa subdivision. Maayos naman noong una kasi nakikipag-chat pa rin ako kina Angela kahit malayo na ako sa kanila. Pero si Winston, parang lumamig sa akin.
Nagcha-chat din naman kami tuwing gabi noong nakaraan, pero ngayon, parang madalang na lang. Akala ko nga nagtatampo na naman, pero ang sabi sa akin ni Angela, abala siya sa balik-eskuwela nila.
Napa-paranoid lang siguro ako. Baka busy lang talaga si Winston.
"Oh? Ano na namang problema mo diyan?"
Inangat ko ang aking mukha. Pinaglaruan ko na lang ang lunchbox ko habang nginungusuhan si Criselda sa harap.
"E, hindi pa kasi nagcha-chat si Winston sa akin."
Nagtinginan naman ang mga kaibigan ko sabay sulyap sa akin.
Nagkuwento rin kasi ako sa kanila tungkol kay Winston at sa mga kaibigan namin sa subdivision. Interesado kasi sila kung anong nangyari sa ako roon dahil hindi ako masiyadong nakikipag-chat sa kanila.
"Akala ko ba ang sabi niya, gusto ka niya?" sabat ni Janice.
Bagsak ang mga balikat na tumango ako sabay buntong-hininga. "Oo," aniko. "Siguro mamayang gabi ay magcha-chat na kami. Busy lang iyon."
Mayamaya ay narinig kong humalakhak si Bianca. "Rosalind, baka naman pinagloloko mo lang kami. Baka sa kakabasa mo lang iyan ng Wattpad, ah?"
"O baka naman, imagination mo lang iyan?" sabi pa ni Criselda.
Agad akong umiling. "Hindi, 'no! Totoo lahat ang mga sinabi ko," depensa ko naman.
Hindi ako puwedeng magkamali. Talagang nangyari lahat iyon. Anong akala nila? Nababaliw lang ako?
"Imagination!" sabay na ani nila at nagtawanan ulit.
"Tch. Diyan na nga kayo!" naiinis kong wika at nagsimulang tumayo.
Kung ayaw nilang maniwala, e 'di huwag. As if naman kailangan ko ng opinyon nila.
Kahit noong magklase na ay panay ulit ang tingin ko sa aking cellphone. Hindi ko naman pinapansin ang mga kaibigan ko na kinukulit ako at nagso-sorry. Nagtatampo pa rin kasi ako sa kanila.
"Rosalind, joke lang naman iyon, e," sabi ni Criselda at kinurot ang aking pisngi.
"Ano ba? Nag-aaral ako," sabi ko habang nagbabasa ng libro.
Vacant namin ngayon at lumapit naman agad sila sa akin. Napagdesisyunan kong mag-aral na lang para sa paparating na midterm exam.
"Nagtatampo ka kasi. Masiyado kang seryoso," sabi naman ni Kler.
"E, sino bang hindi maiinis sa inyo? Parang sinasabi niyo lang na sinungaling ako."
"Oo na. Sorry na nga!"
Niyakap naman ako nila kahit noong una ay ayaw ko. Doon lang naman kasi sila nagso-sorry kapag hindi ko na sila pinapansin.
"Libre ka na lang namin. Gusto mo?" anyaya ni Criselda.
Agad naman akong ngumisi. Sinarado ko na ang libro at tumayo.
"Sige ba!"
Kaya buong tanghali ay hindi ko na lang muna tiningnan ang cellphone ko. Nakipagkuwentuhan ako sa aking mga kaibigan at hindi na lang muna inisip si Winston na hindi na nagpaparamdam sa akin.
BINABASA MO ANG
Acacia's Fate
RomanceKaya mo bang magmahal ng isang taong mahirap mahalin? Noong una pa lamang makita ni Rosalind Luna Concepcion si Winston Nash Ravalez, nakaramdam na agad siya ng isang kiliti sa puso niya. Ngunit nang malaman niyang natatakot na ang lalaking magmahal...
