Chapter Thirteen

60 3 4
                                    

Nang makarating ako sa bahay ay sinalubong ako nina Ate Grace at Ate Zoey. Galing sila sa pakikipaglaro sa mga bata. Mukha yatang napansin nilang nagmamadali ako, kaya agad nila akong dinaluhan.

"May problema ba?" takang tanong ni Ate Grace.

Huminga ako nang malalim. Bago pa ako makapagsalita ay may taxi nang dumating mula sa labas. Lumabas dito si Tita Melissa. Pumasok siya sa bahay. Nagkatinginan naman kami.

"Zoey," tawag niya kay Ate. "Ipasok mo sina Cedric at Dandan sa kuwarto."

"Opo," sagot naman ni Ate Zoey.

Napahigpit ang hawak ko sa pouch ko habang yumuyuko. Si Ate Grace naman ay umupo sa dining chair, habang si Ate Zoey naman, kasama ang mga bata, ay pumanhik sa itaas. Naririnig ko na ang mga agresibong hininga ni Tita Melissa.

"Anong nangyayari sa 'yo?" mariin niyang paunang salita. "Magpaliwanag ka bago kita masampal!"

Inambaan niya pa ako ng kamay, kaya napaatras ako. Gusto ko nang maiyak sa sitwasyong iyon. Napalunok ako habang matapang na itinataas ang noo kay Tita.

"Wala po akong ginagawang masama," sabi ko.

"Anong wala, Rosalind?" tanong niya. "Kitang-kita ko kanina ang kamay mong nasa kamay ng isang lalaki! Alam mong bawal kang magka-boyfriend dahil nag-aaral ka pa lang!"

Narinig ko ang pagsinghap ni Ate Grace sa tabi dahil sa sinabi ni Tita Melissa. Tumingin ako sa gilid para hindi sumabog ang inis ko bago ko binalingan si Tita.

"Bakit ba, Tita? Wala na ba akong karapatan? Hindi naman po puwedeng puro na lang ako aral nang aral nang aral! Wala ba akong kalayaan magkagusto sa tao?"

"Wala!" Pumamewang siya. "Masiyado ka pang bata! Iba na ang panahon ngayon! Oras na mabuntis ka ay iiwan ka ng lalaki, at ikaw ang maghihirap!"

"Ayan na naman po kayo, e."

"Hindi ako paulit-ulit, Rosalind!"

Hinawakan niya ang dalawang balikat ko at niyugyog ako.

"Sinasabi ko lang sa 'yo na may mga responsibilidad kang gagampanan! Hindi puwedeng lahat ng gusto mo ay makukuha dahil ikaw lang ang mapapahamak!"

"Hindi niyo ako naiintindihan!"

Piniglas ko ang mga hawak niya dahil nasasaktan na ako.

"Sinabi ko na sa inyo, Tita, na hindi ako gagaya sa inyo. May sariling isip at nararamdaman din ako. Ano? Parati na lang akong susunod sa inyo?!"

"Bastos ka! Iyan na ba ang napala mo sa lalaking iyon?"

Nangalaiti ang kanyang mukha, at mas lalo lang umigting ang mga tenga niya. Nabigla ako nang kunin niya ang pouch mula sa akin. Kinuha niya ang cellphone ko para ipakita sa akin bago ito ipinasok ulit.

"Tita! Anong ginagawa niyo?!"

Sinubukan kong kunin ang pouch sa kanya, pero hindi niya na ito ibinigay. Sinenyasan niya si Ate Grace na hawakan ako.

"Tama na, Rosalind," sabi ni Ate, lumalapit at hinahawan na ang aking mga braso.

"Tita!" tawag ko.

Tinuro ako ni Tita habang sinasamaan ako ng tingin. "Hindi ka lalabas ngayon. Ihahatid kita sa Matarde bukas, at hindi na kita pababalikin pa rito."

Nanlaki ang aking mga mata at nanlumo. Napaluhod ako sa kanyang harapan at nagsimulang umiyak.

"T-Tita," sambit ko. "Huwag niyo p-po itong gawin sa akin."

"Nababaliw ka na, Rosalind! Nagagawa mo na akong sumbatan, at ngayon lumuluhod ka pa nang dahil lang sa lalaking iyon!"

"Tita, sorry na po."

Acacia's FateTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon