Chapter Fourteen

70 4 0
                                        

Dala-dala ang envelope ay pumasok ako sa gate ng eskuwelahan. Pero anim na hakbang pa nga lang ang ginagawa ko ay parang isang artistang tiningnan ako ng mga estudyante. May iba pa na nagbulungan nang makita ako at napailing.

Okay? Anong nangyayari?

Naglakad ako nang dahan-dahan. Sa gitna ng kanilang bulungan ay tiningnan ko sila isa-isa. Hindi ko maintindihan kung bakit parang may kung ano sa akin at gano'n na lang nila ako tingnan.

"Naku, sayang..."

"Lagot siya. Hindi ko alam kung anong gagawin sa kanya ng mga teachers."

"Napakalaki ng violation ang nagawa niya."

Gusto ko silang tanungin kung anong problema. Dinalian ko ang aking lakad papunta sa classroom, sa pag-aakalang may kinalaman lang ito sa seksiyon namin. Mas lalo nga lang lumala roon.

"Rosalind!" tawag ng isang kaklase ko.

Nakita ko silang pangkat-pangkat na nagtitipon sa loob ng rom. Natataranta sila at parang nag-aalala. Habang ako naman dito ay windang na windang, hindi alam kung anong nangyayari.

"May nangyari bang hindi ko alam?" tanging natanong ko.

"Rosalind..." Lumapit sa akin si Mr. President sabay lunok. "Kailangan mo itong makita."

Napatingin ako sa ipinapakita niyang cellphone sa akin. Agad kong nabitawan ang bag ko nang makita ang isang video sa Facebook timeline niya.

Umiinom ako kasama ang mga kaibigan ko. Ito 'yung araw na natanggap ako bilang representative ng school sa Quiz Bowl Division. Noong nakipag-yayaan sila sa akin.

Anong ibig sabihin nito?

-

"Hoy! Huwag mo nga akong kunan! Ang pangit ko!"

"Ayos lang. Ise-send ko 'to sa iyo. Hindi ka kasi naniniwala sa amin na tuwing nalalasing ka ay mas dumadaldal ka."

"Salamat nga pala. Kung wala akong mga kaibigan na katulad niyo ay baka wala akong mga supporters."

"Oo naman! Sino pa ba ang mga kaibigan mo kung hindi kami lang?"

"Isa pa, sabihin mo lang kung may problema ka o sinaktan ka ng Winston na iyon. Kami ang mananakit no'n."

"Huwag n-niyo siyang saktan. Ang sabi niya, maraming beses na siyang sinaktan ng mga ex niya. A-Ayokong ako ang maging dahilan ng panibagong sakit niya."

"Naku, Rosalind! Talo ka na. Nai-in love ka na sa Winston na iyan."

"Wala akong pakialam! Huwag niyo lang siyang sasaktan!"

-

Nakita ko ang pangalan ni Criselda na nag-post ng video. Maraming mga comments at reactions na talagang nakapagbahala sa akin. Kinuyom ko ang aking kamao at napailing.

"H-Hindi..." sambit ko na lang.

"Kalat na ang video mo sa buong school at umabot pa ito sa council. Nakita ito ni Ms. Zaragosa kagabi, at malamang, isinumbong ito sa principal."

Hindi ako makapagsalita sa pagkakataong iyon. Parang matutumba na yata ako, kaya inalalayan akong itinayo ni Mr. President.

"N-Nasa'n..." sambit ko at napalunok. "Nasa'n sina Criselda?"

Noong tinanong ko iyon ay may pumasok na isang STEM student sa classroom.

"Rosalind," tawag niya. "Pinapatawag ka sa principal's office."

Nagpakurap-kurap ako sa kanyang harapan. Nilingon ko ang mga kaklase ko na nag-aalala siguro sa aking kalagayan. Pinilit kong ngumiti.

"Anong gagawin mo, Rosalind?" tanong ni Nikko.

Acacia's FateMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon