"Umalis kana nga dito! Ang baho-baho mo. Nakakapurwisyo ka ng kostumer ko!" bulyaw sa kaniya ng masungit na tindera sa karinderya.
Napatigil ako sa pagkain at mariin siyang pinagmasdan. Hindi nga maipagkakailang hindi kagandahan ang kaniyang amoy. Napakadungis ng kaniyang kasuotan na tila ba'y nagmula sa basurahan. Ang kaniyang mahabang buhok na sobrang gulo dahilan para matakpan ang kaniyang mukha. Ang mga paa'y walang sapin. At kung ako ang tatanungin ay napakaganda niyang babae kung tutuusin.
Sinundan ko siya habang marahang naglalakad. Pinanatili ang malayong distansya mula sa kaniya. Nagulat ako nang bigla itong tumakbo at lumuhod sa harap ng isang lalaki.
"Tulungan mo ako. Hirap na hirap na ako." Umiiyak ito na wari'y nagsusumbong na bata. "Nilapastangan nila ang pagkatao ko. Pinagsamantalahan nila ang kahinaan ko. Pinagkaperahan at pagkatapos pakinabangan ay itinapon na parang basura. Tingnan mo ako! Ang dating ganda ko'y wala na. Pinandidirian at ipinagtatabuyan. Hindi ko na kaya. Pinatira ko sila at minahal pero hindi nila ako iningatan. Hindi sila katulad mo."
Maging ako ay nahahabag sa kaniyang kalagayan. Lalapitan ko na sana siya nang umupo ang lalaki sa kaniyang harap.
"Nadismaya ako sa kalagayan mo. Ipinaglaban kita pero hindi ko akalaing sasamantalahin ka nila. Hindi ito ang gusto kong mangyari. Hindi ito ang inaasahan kong mangyari. Akala ko ay mas maiingatan ka nila ngunit nagkamali ako. Patawarin mo ako, Ina."
Ang kaninang supot na aking hawak ay nabitawan ko. Napaluha ako sa kalagayan niya. Labis kong ikinahihiya ang aking sarili dahil isa ako sa mga nagsamatala sa kaniya. Isa ako sa kanila.
Lumuluhang tumalikod ako at umalis sa lugar na 'yon dahil hindi ko maatim na tingnan ang kalagayan niya. Ang kalagayan ng aking ina.
"Patawarin mo ako, Inang Pilipinas."
YOU ARE READING
Arts of Heart (Compilation of OSS)
RandomThis is a compilation of my one shot and flashfiction stories. This is purely made by my wild este wide imagination. Enjoy reading!