Nilikha ni Bathala ang mundo na mayroong pitong buwan.Ang bawat buwan ay nagsisilbing liwanag sa bawat gabi nang sa gayon ay magkaroon ng liwanag ang karimlan ng gabi sa mundo ng mga tao. Subalit,isang pangyayari ang gumimbal sa santinakpan,isang dambuhalang halimaw mula sa kailaliman ng mundo ang siyang bumangon.Ito ay naakit sa liwanag na hatid ng mga ito kaya umahon ito.Ngunit ang pagkaakit nito ay siyang nag-udyok upang lamunin nito ito.Hanggang sa isang buwan na lamang ang siyang natitira sa kalangitan. Humingi ng tulong ang mga tao sa kay Bathala upang mapigilan ang Bakunawa na lamunin ang natitirang buwan.Subalit ang Bathala ay walang ginawa bagkus ay binigyan lamang sila ng kanilang nararapat gawin upang tuluyang maitaboy ang halimaw at iyon ay ang lumikha ng ingay upang maitaboy ang halimaw. Nagtagumpay ang mga tao subalit ang tagumpay na iyon ay hindi nangangahulugang panghabang-buhay sapagkat ito'y pansamantala lamang hanggang sa muling paglitaw ng buwan sa kalangitan. At makalipas ang ilang daang taon,muling magbabalik ang halimaw upang muling mapunan ang pagkasabik nito sa buwan.