"Ready?" tanong ni Tess.
Nagpalitan ng tingin ang lahat at nagsipagtanguan. Suot nila'y protective plastic suit na balot sa tae, ihi, regla at dugo. Mula sa mga face shield nila ay kita nila ang mga zombies na naghihintay sa kanila sa labas ng glass door ng ospital.
"Okay, go Jack, go!" sabi ni Dodong.
"Okay..." sabi ni Jack sabay hakbang sabay hinto at tingin kay Dodong. "Teka, 'bat ako? Ba't hindi ikaw?"
"Ikaw naaa."
"Jack en Poy. Best of three," hamon ni Jack.
Nag-jack en poy sila habang nagtatakang nakatingin ang iba. Napailing si Tess at walang anu-ano'y binuksan ang pinto at humakbang palabas.
"Tess!" gulat na tawag ni Josie.
Napahinto sa pag-Jack en Poy sina Jack at Dodong pero hindi na nila napigilan si Tess na nakalabas na ng pintuan. Agad na pinaligiran si Tess ng mga zombies, napapikit ang nurse inaantay na siya'y lapain. Pero sa sandaling maamoy siya'y naglayuan ang mga zombies na parang mga asong nakakita ng patay na daga. Dumilat si Tess at nakitang buhay pa siya at marahang nagpatuloy sa paglakad hanggang sa limang metro na siyang nakalayo mula sa harapan ng ospital.
"Epektib!" masayang sabi ni Jack. Natuwa rin ang iba.
Lumingon si Tess sa kanila at sila'y kinawayang sumunod. Naglabasan ang iba at sinundan si Tess. Isang hilera silang naglakad at sinalubong ang horde ng zombies na kanilang hinati sa gitna na parang si Moses sa Red Sea. Nang maamoy sila'y panic na nagsipaglayuan ang mga zombies, nagtutulakan pa. Ang iba'y nagtakip pa ng mga ilong, ang mga walang ilong ay nagtakip ng bibig.
Magkasunod ang dalawang truck ng basura na nakaparda sa gilid ng daan.
Sa di-kalayuan, nakikipag-agawan sa basura si Gardong Grasa sa mga pusa. Bigla siyang natigilan nang may maamoy siya. Inamoy-amoy niya ang hangin, amoy na pabango sa kanya, napaka-pamilyar. At kanyang natanaw ang grupo nila Jack na naglalakad tungo ng mga truck—sila na kanyang naamoy. Nanlaking mga mata niya sa tuwa, at nilabas ang naninilaw niyang mga ngipin. Tumayo siya at naglakad patungo sa grupo nila Jack.
"FRIEENNNDSS!" sigaw ni Gardong Grasa.
Nang makita ng mga nurses na palapit si Gardong Grasa ay nagtilian sila. Ayan si Gardo na tumatakbo papunta sa kanila na paakap. Na-alerto ang mga zombies nang marinig ang mga boses nila at nagsimula silang magsilapitan.
Nang marating nila Jack ang unang truck ng basura ay agad silang naghubaran ng kasuotan. Sumampa si Boy Herpes at hinugot ang wirings sa ilalim ng manibela at sinimulang i-hot wire ang truck.
"Bilisbilisbilis..." sabi ni Jack. Kita niyang ina-attempt yakapin ni Gardo ang mga nandidiring nurse. At sa malayo palapit ang mga zombies.
Tumunog ang makina, nguni't lalo lang na-alerto pa ang ibang mga zombies na nasa ibang lugar.
BINABASA MO ANG
Tondo Z
HorrorPista na naman ng Sto. Niño de Tondo at lahat ay sabik nang magdiwang. Pero isang pandemnya ang iistorbo sa kasiyahan nang ang mga nagdiriwang ay makaramdam ng kakaibang gutom.