Naka-electrical tape ang maliit na transistor radio sa harapang bakal ng sidecar ng padyak. Kulay pula't maluma-luma na, ang antena'y medyo baluktot at may konting kalawang mula sa ulan at talsik ng tubig sa daan.
Naninigarilyo ang payat na driver na suot ay berdeng basketbol shorts at t-shirt na ginupit ang manggas, habang pinipihit ang radyo sa paghahanap ng malakas na transmission. Hindi tugtog, kundi balita ang hanap niya.
Naispatan niya ang papalapit na nurse na naka-kulay puting uniporme. Pinitik ng driver ang upos na inagos ng tubig kanal tungo sa estero. Umayos siya ng upo sa bisikleta habang pinagmasdang umupo sa sidecar ang nurse, sa legs nitong puti rin ang stockings.
May hitsura ang nurse at papasa sa lokal na patimpalak-kagandahan. Napangiti ang driver habang nilakasan ang volume ng radyo sabay buwelo ng padyak.
Nilisan nilang pila sa sakayan, ang hilera ng iba pang mga nagaantay na padyak sa may bangketa.
Ilang minuto bago mag alas-Sais ng umaga sa Tondo, Manila. Nagkalat na ang mga tao sa lansangan. May excitement sa ere. Panahon na naman ng fiesta. Maging ang babaeng reporter sa pang-umagang radyo ay hindi mapigil ang kasabikan:
Bisperas na naman ng Pista ng Sto. Niño de Tondo at abala na sa paghahanda ang ating mga kababayang taga-Tondo sa pagsalubong nito. Mula sa makukulay na banderitas, magagarang kasuotan ng binihisang mga Sto.Nino, hanggang sa mga nageensayong ati-atihan na lalahok sa Lakbayaw Dance Festival, ang Pista ng Sto. Niño de Tondo ang isa sa pinakamalaking religious celebration sa ating bansa na dinadalo ng libo-libong mga deboto mula sa buong Pilipinas maging na rin sa ibang bansa, charing! O, say n'yo!
Bumagal ang padyak nang makasalubong ang isa pang padyak na may lulan namang matabang ale na tila sa palengke ang destino pagka't may dala itong malaking plastic bag.
"O toma na!" sigaw ng driver sa kapuwa driver. Halos magkakakilala ang lahat ng mga TODA sa barangay na ito.
"Biyahe muna!" sagot ng kausap. "Pambili ng pulutan!"
"Gago! May utang ka pa ata kay bumbay!"
"Sakana 'yon!"
Naglampasan ang mga padyak nila habang nagtatawanan pa. Ang mga sakay nila'y nagsipagilingan. Tumingin ang nurse sa relo at napabuntong-hininga, ang ale nama'y napasimangot.
Sa pagbaybay ng mga padyak sa mga kalye tulad ng Lakandula, Moriones, Juan Luna, Dagupan, Abad Santos, Panday Pira, Pitong Gatang, at iba pa, makikitang nagbubukasan na ang mga bahay-bahay.
Maaga nang nagsipaggisingan ang marami mula sa mga nagkakape sa bangketa hanggang sa mga nagsisipilyo sa labas na gripo. May nageensayo ng mga ati-atihan at dance groups sa plasa, suot ang kanilang color-coded na mga t-shirt. Pula, Navy Blue, Cory Aquino Yellow at Neon Green.
Sa may simbahan, binibihisan na ang mga Sto. Niño at mga floats.
Ang amoy at ingay ng Tondo mula sa mga tulay, kalye, palengke, plasa, beauty parlor, barberya, sanlaan, paradahan ng mga dyip, sa mga simbahan hanggang sa squatter's area, ay amoy at ingay ng fiesta.
Handa na ang lahat sa kasiyahan.
Ang hindi lang sila handa ay sa lagim na magaganap.
NEXT CHAPTER: "Sina Raul at Isko"
BINABASA MO ANG
Tondo Z
HorrorPista na naman ng Sto. Niño de Tondo at lahat ay sabik nang magdiwang. Pero isang pandemnya ang iistorbo sa kasiyahan nang ang mga nagdiriwang ay makaramdam ng kakaibang gutom.