Tuloy ang masayang inuman nina Jack at gang. Malaki rin ang nakamkam nila sa pangingikil sa mga dumadaang tao sa kanilang barangay. Inubos nilang pera sa alak at sigarilyo bago magsara ang mga tindahan at pulutan sa ihaw-ihaw sa kanto. Ang karatulang "Para Kay Andoy" at mga latang pangolekta ay tinapon na sa tabi.
Madilim sa paligid. Patay na mga ilaw ng mga bahay maliban sa mga ilaw sa harap ng pintuan.
Sumibat na ang ibang miyembro ng mga Anak ng Bote at as usual, ang naiwan na lamang ay sina Jack, Bertong Basag-ulo, Boy Tulo at Boy Herpes. Mga lasing na, pero sige pa rin sa kasiyahan. Nauwi na naman ang trip nila sa pagbasag ng bote sa ulo ni Berto. Sa sobrang kalasingan ay hindi na nila matamaan ang tinatarget.
"Ashintahin mo mabute!" turo ni Berto sa kanyang ulo. "Baka shablay ka na naman e!"
"Huwag ka kasing magalaw..." sabi ni Boy Tulo.
"Gago, hindi nga ako gumagalaw. Eh, ikaw 'tong magalaw..." sabi ni Berto.
Hawak ni Boy Tulo ang bote ng beer, ang paningin niya'y umiikot. Ready na siyang pumukol nang matigilan at may matanaw sa malayo.
Pinungay niyang mga mata. Kinuskos ng pahid ng mga buko ng daliri.
"Sh...shi Andoy ba 'yon?"
Nagsilingunan ang ibang mga lasing, tumingin, at tumingin pang mabuti.
Sa madilim na kalsada, palapit ang isang tao. Nang matapat sa ilaw ay namukaan nila.
"O, shi Andoy nga!" turo ni Boy Herpes.
Naglalakad papunta sa kanila si Andoy. Walang suot na pangitaas, sa ibaba ang di-garter na pantalong ospital. Nagtatakang tinitignan sila ni Andoy. Tila namumukaan sila.
"Tangenaaa, Andoy! Akala namin natuluyan ka na!" masayang sabi ni Jack.
"Taposh na ba ang coma mo?" tanong ni Boy Herpes.
Sobrang tuwa lang ng lahat na makita ang kaibigang tanod.
Lumapit si Andoy, nabobosesan niya sila.
Nakatingin silang lahat kay Andoy na nakatingin din sa kanila. Palipat-lipat ng mga tingin. Apat na mga lasing at isang zombie.
"Nangayayat ka ata!" indak ni Jack.
"O halika naaa! Tumagay kaaa!" kumpas ng kamay ni Berto.
Pinaupo nila si Andoy habang binigyan ng tagay na gin.
"O, hetooo," pasa ng baso ni Berto, matapon-tapon pa ang alak.
"Dahan-dahan!" lasing na sabi ni Jack.
Nagtatakang kinuha ni Andoy ang baso ng gin.
"Para kay (hik) Andoy!" hawak ni Jack kanyang baso.
BINABASA MO ANG
Tondo Z
HorrorPista na naman ng Sto. Niño de Tondo at lahat ay sabik nang magdiwang. Pero isang pandemnya ang iistorbo sa kasiyahan nang ang mga nagdiriwang ay makaramdam ng kakaibang gutom.