Bumukas ang pintuan ng morgue at pumasok sina Dr. Morelos, Tess at Dr. Ravani. Kasalukuyang kumakain ng late na hapunan si Amador na embalsamador habang taimtim na nakikinig ng balita sa AM sa maliit na transistor radio. Nakatalikod ng upo sa mesa na malapit sa mga bote ng formalin. Nagulat ang embalsamador nang kalabitin siya sa balikat ni Dr. Morelos.
"ANAK KA NG TETENG!" gulat na bulalas ni Amador.
Nahiya ang matanda't nagpaumanhin lalo na nang makitang may kasama sina dok at Tess na wari niya'y isang foreigner. Agad niyang nilapag ang platong kinakainan at pinatay ang radyo.
Ipinakilala nila Dr. Morelos si Dr. Ravani at in-explain nilang mabuti na siya'y isang scientist na taga-CDC.
"'YUNG SA ROXAS BOULEVARD?" ani ng embalsamador. "MADALAS AKO DATING NAGJO-JOGGING SA MAY FOLK ARTS THEATER!"
Nagulat si Dr. Ravani na kailangang sumigaw ni Amador at nawari niyang mahina na ang pandinig nito.
"CDC—Center for Disease Control po, manong," pag-korek ni Dr. Ravani. "Hindi po Cultural Center of the Philippines."
Napadilat si Amador. Napaturo pa.
"ABA! NAGTATAGALOG KA PALA!"
Napakunot-noo si Dr. Ravani. "Half-Pakistani po ako."
Nakikipagkamay ang embalsamador nguni't tinanguan lang siya ni Dr. Ravani nang makitang malagkit ang kanyang palad at mga daliri dahil sa pagkakamay na pagkain ng kanin at ulam na dinuguan. Hindi na inantay ni Dr. Ravani si Amador na makapaghugas ng kamay at siya na mismo ang nagbaba ng kumot ng bangkay ni Andoy.
At nanlaki ang mga mata nila sa nakita.
"Oh, my God!" takip ng bibig ni Tess.
Ito'y sapagka't lumala pa ang hitsura ni Andoy. Ang katawan niya—dumikit nang balat niya sa kanyang mga buto at naglubugan at kumulubot na para bang natuyong kahoy. Naagnas ng buhok niya sa ulo at sa lahat ng parte ng katawan. Ang mga kuko niya'y halos nagtanggalan na. Ang mga ngipin niya'y kulay itim at ang talukap ng kanyang mata'y nalusaw.
Iyon, at ang amoy na nakakasuka. Napaatras sila.
Lumayo si Dr. Ravani, nakaramdam ng pagkahilo.
"Shit!"
Inabutan ng basong may tubig ni Amador ang duktora.
"O-okay lang, manong," pagtanggi ni Dr. Ravani. Takot lang sa pinanggalingan ng tubig, sa baso na ininuman na ng embalsamador.
Ilang oras lang mula nang dalhin si Andoy sa morgue, ay ganoon na lang ang pagbago ng katawan niya. Komento ni Amador ay ang hitsura raw ni Andoy ay parang sa pelikulang horror.
"Are you okay, doctor?" tanong ni Dr. Morelos sa duktora.
Tumango si Dr. Ravani at sinabing uumpisahan na niya ang autopsy. Nagtulong-tulong sila na mag-set-up. Mesa para sa procedure na may gripo, basin at drain, mga tools na gagamitin sa pag-dissect. Tinulungan nilang maisuot ni Dr. Ravani ang surgical gown, face mask, face shield at gloves. Ganoon din si Amadaor na naatasan na mag-assist sa autopsy.
BINABASA MO ANG
Tondo Z
HorrorPista na naman ng Sto. Niño de Tondo at lahat ay sabik nang magdiwang. Pero isang pandemnya ang iistorbo sa kasiyahan nang ang mga nagdiriwang ay makaramdam ng kakaibang gutom.