Tatlo ang pinakamatinding iyak ni Jack sa kanyang buhay na natatandaan niya.
Una'y noong walong taong gulang siya at mahilig maglaro sa mga inabandonang construction sites. Hilig niyang talunin ang pagitan ng mga bukas na butas ng second floor bilang pagmamayabang sa kanyang mga kalaro, at bilang pustahan na rin kung saan kumikita siya ng pera. Malayo ang natatalon ni Jack gawa na rin na may pagka-aerodynamic ang payat niyang katawan, nguni't may isang beses na sumablay siya't nahulog, at sakto ang isang paa niya sa kahoy na may pako. Iyon ang unang beses na nakakita si Jack ng ganoong karaming dugo. At dugo pa niya.
Ikalawa ay noong labing isang taong gulang siya at umihi sa pader at nakagat ng langgam ang titi niya. Ito pa iyong tinatawag na hantik, ang mas malalaking pulang langgam. At katutuli lamang niya noon. Kasama niya noon ang kanyang tatay na ama nila ni Lilibeth (si Jack ay may ibang nanay) na sinamahan siya sa mangtutuli. Pauwi, ay naihi si Jack at tinuro ng kanyang ama ang pader na may mga malagong halaman. Nguni't ang mas masakit kaysa sa kagat ng hantik ay nang bumalik siya sa kung nasaan ang tatay niya'y wala na ito. At sa lupa, nakita niya ang isang liham kung saan nakasulat:
Jack, ngayong tuli ka na ay isa ka ng ganap ka ng lalaki,
at dahil diyan, ikaw na ang padre de pamilya.
Alagaan mong nanay mo, at sana ay lumaki kang magandang lalaki,
kasi sa nakikita ko ngayon eh medyo sablay.Nagmamahal,
Tatay
Paguwi ni Jack sa kanilang barung-barong ay umiiyak niyang ipinakita ang liham sa kanyang ina at hindi ito nagtaka. Alam na ng kanyang ina. Kinabukasan nang gumising si Jack ay may pangalawa siyang liham. Wala na rin ang kanyang ina. Si Jack ay hinabilin sa kanilang kapitbahay na isang snatcher sa halagang P500. Noong ika-20 year niya sa mundong ito nang mahanap siya ni Lilibeth. Ang nakakatawa'y namumukaan nila ang isa't-isa. Si Jack pala'y madalas na uminom sa beerhouse kung saan nagsasayaw si Lilibeth noon.
Hindi nila akalain na iisa lang pala ang ama nila.
At na pareho pa silang taga-Tondo.
At ang ikatlo, ay ngayon.
At ang agos ng luha ni Jack ay higit pa sa mga nauna.
"Berto! Nakagat ka!"
Ganoon na lang ang gulat ni Jack na makitang dumudugo ang kamay ni Berto.
"Wala ito. Malayo 'to sa bituka," sabi ni Berto.
"'Wag kang mag-alala, s-siguradong may mga duktor sa barricade. Baka may gamot sila!"
Bumilis ang pintig ng puso ni Jack pagka't nakita niyang nanghihina na si Berto at pinagpapawisan, at naglalabasan na'ng mga ugat sa leeg ng kanyang matalik na kaibigan. Inapakan niyang gas para bumilis.
"J-Jack...naalala mo noong naligo tayo sa ilog..."
"O..oo!" agad na sagot ni Jack, tapos: "Alin doon?"
BINABASA MO ANG
Tondo Z
HorrorPista na naman ng Sto. Niño de Tondo at lahat ay sabik nang magdiwang. Pero isang pandemnya ang iistorbo sa kasiyahan nang ang mga nagdiriwang ay makaramdam ng kakaibang gutom.