Sa sala ng kanilang bahay, nakaupo sa sofa si Raul at nililinis ang itim niyang Converse gamit ang lumang toothbrush at tubig na may sabon sa lata. Si Lilibeth nama'y nagluluto sa may kusina nang pinagpapawisang dumating si Buboy sa bahay. Alas-Onse Bente ng patanghali.
"Sa'n ka na naman galing bata ka ke dungis-dungis mo?" sita ni Lilibeth sa anak.
"Sa rambulan!" may liwanag sa matang sabi ni Buboy. Napigtas pang strap ng tsinelas pagpasok ng pintuan at kanya ngayong isinusuot pabalik sa butas.
Napatigil sa ginagawa si Raul at napakunot-noo, bagong ligo at nakabawi na ng tulog.
"Rambulan?"
Hingal pa si Buboy.
"Opo, 'Tay, kah-kah, gang ni Tiyo Jack, kah-kah, kalaban 'yung gang ni Dodong Krus!"
Agad na bumaling si Lilibeth sa asawa. Sa likuran, umuusok ang niluluto niya.
"Kita mo na, kung hindi nagiinuman, nakikipagaway!" sabi ng maybahay gamit ang sandok na panturo.
"Nahuli sila ng mga pulis!" balita pa ni Buboy.
"As usual!" mabilis na sabi ni Lilibeth.
Umiiling na nagsuot ng rubber shoes si Raul bago tumayo. Suot na niya ang asul na barangay tanod t-shirt. Dinampot niyang kulay itim na cap na may tatak ring barangay tanod at isinuot.
"O, san ka pupunta?" tanong sa kanya ni Lilibeth.
"San pa? E 'di sa presinto."
"Kumain ka muna, sayang itong niluto ko."
"Tirahan mo na lang ako," nawalan na ng ganang kumain si Raul. Nahuli na naman sina Jack at kanyang gang. Alam na niya ibig sabihin nito. Katakot-takot na pakiusap na naman kay Hepe. Ang masama, dahil sa mga katarantaduhan ni Jack at kanyang gang, napapasama tuloy ang pangalan niya, at tuloy, naaapektuhan ang pangangampanya niyang maging kagawad.
Hinimas ng paalam ni Raul si Buboy sa ulo.
"Alis muna ko, anak."
"Sama ako sa presinto, 'Tay."
"Alam mo namang bawal ang bata doon."
"May nakita kaya akong mga bata doon," dahilan ng bata.
"'Yung mga nagru-rugby 'yon, anak," sabi ni Lilibeth.
Tahimik na nagpaalam si Raul sa asawa at humalik sa pisngi nito bago lumabas ng bahay. Napabuntong-hininga si Lilibeth na tinanaw ang pagalis niya.
"Hay nako, ang tatay mo," iling niya. "Ayan, isasalba na naman sa kapahamakan ang magaling na Tiyo Jack mo.
"Siyempre, superhero eh," ngiti ni Buboy.
BINABASA MO ANG
Tondo Z
HorrorPista na naman ng Sto. Niño de Tondo at lahat ay sabik nang magdiwang. Pero isang pandemnya ang iistorbo sa kasiyahan nang ang mga nagdiriwang ay makaramdam ng kakaibang gutom.