Chapter 2: Sina Raul at Isko

2.8K 168 37
                                    

Isang maliit at pangkaraniwang barangay outpost na nakikita sa siyudad, kasinlaki lamang ng public toilet sa gasolinahan. Pinturado ng kulay asul at puti, at nakatatak sa pader nito ang simbolo ng mga tanod na mukhang manibela ng barko. Mula sa bukas na bintana ay nakapatong ang isa ring radyo na naka-tune-in din sa AM. Boses naman ng lalaking mamamahayag.

Samantala, kulang-kulang na labing apat na ang isinugod sa mga ospital sa Tondo dahil sa food poisoning na galing sa mga kontaminadong baka na ini-smuggle galing Tsina. Gayun pa man, tuloy ang paghahanda sa darating na pista ng milagrosong Sto. Niño de Tondo...

Bumukas ang pintuan ng outpost at mula sa loob ay lumabas ang isang lalaki, suot ang di-kwelyong t-shirt na asul. Sa kaliwang taas ng dibdib naka-print ang logong manibela at salitang "TANOD."

Si Raul.

Humihikab pa siya dahil sa magdamag na pagroronda kagabi. Si Raul ang punong tanod ng barangay at nagsimula bilang miyembro lamang hanggang sa maging Team Leader at ngayon siyang "bossing" ng mga kung tawagin ay Tanod Boys.

Mahaba ang hikab niya at pumungay pang mga mata habang humakbang tungo sa kalsada. May konting lamig ang umaga at samyo ng bagong dilig na halaman. Sa gilid ng kalye nakita niyang gising na si Isko, ang kanyang kanang kamay, at bumibili sa magtataho.

Hinimas ni Raul ang kanyang bigote na pinattern niya sa idolong si Rudy Fernandez (sumalangit nawa'ng kaluluwa niya) at sinalubong ng ngiti ang umaga. Bagama't alam niyang matinding sakit nga ng ulo ang pagpapanatili ng kapayapaan sa magulong pista ay wini-welcome ng 38-anyos ito with open arms. Tapat siya sa tungkulin at siryoso sa adhikain. Ito'y sa dahilan din na pangarap niyang maging konsehal at tingin niya'y malaki ang tyansa niya sa susunod na eleksyon.

Dahil kilala ng lahat si Raul at ito'y hindi isang exaggeration. Kahit saan ka magpunta, pag sinabi mong si Raul ang balik sa iyo'y pagkamangha at pagiidolo. May katangkaran si Raul, makisig ang pangangatawan, bukod sa may hitsura pa. May ngiti sa mukha na nakakapagpagaan ng loob, lalo na ng mga matrona. Nguni't, huwag mo siyang gagalitin at makakatikim ka ng hagupit ng kanyang matitigas na kamao.

HOOOOOOOOO! TA-HOOOOOOOOOOO!

Nagulat si Raul sa malakas na boses ng magtataho habang ito'y naglakad paalis bitbit kanyang mga garapon. Lumapit si Isko tangan ang dalawang plastic cups ng taho. 'Yung tig-sampung piso lang. Hindi na kailangang sabihin ni Raul kay Isko na gusto niya ng taho. Automatic na ito.

Si Isko nama'y hindi katangkaran, pero hindi ibig sabihin na hindi siya palaban. Magkababata sila ni Raul simula't-sapul. Mga batang Tondo.

Sabay nilang mabagal na ininom ang mainit na taho, at kinilig sa tamis ng arnibal, habang pinagmasdan ang kapaligiran. Sa gumigising na Tondo.

***

Buhay na buhay na ang plasa sa harapan ng simbahan sa mga nagsu-Zumbang mga manang at lola suot ang makukulay na tights at mga naka-headband pa. Nang dumaan sina Raul at Isko ay nagsipagkawayan ang mga ito.

"Happy Fiesta!" Malakas nilang sigaw. Naubo ang ilan.

"Happy Fiesta!" bating pabalik ng dalawang tanod.

Nang madaan naman sila sa kabubukas pa lamang na beauty parlor ay binati rin sila ng mga baklang beauticians. May mga balloons sa harap ng parlor at malakas na karaoke. Literal na kabubukas pa lamang ng parlor pagka't itinaon ng may-ari na si Freda na mag-"grand opening" sa mismong araw ng Fiesta de Sto. Niño. Para bongga raw.

"Happy Fiesta, Raul!" kaway ni Freda na may hawig kay Freddie Mercury. Kumakaway rin ang dalawa niyang kasamahang kabaro. Bumati pabalik sina Raul at Isko.

Bukod sa beauty parlor, ang plasa ay napapaligiran ng iba pang mga commercial establishments, sari-sari stores, bakery, lugawan at tindahan ng mga santo. Malapit sa simbahan ay naka-ready nang lumarga ang mga floats. May ilang barangay tanod ang naroon na binati ng dalawa. Sa araw ng fiesta, nagkakasama-sama ang mga tanod mula sa iba't-ibang mga barangay, kahalubilo ang mga pulis at MMDA. Meron ding mga bumbero.

Dumiretso sa bakery sina Raul at Isko para bumili ng pandesal bilang pasalubong pag-uwi.

On the way ay dadaanan nila ang bahay na may grilled metal fence kung saan nakatali ang isang aso. May bakuran sa harapan kung saan nakaupo ang instik na si Mr. Chang na nagbabasa ng diyaryo at umiinom ng kape, suot ay sando, shorts at tsinelas. Malago ang mga halaman sa kanyang tirahan, malayo ang hitsura sa numinipis niyang tuktok.

Nang matapat sina Raul at Isko sa bahay ay biglang kumahol ang aso at sila'y nagulat. Muntik pang matapon ang dala nilang mga pandesal.

"Chang!" inis na tawag ni Raul, at tinuro ang aso. "Pina-injection-an n'yo na ba 'tong aso n'yo? Eh mukhang may rabies ito eh!"

Nagpamewang ang may edarang instik.

"Tama lang 'yan. Ako dami na beses nakaw dito akyen bahay," mayabang niyang asta. "Mga akyat-bahay na 'di n'yo naman huli. Kaya ako kuha bantay aso."

Nagkatinginan sina Raul at Isko at napakamot ng mga ulo.

"Eh delikado ito," punto ni Raul. "Pano kung makawala ito at makakagat ng tao?"

"Melon nakaw akyen monobloc chair, nakaw akyen mga paso, nakaw pati akyen kuntador!" patuloy lang ni Mr. Chang na nagbibilang sa mga daliri sabay taas ng kanyang hintuturo. "Ako reklamo presinto wala naman huli Hepe! Kayo wala mga silbi!"

"Lokong 'to a!" sigaw ni Raul na umastang pasugod. Kung may ayaw na ayaw siya'y iyong kinukuwestiyon ang kanyang tungkulin.

"Tara na, Raul," awat ni Isko.

Ilang beses na rin nilang nakasagutan ang instik na kilala sa barangay bilang masungit at mapanlait. Matagal na rin si Mr. Chang sa Tondo, na kahit na umalis na sa kanyang bahay ang kanyang mga anak para makapag-asawa at mamuhay sa ibang lugar (well, sa Ongpin lang naman) ay nanatili pa rin ang instik sa kanyang bahay kahit na anong hikayat sa kanya. Siya na lamang ang Chinese sa kalye niya. Ayaw pa niyang umalis sa kadahilanang hindi pa raw oras para ibenta ang bahay niya pagka't tataas pa raw ang value nito.

Umalis sina Raul at Isko habang nagpapalitan ng masamang tingin kay Mr. Chang.

Habang nakatingin ang naglalaway na aso.

Na nagbubula ang bibig.

NEXT CHAPTER: "Sina Jack at Ang Mga Anak ng Bote"

Tondo ZTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon