26
Madaling-araw na at hindi pa rin ako makatulog. Kanina pa ako papalit-palit ng posisyon sa higaan pero nanatiling dilat ang mga mata ko. I can't sleep! Kanina pa ako nakapikit pero hindi naman makatulog. Ayaw akong dalawin ng antok! Pati ako ay naiinis na rin dahil ayaw tumigil ng mga tumatakbo sa isip ko. Ilang minuto pa ang lumipas ay bumangon na rin ako sa wakas. Mukhang walang planong matulog ang diwa ko.
Lumabas ako ng kwarto at sinilip kung nasa kwarto na niya si Venice. Dahan-dahan ko pang binuksan ang pinto pero wala naman palang tao. Hindi pa siya umuuwi hanggang ngayon. Saan kaya siya natulog? Saan kumain? Sana naman umuwi na siya mamaya para maayos na namin yung mga gulong nangyari. Ready na kaming tanggapin siya, ready na kaming tanggapin kung sino talaga siya. Kaya sana talaga umuwi na ang kapatid ko dahil ayaw ko nang magkagulo-gulo pa kami nang dahil lang doon.
Napagdesisyunan kong bumaba sa kusina para kumuha ng tubig. Madilim kaya kinapa ko ang switch ng ilaw at nang tuluyan nang nagliwanag, napatalon pa ako sa gulat nang makitang nagluluto si Mama sa kalan habang may facial mask sa mukha. Jusko! Muntik pa akong atakehin sa puso dahil sa kaniya! Bakit ba naman kasi nagluluto siya sa dilim at sa ganitong oras? Alas tres palang yata nang madaling araw!
"Ma!" sigaw ko at nagbawi ng hininga. Nakatingin lang siya sa akin at hindi nagsalita.
Ano bang trip ni Mama? Magluto raw ba naman nang ganitong oras. Naamoy ko na lang na noodles pala yung niluluto niya dahil nilagyan niya na ng seasonings. Hindi talaga maikakaila ang amoy non. Parang nagutom din tuloy ako!
"Kumuha ka na ng mangkok mo, hati tayo." sabi ni Mama nang ilagay yung kasirola sa gitna ng lamesa. Agad naman akong tumayo para kumuha ng lalagyan.
"Hindi pa umuuwi si Venice?" tanong ko habang pinapanood siyang lagyan ng noodles yung mangkok.
"Hindi pa e." tugon ni Mama at ibinigay sakin yung noodles. Umupo ako sa harap niya at nagsimulang humigop ng mainit na sabaw.
I couldn't send a message to Venice. Nahihiya na natatakot ako. Baka kasi mas magalit lang sa akin ang isang yon kapag kinumusta ko pa siya after ng mga salitang nabitawan ko. Nasaktan din naman niya ako pero alam kong nasaktan ko rin siya so it's just a tie. Pero sa sitwasyon namin, ayoko munang gumawa ng hakbang na baka mas ikasira lang namin. Gusto ko man itanong kung nasaan na siya, wag nalang. Mas maganda na rin yung mag-usap kami nang personal para mas maging maayos ang usapan.
"Tingin mo galit pa sa atin yun, Ma?" bigla lang pumasok sa isip ko ang tanong na yon. Hindi ko rin alam kung bakit ko sinabi kay Mama.
"Hindi ko rin alam. Hindi natin alam. Pero siguro naman hindi. Baka nagtatampo lang, hindi nagagalit." sagot ni Mama at humigop na rin ng sabaw.
Sana nga hindi siya galit. Sana talaga. Because we are willing to say sorry naman. Umuwi lang siya, itatama namin yung mga nasabi namin.
"Magba-bake pala ako mamaya ng cake kapag umuwi na si Venice. Peace offering lang," ani Mama.
"Sige po. Aalis ako mamaya, bibili ako ng peace offering ko. At tsaka dadalaw rin po kasi ako kay Laurence,"
Naubos ko na yung noodles. Agad akong tumayo para ilagay yon sa lababo. Habang hinuhugasan yung pinagkainan, biglang nagsalita si Mama sa likuran.
"Malaki na ang tiyan mo ah? Hindi mo pa ba nalalaman ang gender nyan?"
Nahinto ako sa ginagawa. Naalala ko yung sa ospital. Alam na ni Mama ang totoo, na hindi si Laurence ang ama nito. At alam kong naaalala niya pa rin yon kahit hindi niya binabanggit. Hindi ko alam ang dapat sabihin. Nahihiya ako para sa sarili ko. Matagal din kaming hindi nakapag-usap at siguro ito na yung pagkakataon para mag-usap kami about doon. Bumuntong-hininga ako at muling umupo sa harap niya.