Para sa kapatid na si Morticia, malaking bagay ang mga teddy bear nito dahil naging kaibigan at anak na nito ang mga laruang binibili rito ni Chancey.
Walang kahit sino sa mga tagapaglingkod nila ang bumibili ng laruan para sa kanila dahil masyado na nga silang matanda para doon. Wala ring dahilan para bumili dahil nangangahulugan iyon ng pagkausap sa mga tao.
Pero si Chancey ang nagbigay ng mga laruan sa kanila. Ito ang dahilan kung bakit sila nagkaroon ng teddy bears. At mahirap para sa kanilang matanggap na ito rin ang babawi n'on sa kanila sa kahindik-hindik na paraan.
Pero para kay Edric, hindi lang iyon basta laruan. Regalo iyon ni Chancey sa kanya. Tatlong beses lang siyang binilhan ni Chancey ng teddy bear. Dalawa ay regalo nito sa nakaraang dalawang Paskong nagdaan.
Wala silang Pasko, pero meron si Chancey. At lahat ay binibigyan nito ng regalo. Teddy bear naman ang ibinigay nito sa kanya.
Kayamanan para sa kanya ang mga teddy bear na iyon dahil walang kahit sinong nag-abala sa kanyang magregalo sa isang araw na wala namang mabigat na dahilan para sa kanila. Ilang dekada na ring walang nagreregalo sa kanya kahit sariling pamilya, pero naroon si Chancey at binigyan siya.
At ayaw na ayaw niyang ginagalaw ang mga bagay na napakahalaga para sa kanya.
Alas-dos pa ng hapon ang pahinga ni Edric, pero ala-una pa lang, nasa Winglov na siya. Dali-dali siyang umakyat sa kuwarto niya habang umuusok na ang ilong sa galit. Kahit ang mga servant nila sa kastilyo ay hindi siya naawat.
"Witch!" malakas niyang sigaw. Tumingin agad siya sa kanan at nakita agad ang mga teddy bear niya sa kama na nakakumot pa. Ang bigat ng paghinga niya nang lapitan ang tatlong stuff toy na nasa higaan niya. Mukhang ligtas ang tatlo, tahimik at walang galos.
Wala iyon doon. Nasa playroom niya iyon na tatlong taon nang walang babaeng humihiga matapos gawin ang ritwal na pag-aalay sa kanya sa anak ng ada. Doon natutulog ang mga teddy bear, hindi sa kama niya-kung natutulog man ang mga ito.
Pumunta agad siya sa playroom niyang may tabing na velvet curtain na matingkad ang pagkaka-navy blue. Paghawi ng kurtina, malinis ang kama. Kumunot agad ang noo niya at nilingon ulit ang mga teddy bear.
"Witch?" pagtawag niya kay Chancey.
Binalikan niya ang mga teddy bear, sunod ay tumungo sa balcony ng kuwarto. Hinanap pa niya sa rose garden si Chancey mula sa itaas. Puro mga hardinero lang ang naroon at nagtatabas ng damo.
"Where is that cursed monster?"
Bumalik na siya sa loob at nakakadalawang hakbang pa lang siya nang makita ang hinahanap.
Parang bumagal ang pag-inog ng mundo habang sinusundan niya ito ng tingin.
Nakasuot ito ng malaking asul na dress shirt na nagmukha nang maikling bestida rito. Kung anong ikinabalot nito sa pang-itaas ay siya namang ikinahayag ng maputing hita nito at nakapaa pang naglalakad. Kagat-kagat nito ang cord ng earphone habang kumakanta nang mahina.
Wala silang pusong tumitibok, pero tatlong taon na mula nang ilihim niya sa lahat ang tungkol sa mga kabog sa loob ng dibdib niya.
At isang tao lang ang nakagagawa n'on.
"Ay, palaka!"
Biglang bumalik ang normal para kay Edric habang pinandidilatan siya ni Chancey.
"Ang aga mo naman! Nagtrabaho ka ba?" Tumigil ito sa tapat niya at nag-dial na agad sa phone.
Ang bigat ng paghinga niya at naiinis na umirap. Pumaling agad siya sa kanang gilid at dinampa agad nang isang beses ang dibdib niyang may nagwawala sa loob para pakalmahin.
BINABASA MO ANG
Prios 4: Living with the Vanderbergs
FantasyTatlong taon matapos mapabilang ni Chancey sa pamilya, naging pressure sa kanya ang pagkakaroon ng anak bilang anak ng Ikauna. Sa araw ng pagkabunyag ng kanyang pagdadalantao, magsisimula na ang sumpang magtatapos sa huling testamento. Magsisimula n...