Tatlong taon nang binabalewala ni Edric ang lahat ng pakiramdam niyang hindi naman niya dapat nararamdaman. Wala siyang makitang dahilan para intindihin iyon at gawing malaking bagay pa. Maliban sa niloloko lang siya ng pakiramdam na iyon para sa isang nilalang na nasa dugo ang pagiging ada, hindi rin naman maaari dahil nakatali na ang nilalang na iyon sa iba.
Sanay na sanay si Edric na pinalilibutan ng babae. Kulang ang dalawa sa isang araw. May babae sa opisina. May babae sa bahay. Sanay ang buong pamilya sa ugali niya. Iniisip niyang paraan iyon para hindi siya kaawaan dahil wala na siyang pagkakataon para ikasal pa kahit na kailan.
Kasalanan ng mga tao kung bakit siya nawalan ng mapapangasawa. At sa pagkain lang ng mga babae ang paraan para hindi isipin ng pamilya na may malaking kakulangan sa kanya.
Isa lang ang ina nila ni Morticia, at ni minsan, hindi niya nakita ang ama na nagdala ng ibang babae sa Winglov. Hindi rin niya kahit kailan nabalitaan na sumisipsip ito ng dugo ng ibang babae, o kahit pa sinong tao. Ospital nila ang pinagkukunan nito ng pagkain. Kahit ang tiyuhin na si Alastor, tinanggap na wala na silang makikilalang bampirang babae na mapapangasawa. Pero alam din naman ng pamilya na hindi babae ang tipo ni Alastor.
Isang beses lang sila maaaring umibig at may kaunting inggit siyang nararamdaman dahil hindi nasasakop ng pakiramdam na iyon ang pinsang si Donovan. Kalahating tao ito at iibigin nito ang lahat ng maaari nitong ibigin dahil natural ang pagkakaroon nito ng puso. Hindi nagiging asul ang mata nito dahil hindi ito tinatablan ng sumpa ng mga Dalca gawa ng marka ng Ikauna. Kaya kung ano man ang nararamdaman nito para kay Chancey, dalisay iyon at walang halong mahika gawa ng pagiging ada ng babaeng kinaiinisan niya.
Pero alam din naman ni Edric na natural kay Donovan ang pagiging marupok dahil sa pagiging tao nito at mabilis pang utuin. Kaya nga naiirita siya rito dahil nagawa itong mauto ng dalawang babaeng may dugong tao. At hindi lang basta pang-uuto ang ginagawa. Kung ano-ano pa ang pinakakain dito. Ito namang pinsan niyang mabilis madarang, kain lang nang kain. Mabuti sana kung hindi lason sa kanila ang mga pagkain sa labas.
Mas tanggap pa nga niyang kumakain ng laman ng tao si Donovan kaysa pakainin ng unan. Kahit pa bantaan siyang pupugutan ng ulo, hindi siya magtatangkang lumunok ng kinakain ni Chancey.
May kinakain ito parati na maliit na puting bagay na sobrang lambot. Iyong sinasawsaw nito sa dugo at pagkakasyahin sa bibig nito.
Kung hindi lang siya natatakot para sa mga teddy bear nila, malamang na tinawanan na niya ito. Mukha kasing dagang costa kapag ngumunguya.
Mahal niya ang mga teddy bear niya kahit pa hindi iyon kasinggrabe ng gaya kay Morticia. Kaso hindi talaga niya matatanggap na tatlo lang ang kanya samantalang dalawampu't dalawa ang sa kapatid samantalang sila ni Chancey ang madalas magkausap.
Kaya nga iyon ang pinagpuputok ng butsi niya nang tumambay sa receiving area kasi malapit na nga raw magising si Donovan at nangako itong tutugtog ng piano. Nakahilata siya sa couch habang tumitingin ng reports sa sariling phone. Kasalanan pa ni Chancey kung bakit kailangan niyang magtrabaho sa bahay imbis na magpahinga na lang.
"Mortal, why—"
"Chancey."
Umikot na naman ang mata ni Edric bago itinuloy ang sinasabi. "Morticia said you bought her twenty-two teddy bears."
"Ngayon?"
"And you bought me three of them. You're unfair."
Mabilis siyang nilingon ni Chancey habang nagsasalubong ang kilay nito. "Ano na namang inggit ang sumanib sa katawan mo, ha?"
BINABASA MO ANG
Prios 4: Living with the Vanderbergs
FantasyTatlong taon matapos mapabilang ni Chancey sa pamilya, naging pressure sa kanya ang pagkakaroon ng anak bilang anak ng Ikauna. Sa araw ng pagkabunyag ng kanyang pagdadalantao, magsisimula na ang sumpang magtatapos sa huling testamento. Magsisimula n...