Parang nabigyan ulit ng buhay ang dugo ni Edric sa katawan nang marinig ang boses ni Chancey. Pero dahil ayaw niyang ipahalata iyon sa imortal na sumusundo sa kanya ay pinanatili niya sa mukha ang kawalan ng interes—na para bang wala siyang pakialam kung makikita pa ulit niya ang babaeng tatlong buwan niyang hiniling sa lahat ng diyos na kilala niya na bumalik at sabihing ayos lang ito—buhay at ligtas.
"I ate five ladies every day, witch. Glad you were gone," biro niya, at kunwaring inaayos ang mga folder kahit na wala namang aayusin talaga roon.
"Manahimik ka, Edric. Nakikibalita ako kay Zephy tungkol sa ginagawa mo."
Mabilis siyang tumalikod at tinakpan ng folder ang mukha habang pinipigilang matawa. Baka kung ano pa ang isipin ng imortal na naroon.
Si Chancey nga iyon, wala nang duda.
"Nagpasabi ako kay Eul na sunduin ka. Nasa trabaho pa raw siya. Tulog pa ang asawa ko kaya sinabihan ko siyang sunduin mamayang paggising."
Huminga muna nang malalim si Edric para pigilan ang pagngiti. Halos ibato na niya ang hawak na folder sa file cabinet na nasa harapan bago tumayo.
"Where is she?" tanong na lang ni Edric sa imortal.
Nakaramdam itong tapos na ang usapan at pumayag na siya kaya tumalikod ito para magpaalam nang mahina kay Chancey bago binalikan si Edric.
"Naroon siya ngayon sa Gilmora."
****
Kung alam lang ni Edric kung nasaan eksaktong naroon si Chancey, pagkasabi pa lang na nasa Gilmora ito, mula sa bintana ng 25th floor ng Bernardina, talagang lilipad na siya papunta roon. Ang kaso, isa ang Gilmora sa mga lugar na sobrang higpit ng seguridad. Kulungan kasi iyon ng mga nilalang na may malalakas na kapangyarihan at kailangan ng matinding pagbabantay para hindi makatakas.
At doon pa lang sa ideya na dinala nila si Chancey sa kulungan ay nakikini-kinita na niya kung ano ang aabutan doon.
Pero hindi naman ganoon kalala sa Gilmora dahil dati iyong evacuation center ng mga halimaw na kailangang gamutin noong panahon ng pananakop ng mga tao.
Naisip niyang kaya pala hindi niya mahagilap si Chancey. Nasa loob pala ito ng lugar na kahit sino sa kanila—kahit si Gaspar—ay hindi mahahanap.
Sobrang layo ng Gilmora. Malapit na sa hangganan papuntang timog. Wala sa kanilang dumaraan doon maliban kung may kamag-anak na ikinulong doon. Kahit nga ang ama niya ay hindi nakatatapak doon. Hindi dahil hindi ito ganoon kalakas, pero alam ng pamilyang hindi ito gagamit ng kapangyarihan para tumakas.
At habang iniisip din iyon ay baka nga nagtangka na naman si Chancey na tumakas kaya ikinulong na lang ng pamilya. Hindi na siya nagtaka. Hangga't kaya nitong umalis, aalis ito. Hindi lang niya alam kung bakit hindi na ito nakaalis pa roon kahit na gumagamit naman ito ng kapangyarihan.
Ang tinanggap na lang niyang paliwanag sa sarili ay baka dahil buntis at may oras na sobrang hina nito.
Pitong oras na biyahe patunong Gilmora. Alas-diyes pasado na ng gabi ay nasa biyahe pa rin sila. Kung maaari lang na ilipad na ang sinasakyang sedan ni Edric, pinalipad na niya. Kahit sinabi na niyang bilisan ang pagpapatakbo ay inabot pa rin sila ng ganoon katagal. Gabi na nga nang makarating sila sa isang bayan sa dulo ng norte. Sobrang layo niyon sa Winglov, kabilaang dulo.
Walang pangit na kulungan para sa pamilya. Dahil alam nilang lahat ng pakiramdam ng makulong sa pangit na lugar. At walang pamilya ang gagawa ng ganoon sa kanyang kapatid, sa kanilang sariling dugo, sa kanilang kauri. Ultimo ang Grand Cabin ay kulungan na para sa kanila. Kaya nga takang-taka si Chancey kung paanong naging kulungan ang isang mansiyon.
BINABASA MO ANG
Prios 4: Living with the Vanderbergs
FantasyTatlong taon matapos mapabilang ni Chancey sa pamilya, naging pressure sa kanya ang pagkakaroon ng anak bilang anak ng Ikauna. Sa araw ng pagkabunyag ng kanyang pagdadalantao, magsisimula na ang sumpang magtatapos sa huling testamento. Magsisimula n...
