Walang masasabing masama si Edric sa Historical Commission. Patas ito sa lahat dahil walang magagawa ang kahit sino kundi itala ang kasaysayan sa tama at eksaktong detalye. Ang tungkulin na lang ng lahat ay alamin ang kasaysayan—bagay na bihira lang ang umaalam sa kanila dahil ang pagpunta roon ay nagiging bahagi rin ng kasaysayan ng pamilya.
Si Poi ang namamahala roon pero bihira lang ito sa mismong gusali at palaging nasa labas o nasa gubat. Nagtatrabaho rin doon si Mrs. Serena. Iyon nga lang, hindi siya sigurado kung ibinalik nila ito sa posisyon doon maliban sa pagbabalik nito bilang mayordoma sa The Grand Cabin.
High ceiling, puno ng mga bagay na may malaking ambag sa kasaysayan ng norte ang naroon. Mga artifact noong unang panahon, mga scroll na nailigtas bago sila sakupin ng mga tao, at mahahalagang dokumento noong nakaraang milenyo pa.
Nasa fourth floor ang Book of Spells. Kasama ng ibang aklat ng kasaysayan ng Prios. Nakita na noon ni Edric ang Book of Spells pero wala siyang interes alamin ang tungkol doon. Patay na ang mga salamangkero ng unang panahon. At ang kilala lang nilang mga sorcerer ay tao ng Eighth's Son.
Sa Walong Guro ng Salamangka noong sinaunang panahon, ang Ikauna lang ang sinunod nilang lahat. Ang sikat na samahan ng mga Cabal ay inubos nila nang minsan nitong pagtangkaang sakupin ang norte.
Hindi lang makapaniwala si Edric na makakasama niya ang anak ng Ikauna sa pagbabasa ng aklat ng mga salamangka samantalang inubos nila ang lahi ng mga salamangkero sa patnubay ng anak ng Ikawalo.
Puno ng salaming harang ang paligid maliban sa malaking aklat sa gitna. Libre iyong basahin ng lahat ng magpupunta roon. Higit isang dipa ang laki ng nakabuklat na libro at pumapatak ng limang talampakan ang taas. Maaari na ngang maipangkumot ang bawat pahina nito sa kapal ng papel na gawa sa materyal na kamukha ng sa natural na sako ng mais.
"Maiwan ko na muna kayo. Tawagin n'yo na lamang ako sa pager sa may entrance kapag may kailangan kayo," paalam sa kanila ni Silas.
"Thank you, Silas!" masayang sabi ni Chancey na tinanguan lang nang matipid ng malaking lalaki.
Naniningkit ang mata ni Edric nang sundan ng tingin si Silas na palabas ng malaking silid na iyon.
Hindi siya manhid para hindi maramdaman ang kakaibang kapangyarihan ng Book of Spells. May itim at gintong aura na lumilibot doon. Parang umuusok ng ginto ang aklat at pinoprotektahan ng itim na puwersa ang puwesto kung nasaan ito naka-display.
Kahit nakapamulsa siya ay hindi niya maitago ang kilabot habang nakatitig sa libro na parang wala lang kung buklatin ni Chancey.
Hindi niya naiintindihan ang nilalaman ng aklat. At kung maintindihan man niya ay wala siyang interes alamin ang tungkol doon. Sa ora pa lang na inilalabas ng libro, nagdududa na siya kung ligtas pa ba iyong gamitin. Nagtataka siya kung bakit pa iyon naroon sa Historical Commission samantalang hayag na hayag na sa kanilang lahat na para silang nagtatago ng bombang sasabog anumang oras gawa ng libro.
Panay ang lipat ng pahina ni Chancey. Paminsan-minsan ay kukuha ng picture.
Hindi masamang kumuha ng picture sa Historical Commission. Alam ng lahat iyon. Dahil para sa mga tao sa norte, hindi nila nakikita ang nakikita ng mga hindi naman tao. Pero si Chancey . . . ibang usapan na ito.
Inobserbahan ni Edric ang babaeng nasa harapan niya.
Hindi alam ni Chancey ang tungkol sa singsing na suot nito. Mula pa kay Hecate ng sinunang panahon ang kayamanang iyon. At nagpasalin-salin na iyon sa napakaraming henerasyon. Alam na alam ng pamilya ang kasaysayan ng singsing at walang ibang may kakayahang kontrahin ang kapangyarihan niyon kundi ang espada lang na silang mga Vanderberg ang nagmamay-ari. Napakarami nang napaslang ng espada, damay na ang ina ni Donovan at ang pinsang si Marius. Kung hindi lang siya pinalad ay nakatikim din siya ng talas ng espadang iyon.
BINABASA MO ANG
Prios 4: Living with the Vanderbergs
FantasiTatlong taon matapos mapabilang ni Chancey sa pamilya, naging pressure sa kanya ang pagkakaroon ng anak bilang anak ng Ikauna. Sa araw ng pagkabunyag ng kanyang pagdadalantao, magsisimula na ang sumpang magtatapos sa huling testamento. Magsisimula n...