Alam ni Edric kung saan siya lulugar pagdating sa pamilya. Ni hindi nga siya basta-basta nangingialam sa desisyon. Parating mga imortal at si Helene ang umaangat sa bawat sinasang-ayunan ng mga taga-Prios. At dahil wala na si Helene, si Chancey ang nagsilbing kapalit nito. Iyon nga lang, hindi si Chancey ang tipo ng nilalang na gugustuhing kontrolin ang lahat.
Walang ibang laman ang isip ni Edric kundi patayin ang anak ni Chancey. Ang anak na tatlong taon nang hinihintay ng buong Prios mula rito. Halimaw ang batang iyon para sa kanya, hindi lang dahil nagkasakit siya dahil dito, kundi dahil papatayin nito si Chancey, mamamatay rin ang chairman oras na mamatay si Chancey, at simula na iyon ng gulo sa pamilya para mag-agaw-agaw para sa kapangyarihan. Kumpara sa mga imortal, iilan na lang silang mga bampira, at hindi niya isasakripisyo ang natitira nilang lipi para lang sa kasakiman ng mga nasa Prios.
Hindi kasingsakim ng ibang uri ang mga Vanderberg. Maliban sa pagiging antipatiko at mataas ang tingin sa sarili, hindi sila ang tipo ng pamilyang gustong kumukuha ng atensiyon sa Prios. Kadalasan, sila pa ang huling hinihingan ng opinyon. Pero bilang Vanderberg, hindi siya papayag sa plano ngayon ng pamilya, kahit na kalabanin niya ang buong Prios para lang sa desisyon na iyon.
Matapos dumilim ang paligid ni Edric, lumiwanag lang ulit ang lahat sa kanya pagsapit ng gabi. Nasa kama siya—sa playroom niya at noon lang niya napansin kung anong oras na.
"Witch?" pagtawag niya nang makita ang babaeng nasa kama niya sa kabila.
Tumayo siya at nilapitan ito. Ang alam niya, si Donovan ang dapat nagbabantay rito pero wala ang pinsan niya roon.
"Witch?" pagtawag niya ulit dito. Pagsilip niya, kalmado itong natutulog.
Kalmado at payapa.
Napalingon siya sa grandfather clock sa kanan, doon sa gilid ng pintuan ng kuwarto. Alas-dose y medya ng madaling-araw.
Biglang kumunot ang noo niya nang ibalik ang tingin kay Chancey.
Hindi ito umiiyak.
Ang lalim ng paghinga niya habang tinititigan ito. Napahawak siya sa dibdib. Walang tumitibok doon. Napaisip siya kung nananaginip ba siya o tunay na ba siyang gising.
Umupo siya sa tabi nito at hinawakan niya ito sa braso. Totoo naman ito. Kumunot lalo ang noo niya.
Pakiramdam niya, may mali sa nangyayari.
Alam niyang karamihan ng bumubuo sa populasyon ng norte ay mga halimaw. At hindi na bago sa kanyang makakita ng nilalang na kulay berde, mahaba ang tainga, apat ang mata, nagiging hayop, hindi namamatay, may kakaibang lakas, at kung ano-ano pa. Ngunit hindi normal para sa kanya ang makaramdam ng malakas na kapangyarihan mula sa isang nilalang na hindi pa nga nabubuo nang maayos sa loob ng katawan ng isang nilalang na hindi ganoon kalakas upang magdala ng ganoong klaseng halimaw sa sinapupunan nito.
Ginagawa nilang sisidlan ng halimaw si Chancey at balewala na kung mamatay ito o hindi. Ang mahalaga sa kanila ay makuha ang bata.
Hindi naman niya itinatanggi na gusto niya itong mamatay, pero nasa punto na siya ng buhay na ayaw niyang mangyari iyon.
Pagsapit ng umaga, gaya ng nakasanayan ay bumangon siya at nag-almusal. Ang kaibahan lang, wala ang kapatid at ama niya.
"Hughes."
Mabilis na lumapit sa kanya ang tagapagsilbi sa likod. "Yes, Master."
"Where is my father?"
"He's on a family meeting, Master."
"For what agenda?"
"Not that we know of, Master."
Hindi na nasundan ang tanong ni Edric. Nasa meeting ang ama niya. Wala siyang alam kung kasama si Morticia at iniwan siya sa kastilyo.
BINABASA MO ANG
Prios 4: Living with the Vanderbergs
FantasiTatlong taon matapos mapabilang ni Chancey sa pamilya, naging pressure sa kanya ang pagkakaroon ng anak bilang anak ng Ikauna. Sa araw ng pagkabunyag ng kanyang pagdadalantao, magsisimula na ang sumpang magtatapos sa huling testamento. Magsisimula n...
