Epilogue

2.9K 188 96
                                    


Isa na iyon sa pinakatahimik na umaga sa Grand Cabin. Walang tao sa mansiyon at halos lahat ng miyembro ng pamilya ay kung hindi nasa ospital, nasa Prios naman. Maliban sa ibang kailangan pa ring gawin ang trabaho nila sa araw na iyon.

Maganda ang sikat ng araw sa umagang iyon. Kapapatak pa lang ng alas-nuwebe impunto. At walang mababasang emosyon sa mukha ng mga araw-araw na naglilinis doon.

Basa ang lupa gawa ng ulan sa buong magdamag. Paghinto ng sasakyang minamaneho ni Lance sa harapan ng mansiyon, nauna nang bumaba roon si Eul para tingnan ang buong paligid.

Mula sa di-kalayuan ay natanaw niya sa damuhan ang kulay mapusyaw na asul na maternity dress. Nilapitan niya agad iyon at inobserbahan.

May bakas ng makapal na abo sa loob at palibot ng damit. Napabuntonghininga na lang siya at napayuko.

Nabanggit ni Edric ang tungkol sa singsing kaya sigurado na siyang iyon ang may gawa ng nakikita niya.

Nadako ang tingin niya sa paanan at kumikinang doon ang singsing ni Ruena dahil sa pagtama ng sikat ng araw. Dinampot na lang niya iyon at tiningnan ang ruby na bato nito sa gitna.

Nalulungkot siya sa kinahantungan ng mga pangyayari. May anim na araw pa dapat silang hihintayin. Ilang linggo nang inaasikaso ng dating chairman ang panganganak ng asawa nito.

Mula sa mga legal na dokumento. Sa pagkausap sa pamilya ukol sa lahat ng mana na makukuha nito. Maging sa pagpapangalan at pag-alam ng opinyon ng pamilya kung ayos lang ba sa kanila ang pangalan ng bata.

Iginalang ni Donovan Phillips ang desisyon ng pamilya sa huling pagkakataon kaya wala silang maisusumbat dito.

Pagtapak niya sa loob ng mansiyon, napahinto na lang siya nang makita ang nakakalat na damit sa sahig—ang suot ni Mr. Phillips noong nakaraang gabi lang bago sila maghiwalay pauwi—at natuyong dugo sa palibot. Gaya ng nakita sa labas, may bakas na rin ng abo roon.

"Ipalilinis ko na lamang ito," malungkot na sinabi ni Mrs. Serena.

Isang magandang umaga para sa mga nilalang na nagluluksa sa pagkawala ng dalawang importanteng bahagi ng pamilya.

Lumibot si Eul para tingnan ang buong mansiyon para sa kakaibang bagay. Wala na ang numen at ang bampirang may-ari ng mansiyon kaya dapat ay wala nang salamangkang umeepekto pa roon.

Inuna niyang pasukin ang silid ng chairman. Walang nagbago maliban sa naiwang nakabukas ang pinto. Kahit sa blank room ay wala namang nagyari. Pero ang silid ni Chancey . . .

"Agh—!" Biglang napaso ang kamay niya nang hawak ang pinto nito. Pagtingin niya sa kamay ay may kung anong kulay kahel na alab ang naroon. Mabilis niya iyong pinagpag at pinagaling ng isa pang kamay.

Kumunot agad ang noo niya.

Noong si Chancey pa ang naroon, hindi iyon ganoon. Parang may di-makitang harang lang ang sagabal sa pinto. Pero mas delikado na ang harang na naroon. Kailangan niyang magtanong kung paano iyon nangyari.

Pagbaba niya, papunta pa lang sana siya sa dining area nang matigilan.

Nakaabang si Mrs. Serena sa may verandah. Si Lance ay tumatakbo sa papalapit sa mansiyon.

"Ano ito?" bulong niya nang makita si Gaspar na hatak-hatak sa isang karetela ang isang malaking bagay.

"Magandang umaga!" malakas na bati ng ginoo mula sa malayo.

"Liyag, sinabihan na kitang ipadala mo na lamang iyan sa mga tauhan ng komisyon," sermon agad ni Mrs. Serena sa asawa.

"Ito'y bukal sa loob, Liyag! Regalo sa tagapagmana ng Ikauna! Magandang ibigay nang personal!"

Prios 4: Living with the VanderbergsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon