20. Hidden

2K 169 52
                                        

Hindi si Edric ang tipo ng bampirang basta-basta na lang nangunguha ng nilalang na inaalok siyang itago raw ito—lalo na kung hindi naman niya pagkain at hindi rin naman makakain. Kung tutuusin, wala siyang balak itago si Chancey. Gusto lang niyang mawala sa mundo ang anak nito—bagay na hindi pa niya lubusang napagpaplanuhan kaya naghihintay pa siya ng tamang pagkakataon at paraan para gawin iyon.

Hindi madali para sa kanya ang pumatay dahil lang gusto niyang pumatay. At lalong hindi madaling pumatay ng isang nilalang na nasa loob ng isa pang buhay na katawan.

Hindi na ligtas ang Winglov para kay Chancey. Mabilis siyang mararamdaman doon ng mga taga-Prios. At kapag tinanong ang mga tagapaglingkod doon ng kahit sino sa pamilya, wala pa siyang naipag-uutos na huwag magsasalita. Bagay na kailangan na rin niyang idagdag sa mga plano niya kung paano ipatitikom ang bibig ng mga ito.

Tanghali na at dapat ay kumakain na silang dalawa ng pananghalian. Ilang araw nang hindi kumakain si Edric nang direkta sa dugo ng isang tao, at ayaw niya sanang masanay, pero nagkasundo sila ni Chancey kaya kahit paano'y hindi na rin siya naghahanap ng ibang katawang maiinuman ng dugo.

Wala siyang ibang lugar na mapupuntahan para pagtaguan kay Chancey maliban sa isang lugar. At sigurado siyang masasapak siya nito sa galit kapag nalaman nito kung saan iyon.

"Kung gusto mo na talaga akong patayin, sana doon pa lang sa lone town, ginawa mo na, di ba?" sarkastikong sermon ni Chancey sa kanya.

At hindi nga siya nagkamali, nagalit nga ito. Hindi nga lang matindi na inaasahan niya.

Malawak ang lugar, sapat para humanay sa lawak ng palibot ng Grand Cabin. Di-hamak na maliit sa kalahati ng Helderiet Woods, pero masasabing sapat na para masabing malaki sa isang munting bahay na naroon sa gitna nakatirik. Nasa silangang bahagi iyon ng kakahuyan ng Winglov. Lugar ng mga imortal na bilang na lang ang lahi.

Ang daming bulaklak, may mga bungangkahoy sa palibot. May maliit na pond sa kanan na puro water lily at koi fish. Sa kaliwa ay may wooden swing na may sinadyang disenyo ng mga baging na may bulaklak na kulay lila, kaharap ang isang bilog na mesa na may apat na upuan. Agaw-pansin ang bahay sa gitna na simple lang naman pero parang nagliliwanag sa araw. Gawa lang naman iyon sa makakapal na tipak ng troso. Mapayapa sa lugar, at kahit sino sa kanila ay masasabing kung gustong magpalamig ng ulo, masarap ngang magtagal doon. Tinitingnan pa lang nila ang paligid ay kumakalma na sila.

Bihirang dumaan doon si Edric. Kapag nakikipag-away lang sa mga kamag-anak at kailangan nga talagang magtago sa pamilya pansamantala. Ayaw rin naman niyang magtagal doon dahil napagagalitan siya ng may-ari ng lugar—lalo na't puro ito sermon sa buhay kapag sinisinghalan siya.

"Serena."

"My God, Edric. Tumakas nga ako para di nila makita tapos dinala mo pa 'ko sa kanila?" naiinis na bulong ni Chancey at biglang tumalikod. Sinalubong agad ni Edric ng kamay ang baywang nito saka ipinaharap ulit sa munting bahay.

Natitirang lupain ng mga Sylfaen, ang huling lupang naiwan kina Mrs. Serena nang sakupin sila ng mga tao noong unang panahon. Mapalad na dahil nanatili pa iyon doon kahit na minsan na silang nahuli noon bilang mga halimaw.

Para kay Edric, iyon na ang pinakaligtas na lugar para kay Chancey. Hindi naman dahil naroon si Mrs. Serena kundi dahil sa asawa nito.

May dala-dalang tray si Mrs. Serena nang lumabas mula sa nakabukas na pinto ng munting bahay. Napansin agad ni Chancey na nakasuot na ito ng pulang bestida na may mahabang manggas at abot hanggang ibabaw ng sakong ang haba. Naninibago si Chancey dahil sanay siyang nakauniporme ito sa Cabin. Tumaas agad ang kilay nito pagkakita sa kanila.

"Alam nating pareho na hindi ka pumupunta rito nang wala kang problema, Edric," sermon agad nito at mabilis na napaikot ang mata ni Chancey dahil sigurado na siyang siya ang tinutukoy na problema ng mayordoma ng Grand Cabin.

Prios 4: Living with the VanderbergsMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon