15. Killer's Instinct

2.3K 179 25
                                        


Gabi na nakabangon si Edric matapos magkasakit nang buong araw. Tahimik lang siya habang ngumunguya ng pinagsama-samang agahan, tanghalian, at hapunan para sa araw na iyon. Dinalhan na siya ni Chancey ng pagkain sa kuwarto para hindi na siya bumaba sa dining area.

"Nagpatawag pala ng meeting kanina," balita ni Chancey habang iniaabot ang wine glass kay Edric para makainom ito ng dugo. "Nabalitaan agad sa Prios na nagkasakit ka dahil sa 'kin."

Walang sagot si Edric. Wala naman siyang pakialam dahil alam niyang wala ring pakialam sa kanya ang pamilya. Sa tagal niyang parte ng Prios, magkakapakialam lang ang mga ito sa pinakamahalagang bahagi ng pamilya sa isang partikular na panahon. At sa panahong iyon, ang anak ni Chancey ang pinakamahalaga. Kung hindi rin itatanong ni Chancey, wala pa rin namang pakialam sa kanya ang pamilya, nagkataon lang na siya ang ina ng anak na kailangang protektahan ng mga ito.

"Sabi ni Eul, okay ka na raw. Sure ba? Baka kasi di ka pa okay talaga."

Inubos lang ni Edric ang laman ng wine glass at iniabot na ulit kay Chancey ang baso para ipatong nito sa side table.

"Dito na lang ako matutulog sa couch kung ayaw mo 'kong patulugin sa tabi ng kuwarto ni Morticia."

"Just stay here," seryosong sagot ni Edric at iniabot ulit ang platong kinainan niya kay Chancey.

"Paano nga ako makakapag-stay rito, nagkakasakit ka dahil sa 'kin. Magagalit sa 'kin ang papa mo, baka palayasin ako nang wala sa oras."

"He won't mind. Don't bother."

Pakalapag ni Chancey ng plato sa tray sa side table, sumampa ulit siya at kinuha ang isa sa dalawang basang towel na naroon nakababad sa ceramic basin na nasa mesa.

"Di na ako nagpatawag ng servant kasi gabi na. Nakakahiya kung mag-uutos pa 'ko," katwiran ni Chancey dahil hiyang-hiya na talaga siya sa Winglov. Kahit naman sinabihan na siya na kahit hatinggabi, isang tawag lang niya, may pupunta agad sa mga tagapaglingkod doon para paglingkuran siya. Itinupi niya ang pinigang tuwalya at tumabi agad siya paharap kay Edric. "Bukas, si Donovan na ang magbabantay sa 'kin. Makakapahinga ka nang maayos. Sabi ni Hughes, doon ka naman daw matutulog sa kuwarto ni Morticia kasi babantayan mo yung mga teddy bear niya habang nasa Cabin siya."

Matipid ang ngiti ni Chancey kay Edric nang balingan niya ito ng tingin. Kinuha niya ang isang braso ni Edric para punasan dahil alam niyang hindi pa ito makaliligo nang maayos. At kung sakali man, kailangan pa rin niyang magpatawag ng servant para paliguan ito.

"Kapag masama ang pakiramdam mo, magsabi ka agad para naaasikaso ka."

Titig na titig lang si Edric kay Chancey habang inaasikaso siya nito. Ang lalim ng paghinga niya habang inaalala ang sakit na naramdaman niya kagabi at tiniis buong araw.

Noong sinabi ni Alastor na malakas si Chancey para tiisin ang sakit na iyon, inisip niyang siguro ay hindi naman iyon ganoon kasakit talaga dahil nakakangiti naman ito pagsapit ng umaga.

Pero ibang klase ang sakit ng katawan na nakuha niya rito. Ultimo kahit siya, pinigilan ang sariling umiyak at mamilipit sa sakit matapos matanggap iyon.

Kung gabi-gabi iyong nararamdaman ni Chancey, hindi rin niya alam kung paano pa siya babangon sa umaga kung siya ang makararanas n'on.

Hindi siya naaawa kay Chancey, at ayaw niyang kaawaan ito. Kung may huling bagay siyang gagawin, iyon na malamang ang maawa sa iba.

Ang gusto lang niya sa mga oras na iyon ay makita ito. Kahit ang makiusap na hindi naman niya ginagawa, ginawa niya para lang hindi ito umalis.

Hindi siya normal na nagkakasakit, at noong nararamdaman niya ang sakit na iyon, walang ibang tumatakbo sa utak niya kundi ayaw niyang mawala sa mundo nang hindi nakikita ang taong gusto niyang makita sa kahuli-hulihang pagkakataon.

Prios 4: Living with the VanderbergsMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon