Kung may isang bagay na hindi kahit kailan aasahang mangyari ni Edric, iyon na malamang ang makulong sa The Grand Cabin.
Hindi naman sa ayaw niya roon, pero iniiwasan nila ang engkuwentro sa mga shifter na naroon, lalo pa't hindi sakop ni Poi ang karamihan ng mga halimaw na gumagala sa gabi.
Mahigit dalawandaang taon nang nakatirik ang mansiyon sa gitna ng gubat ng mga Helderiet. Noong hindi pa tuluyang nabubuo ang Prios ay ipinagkatiwala na ang lugar ng mga Dalca kay Jandre Van Helderiet at ipinamana na lang nito sa anak at sa manugang na isang Vanderberg.
Natatandaan pa ni Edric noong ama pa niya ang nagbabantay sa pinsang si Marius nang mamatay ang mga magulang nito. Hindi naman sa wala itong pakialam sa pinsan niya ngunit kung ano ang gusto nito ay hinahayaan lang ni Rorric. At kung naging mahigpit lang ito sa pamilya ay hindi sana nito nakilala si Quirine.
Kapag naaalala niya ang pinsan niya at maiisip si Chancey, lalo lang niyang gustong patayin ang sarili.
Minarkahan siya ni Chancey, at sa dami ng sinabi niya sa dining table noong hapunan, kung maaari lang niyang gibain ang buong Cabin, ginawa niya dahil sa kahihiyan.
Kung siya lang ang masusunod, pagkatapos ng mga sinabi niya ay hindi na siya kahit kailan magpapakita sa mag-asawa. Pero sa kamalas-malasan talaga, kung alam lang niyang may marka sa dibdib niya ay hindi na niya sinabi ang lahat ng iyon.
Wala tuloy siyang ibang mapuntahan kundi loob ng mansiyon. At doon lang talaga siya nagtago sa blank room sa third floor. Iyon lang ang bukas na daan nang hindi siya dumaraan sa main door. Ang kaso, nasa kabilang kuwarto lang ang kuwarto ng pinsan niya at nasa katapat naman ang kuwarto ni Chancey.
Nakasalampak lang siya sa may pinto, nakasandal doon para kung sakaling may magbukas ay masasangga agad niya.
Napapabuntonghininga na lang siya kapag naiisip na makukulong siya sa lugar na iyon matapos ang lahat ng sinabi niya.
Ayaw mawala sa isipan niya ang mga posibleng gawin kung sakaling makita siya ni Chancey. Wala naman siyang pakialam kay Donovan kahit na ano pa ang malaman nito tungkol sa nararamdaman niya. Madedepensahan niya agad iyon at maaaring sabihing nagdedelusyon lang ang pinsan niya. Pero si Chancey . . .
"Arggh!" Pigil na pigil ang sigaw niya nang guluhin ang magulo na niyang buhok.
Nahihiya siya kay Chancey. Hindi na niya alam kung anong mukha pa ang ihaharap niya rito kapag nakita ulit niya, lalo pa't nasa iisang bahay lang sila.
Tama nga si Poi. Sana itinikom na lang talaga niya ang bibig.
Sa gitna ng pag-iisip ng kahihiyan niya sa buhay ay nakarinig siya ng mahinang iyak mula sa kabilang kuwarto. Naglabas na naman siya ng usok sa katawan at itinayo siya niyon at akma na sanang bubuksan ang pinto, pero naisip niyang ayaw niyang doon dumaan.
Dahan-dahan siyang binalot ng itim na usok at mabilis na lumipad palabas sa bintana. Pagdating doon ay mas lumakas ang hikbi sa kabila. Mula sa pagiging usok at sumilip siya sa bintanang nakabukas ang kurtina sa kuwarto ni Donovan.
Una niyang nakita ang office table nito. Paghanap niya ng tingin ay nakita niya ang kama ng pinsan at naabutan doong umiiyak si Chancey. Pero hindi lang iyon. Hawak-hawak nito ang kaliwang braso ng pinsan niya habang kinakagat iyon.
Pinanood niya ang nangyayari.
Hindi naman mukhang kinakain ni Chancey si Donovan. Parang doon lang sa braso nito inilalabas ang panggigigil gawa ng matinding sakit.
Naririnig niyang may sinasabi ang pinsan niya kay Chancey habang hinahagod nito ang buhok ng asawa. Pero hindi niya lang malinaw na naririnig dahil masyadong malayo ang puwesto niya. Lumipat siya sa kabilang bintana at umasang makalalapit pero sarado naman ang kurtina kaya bumalik siya sa pinanggalingang bintana at naabutan ang dalawa sa kung paano niya iyon iniwan.
BINABASA MO ANG
Prios 4: Living with the Vanderbergs
FantasyTatlong taon matapos mapabilang ni Chancey sa pamilya, naging pressure sa kanya ang pagkakaroon ng anak bilang anak ng Ikauna. Sa araw ng pagkabunyag ng kanyang pagdadalantao, magsisimula na ang sumpang magtatapos sa huling testamento. Magsisimula n...
