CHAPTER 8

764 13 0
                                    


Matapos nang nangyari ay umalis iyong lalaki upang pumunta sa presinto kung saan dinala ang walang hiyang ama-amain ko. Matapos niya ring umalis ay dumiretso ako sa kwarto ko, nagkulong, at dito nagpatuloy na ilabas ang lahat ng luha ko. Umaasang sa patuloy na pagragasa ng mga luha ko ay gagaan ang pakiramdam ko dahil sa oras na ito, sobra-sobrang bigat sa dibdib ang nararamdaman ko. Para bang may kung ano-anong nakapatong sa sobrang bigat nito.

Ngunit ang umaasang iyon ay hindi nangyari. Hindi gumaan ang kung anong bigat na nararamdaman ko dito sa dibdib ko. Hindi nadagdagan pero hindi rin naibsan. Sobrang bigat sa pakiramdam. At habang umiiyak ay bigla na lang sumagi sa isip ko si Papa.

"Papa," sambit ko na animo ay darating siya dahil tinawag ko. "Papa," pagtawag ko ulit habang humahagulgol, "kung hindi ka ba namatay ng maaga, dadanasin ko ba ito? Kung nandito ka pa rin ba, hindi mangyayari sa akin 'to? Papa, ang bigat-bigat ng nararamdaman ko. Ang sakit-sakit ng puso ko. Gusto kong makalimot, gusto kong matanggal ang nararamdaman kong ito, Papa. Papa. . . ."

Patuloy pa rin ako sa paghagulgol at pag-iyak. Hindi ko alam kung gaano katagal akong umiiyak sa loob ng kwarto ko. Ni hindi ko nga namalayan na nakatulog na pala ako. Naramdaman ko na lang na may humaplos sa gilid ng mata ko. Nang maramdaman iyon ay dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko. At sa pagmulat ko, doon ay nagtama ang paningin namin ng lalaking tumulong sa akin.

"Sorry kung nagising kita. Patuloy kasi sa pagluha ang mga mata mo habang natutulog ka kaya pinahiran ko ang mga ito." Ramdam ko ang awa sa tinig ng lalaking nakatingin ngayon sa mga mata ko. Kahit sa mga mata niya ay nakikita ko ang lumbay at awa niya para sa akin.

Bumangon ako mula sa pagkakahiga, sumandal sa uluhan ng kama, yumuko at pinahiran ang mga luha ko. "Okay lang," turan ko sabay angat ng tingin sa kaniya.

"Nasa kulungan na ang step father mo. Sinisiguro ko sa 'yong pagbabayaran at pagdudusahan niya ang ginawa niya sa 'yo," ani nito.

Hindi ako sumagot at sa halip ay tinitigan ko lang siya. Para kasing may kung anong humaplos sa puso ko nang marinig iyon. Tinitigan ko siya at sa isip ko ay nagpapasalamat ako sa kaniya. Hindi ko alam kung bakit hindi ko iyon masambit at masabi sa kaniya. Kaya ang ginawa ko ay tumitig na lang sa kaniya habang hindi ko namamalayan na unti-unti na naman pa lang ngumingilid ang mga luha ko sa mata.

Nakipagtitigan din ang lalaki sa akin. Pero ilang sandali pa ay parang nailang na siya kaya siya na ang umiwas. Pero kahit umiwas na ang lalaki ay patuloy pa rin ako sa pagtitig sa kaniya. Hindi ko kasi matukoy kung bakit pero parang medyo nabawasan ng kaunti ang bigat na nararamdaman ko nang marinig ko ang sinabi niya. Parang may kung ano sa sinabi niyang kinuha ang kaunting bigat at sakit na nararamdaman ko sa puso ko.

"I cooked food for you. Sorry kung ito lang ang naluto ko. Ito lang kasi ang mayroon sa kusina. You didn't eat anything simula pa kagabi. Alas tres na nang hapon ngayon. Wala pang laman ang tiyan mo," aniya na hindi nakatingin sa akin.

Mula sa pagkakaupo sa kama ay tumayo siya at kinuha iyong pagkain na niluto raw niya. Nang iabot niya ang tray na pinaglagyan ng pagkain ay doon lang siya tumingin sa akin. Ibinaba ko ang paningin sa pagkain na iniabot niya at doon ay nakita ko ang dalawang pritong itlog, tatlong ham at kaning nasa harapan ko.

"Kailangan mo nang kumain. Hindi mo dapat pabayaan ang sarili mo. Hindi ko man ramdam ang nararamdaman mo pero alam kong sobrang sakit nang nangyari sa 'yo. Pero, kahit na ganoon, sana lumaban ka. Sana ay magpatuloy ka sa buhay mo." Nag-angat ako ng tingin sa lalaki at doon ay hindi na awa ang nakikita ko sa mga mata niya. Wala nang bahid ng awa sa mga mata niya. Ang nakikita ko ngayon ay ang tapang sa kaniyang mga mata na nagsasabing bumangon ako at huwag hayaang malugmok ang sarili ko sa nangyari. "Kung kailangan mo nang makakapitan at masasandalan, narito ako para tulungan ka. Hindi man kita kilala---hindi mo man ako kilala---hindi man natin kilala ang isa't isa, narito ako para alalayan ka. Alalayan kang tumayo at bumangon," dugtong pa ng lalaki.

Ramdam ko ang sinseridad sa mga mata at salita niya. Dahil doon ay hindi ko napigilan ang sarili ko't ang kaninang nangingilid kong luha, ngayon ay nagsisiunahan na. Sa narinig kong sinabi na naman niya ay parang may humaplos na naman sa puso ko. Mula nang nagtrabaho kasi si Mama sa ibang bansa ay wala na akong ibang taong nasasandalan pa. Wala na akong ibang taong nakakapitan pa. Wala na si Papa, wala rin si Mama. Naramdaman kong ako lang mag-isa. Talagang hirap na hirap akong harapin ang mundo.

Kaya dahil sa sinabi ng lalaking ito sa harapan ko ay para bang nabawasan muli ang bigat at sakit na nararamdaman ko. Ang pakiramdam na mag-isa ako, ngayon ay parang napawi na. Pakiramdam ko ay may matatakbuhan na ako. Pakiramdam ko ay may masasandalan at makakapitan na ako. Pakiramdam ko ay hindi na ako mag-isa.

Hindi ko kasi masabihan si Mama sa mga problema ko at sa mga nangyayari sa buhay ko dahil ayaw kong mag-alala siya. Ayaw kong mas mapagod pa siya dahil sa pag-aalala. Alam na alam ko kasi ang hirap at pagod na pinagdadaanan niya kahit na hindi niya sinasabi. Ayokong dumagdag pa kaya sinasarili ko lahat ng mapapait na nangyayari sa akin. Kaya ganito na lang ang pagragasa ng mga luha ko dahil sa sinabi ng lalaking ito sa harapan ko. Ramdam ko kasing may masasabihan na ako. Kahit na nasabi ko naman na sa kaniya lahat nang nangyaring mapait sa buhay ko.

"Salamat," sambit ko habang patuloy sa pagluha't nakatingin sa kaniyang mga mata.

Ngumiti ang lalaki habang nakatingin sa akin. Mayamaya pa ay, "Sige na, kumain ka na," sabi nito na nakangiti pa rin.

Inabot ko ang tray na hawak-hawak niya at ipinatong ito sa kandungan ko. Sabay ng pagpatong ko sa tray sa ibabaw ng kandungan ko ay ang pagbaba ng paningin ko rito. Tiningnan ko ang pagkain na inihanda niya para sa akin at tila ba mas pinalala nito ang pagluha ko. Hindi dahil sa lungkot, sakit, o kung ano pa man. Kundi dahil sa medyo nakaramdam ako nang saya. Hindi ko na kasi naramdaman ang ganito. Ang makaramdam ng may isang taong nag-aalala kung nakakain na ba ako. Simula kasi ng nagtrabaho si Mama sa ibang bansa ay hindi ko na naranasang paghandaan ng makakain. Ilang taon pa ako noon nang huli kong maramdaman ang ganito. Talagang nakaramdam ako ng saya dahil pakiramdam ko ay may taong nag-aalala para sa akin maliban kay Mama.

"Hmm. . . pwede ko bang malaman ang pangalan mo?" biglang tanong nang lalaki kaya napaangat ako nang tingin sa kaniya.

Pinunasan ko muna ang mga luha ko sa mata bago sumagot. "Bownie, Bownie ang pangalan ko," sagot ko habang deretsong nakatingin sa kaniyang mga mata.

Tumango-tango siya sabay iwas ng tingin sa akin. Ibinalik niya lang ang paningin sa akin nang magsalita siyang muli. "Ako nga pala si Rainier," pagpapakilala niya.

"Mm," tanging sagot ko sabay ngiti ng bahagyang-bahagya.

Tumitig siya sa mga mata ko. "Bownie," pagtawag niya sa akin habang titig na titig pa rin sa akin, "kung hindi mo pa kayang alagaan ang sarili mo dahil sa nangyari at napagdaan mo, hayaan mo na muna akong ako ang mag-alaga sa 'yo. Tandaan mo lang na nandito ako," sinserong saad ni Rainier.

Napahinto ako bigla at tumitig sa sinserong mukha niya. Hindi ko alam kung bakit pero nakaramdam na naman akong may humaplos sa puso ko. Ramdam na ramdam ko ang sinseridad at pag-aalala niya sa akin. Hindi ko alam kung bakit ngunit tila ba unti-unting nabawasan ang bigat at sakit na nararamdaman ko bagaman meron pa rin sa puso ko. Naibsan na naman ang bigat at sakit sa dibdib ko.

Sa kauna-unahang pagkakataon, may nagligtas at tumulong sa akin. Sa kauna-unahang pagkakataon ay may nag-aalala sa akin maliban kay Mama. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakaramdam ako na hindi na ako mag-isa. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nararamdaman kong may tao na akong malalapitan, makakapitan, at masasandalan.

Hindi ko na lang namalayan na rumagasa na naman pala ang mga luha ko sa mata. Naghahabulan at nag-uunahan na naman sila. Hindi dahil sa masasakit na naranasan ko sa buhay ko, kundi ay dahil kay Rainier na ipinaparamdam ang sinseridad at pag-aalala sa bawat katagang binibitawan niya. Hindi ko siya kilala. Lahat sa kaniya ay hindi ko alam at hindi ko kilala. Maliban sa pangalan niyang kasasabi lang niya ay iyon lang ang tanging alam ko sa kaniya. Kagabi lang kami nagkita at nagkausap. Ngunit, kahit na ganoon ay nararamdaman ko ang kabutihan niya. Hindi lang sa salita niya kundi maging sa ginagawa niya.

Rainbow After The Pain Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon