CHAPTER 20

431 10 0
                                    

Matapos nang nangyari ay nag-aya nang umuwi si Rainier. At matapos rin nang nangyari ay ramdam ko ang lubusang saya at galak na nararamdaman ko sa puso ko. Sa sorpresang ginawa niya para sa akin, sa nangyari sa amin, sa klase ng paghawak niya sa pisngi ko, sa klase ng patitig niya habang unti-unting inilalapit sa akin ang kaniyang mukha---habang ramdam ko ang mga labi niya sa labi ko ay nararamdaman kong iisa ang nararamdaman namin ni Rainier. Na katulad ko ay mahal niya rin ako.

Sobrang saya at nagagalak ako. Ramdam ko ang bawat paggalaw ng kalamnan ko sa sobrang tuwa. Ramdam ko ang bilis ng tibok ng puso ko. Sobrang bilis na para bang hinahabol ng kung ano ang puso ko. Hindi ko ma-explain ng maayos sa inyo ang nararamdaman ko. Pero isa lang ang alam kung sigurado ako, sobrang saya ko ngayong gabi dahil sa nangyari.

At ngayong nasa loob na kami ng sasakyan at nilalakbay ang daan pauwi, hindi ko mapigilan ang magnakaw ng tingin sa kaniya. Sobrang tahimik kasi niya at deretso lang ang tingin sa daan kahit na alam ko namang nararamdaman niyang minsan ay tinitingnan ko siya. Tuloy ay hindi ko mapigilang humupa ang galak at saya na nararamdaman ko sa puso ko. Pakiramdam ko kasi ay pinagsisisihan ni Rainier ang nangyari. Pakiramdam ko ay nagsisisi siya dahil matapos noon ay naging sobrang tahimik na niya. Matapos nang nangyari at hanggang ngayon ay hindi pa niya ako kinakausap. Hindi ko na narinig na nagsalita pa siya.

Maging nang makarating na kami sa bahay ay wala akong ni isang narinig mula sa kaniya. Sobrang tahimik niya na nagdulot ng kirot sa puso ko. Nagdulot ng kirot dahil pakiramdam ko ay pinagsisisihan niya talaga ang halik na nangyaring para sa akin ay ikinatuwa at ikinagalak ng puso ko sana.

"Hindi ka ba papasok, Rainier?" tanong ko nang makitang nasa labas lang siya ng pintuan.

Tiningnan niya ako. Pero nakaramdam ulit ako ng kirot sa puso ko nang makitang umiwas agad siya nang tingin sa akin. "May pupuntahan na muna ako, Bownie. Ngayong gabi ay hindi ako rito matutulog. Matulog ka na pag-akyat mo sa kwarto mo. You should rest early para makapaghanda ka sa graduation niyo bukas."

Bigla akong natigilan saglit nang marinig ko ang sagot ni Rainier. Kahit kailan ay ayaw niya akong iwan. Kagaya noong kahit anong pagpilit ko na pauwiin siya at sa kanila na lang patulugin para makahiga siya ng maayos ay ayaw niya. Ayaw niyang umuwi dahil ang gusto niya raw ay lagi akong nakikita at nakakasama. Laging gusto niyang nasa tabi ko siya. Dahil ang laging rason niya ay para masigurong maayos lang ako at hindi mag-isa. Pero ngayon ay parang kakaiba. Parang umiiwas siya.

"A, sige. Mag-iingat ka sa pupuntahan mo."

"Mm," tanging sagot niya na hindi ako tinatapunan ng tingin. "Sige, aalis na ako."

Ewan ko ba pero parang nasaktan ako sa huling sinabi ni Rainier. Para kasing pakiramdam ko ay hindi na siya babalik. Pakiramdam ko ay nagpapaalam na siya. Nagpapaalam na siyang iiwan na ako.

"S-sige," malungkot kong tugon sa kaniya.

Matapos kong sumagot ay tinungo na ni Rainier ang kaniyang sasakyan nang hindi ako tinatapunan ng tingin---kahit isang beses o kahit saglit man lang. Nakaramdam ako ng panlulumo dahil roon. At mas lalong nanlumo ako at ramdam ko talaga ang pagbagsak ng dibdib at balikat ko nang mabilis na pinaharurot ni Rainier ang sasakyan paalis.

Pinagsisisihan niya ba talaga ang nangyari kanina? Pinagsisisihan niya bang hinalikan niya ako? Dapat ba ay hindi ako tumugon sa mga halik niya?

Malungkot kong pinagmasdan pa saglit ang sasakyan ni Rainier na nakaparada sa harap ng bahay kani-kanina lang. Matapos niyon ay sinarado ko na ang pinto at nanlulumong tinungo ang aking kwarto at nahiga sa aking kama. Panay ang isip ko sa ikinilos ni Rainier matapos ang naganap doon sa dalampasigan. At habang iniisip iyon ay hindi ko namalayang lumandas pala ang aking mga luha.

Rainbow After The Pain Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon