CHAPTER 7

794 17 0
                                    


Trigger Warning: This chapter has a scenes that you may find offensive and disturbing. Please, stop reading this if this chapter may cause you feel uneasiness.

---

Sikat na ang araw. Hindi ko alam kung anong oras na ng umaga. Pero hindi ko na inabala ang sarili kong alamin iyon dahil sa mga oras na ito, nanginginig ang mga binti ko. Pati ang mga kamay kong nakakuyom ay nanginginig rin habang papalakad papunta sa pintuan ng bahay namin. Nanginginig ako dahil sa nararamdaman kong kaba, takot, poot, galit, at hinagpis sa hayop na demonyong si Tito Vido. Nanginginig sa kaba, takot, poot, galit, at hinagpis dahil sigurado akong nariyan siya sa loob.

Ngunit, isang hakbang pa lang ang nagagawa ko ay may humawak sa nanginginig at nakakuyom kong kamay. Yumuko ako upang tingnan ang kamay kong iyon. Pagkatapos ay inangat ko ang aking paningin sa nagmamay-ari noong kamay na humawak sa kamay ko. Doon ay nakita ko ang lalaking pinigilan akong kitilin ang buhay ko kagabi. Tumitig siya sa mga mata ko kaya ganoon rin ang ginawa ko sa kaniya.

"I ain't sure kung may nararamdaman ka bang kaba o takot ngayon para harapin ang step father mo. Pero," naramdaman kong medyo diniinan niya ang pagkakahawak sa kamay ko, "kung meron man ay lakasan mo lang ang loob mong harapin siya. Magtiwala ka sa akin, nandito lang ako at ipapakulong natin siya, okay?" Pagpapalakas niya ng loob ko.

Nang marinig iyon ay agad na uminit ang aking mga mata. Hindi nagtagal ay namalayan ko na lang ang sarili kong tumutulo na pala ang mga luha ko.

Marahan akong tumango-tango. "Mm. Salamat."

"Huwag kayong matakot ma'am. Nandito lang kami at susunod agad matapos niyong pumasok sa loob," Sabi nang isa sa dalawang pulis na kasama namin upang hulihin ang hayop na Vidong 'yon.

Tumango na lang ako bilang sagot. Matapos tumango ay ipinukol ko na ang tingin ko sa kabuuan ng bahay. Medyo may distansya ang kinatatayuan namin doon sa bahay upang hindi malaman ng hayop na demonyong Vido na 'yon na may mga kasama akong dalawang pulis. Habang nasa bahay ang paningin ko ay nararamdaman at nakikita ko pa rin sa gilid ng aking mga mata ang mga kapit-bahay kong nakikiusyuso. Nang humakbang na ako papalapit sa bahay namin ay doon na bumitaw sa pagkakahawak sa akin ang lalaki.

Habang papalapit ako nang papalapit sa bahay ay papatindi at papatindi rin ang takot, kaba, poot, galit, pandidiri, at hinagpis na nararamdaman ko para sa hayop na si Vido. Takot at kaba na baka gagawa na naman siya ng kababuyan sa akin pagkapasok ko. Poot, galit, pandidiri, at hinagpis dahil sariwa pa sa alaala ko ang ginawa niyang kahayupan at kababuyan sa akin.

Pagkapasok ko nang bahay ay agad na bumungad ang itsura ng hayop na demonyong humalay sa pagkatao ko. Doon ay mas nanginig ang mga kamay ko, hindi dahil sa kaba o takot, kundi dahil sa labis-labis na nararamdaman kong galit sa kahayupang ginawa niya sa akin. Nang makita ang napakahayop niyang itsura ay agad na uminit ang buo kong katawan, kumulo ang aking dugo, at umigting ang aking panga. Sa isip ko ay paulit-ulit at walang habas ko siyang pinagsasaksak ng sobrang talim na kutsilyo. Nanggigigil talaga ako sa galit habang nakatuon ang mga mata ko sa demonyong nakaupo sa single sofa at galit na galit na nakatingin sa akin.

Naramdaman ko ring uminit ang mga mata ko nang sandaling makita ko ang demonyong nasa harap ko ngayon na deretsong nakatingin sa akin. Ngunit paulit-ulit kong kinurap-kurap ang mga mata ko dahil wala akong gustong ipakita sa demonyong ito kundi ang labis-labis kong poot at galit sa kawalang-hiyaang ginawa niya.

Mabilis na tumayo si Vido, naglakad papunta sa harapan ko at mahigpit na hinawakan ako sa kaliwang braso dahilan para mapangiwi ako. Nanlilisik ang mga mata niyang nakatuon sa mga mata ko. Papahigpit nang papahigpit din ang pagkakahawak niya sa kaliwang braso ko.

Rainbow After The Pain Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon