CHAPTER 13

537 8 9
                                    

"Okay na, Rainier," sabi ko kay Rainier upang dumilat na siya.

Marahang binuksan ni Rainier ang mga mata niya pagkatapos ay lumingon sa akin. Nang makalingon ay tumitig siya sa mga mata ko, palipat-lipat sa dalawa kong mga mata. At habang ginagawa iyon ay nakikita ko sa mga mata niya ang unti-unting pagramdam ng pag-aalala.

"Bakit parang maluluha ka, Bownie? Did I do something wrong?" nag-aalala ang tinig ni Rainier.

Ngumiti ako sa kaniya at umiling. "Masaya lang ako." Iyon ang sagot ko ngunit parang hindi naniniwala si Rainier dahil panay pa rin ang pagtitig niya sa akin at bakas pa rin sa mukha niya ang pag-alala.

"I'm sorry," sinserong paghingi ng tawad ni Rainier na akala niya talagang may nagawa siyang mali.

Natigilan ako dahil sa sinabi niya. "Maniwala ka. Wala kang nagawang masama. Masaya lang talaga ako sa mga ginagawa mo para sa akin, Rainier. Salamat, maraming-maraming salamat."

Doon ay unti-unti nang umaliwalas at humuhupa ang pag-aalala ni Rainier. Para tuloy akong nakonsensya sa inasta ko dahil iba ang naging dating niyon kay Rainier.

Umiwas ako ng tingin kay Rainier at pasimpling pinunasan ang nangilid na mga luha sa mata. Matapos punasan ay hinawakan ko ang kamay niya. Naramdaman kong nagulat siya sa ginawa ko kaya tiningala ko siya at binigyan ng ngiti.

"Maupo ka na, Rainier. Ako na ang maghahanda ng pagkain," nakangiti kong sabi pero ramdam ko ang pilit. Hindi ko pa kayang ngumiti ng ayos dahil sa nangyari sa akin.

"Ako na," mabilis niyang sabi, binitawan ang kamay ko, hinawakan ako sa balikat mula sa likod at iginiya papunta sa lamesa at pinaupo.

Pero nang makaupo ako ay, "Hindi, ako na," saad ko sa kaniya sabay tatayo na sana ngunit pinigilan niya ulit ako.

"Ako na, Bownie, please," pakiusap ni Rainier.

Gusto kong sabihin kay Rainier na ako na lang dahil laging siya na lang ang may ginagawa para sa akin. Gusto kong gawin ang parte ko bilang ako ang nakatira sa bahay na ito at siya ang bisita ko. Siya dapat ang pagsilbihan ko. Pero sa itsura ni Rainier ngayon ay makikita mo talaga ang kagustuhan niyang siya ang gustong gumawa ng mga bagay na ako dapat ang gumawa para sa kaniya. Kaya wala na akong ibang nagawa kundi ang pumayag sa gusto niya.

"Sige," pagpayag ko.

Ngumiti si Rainier nang marinig ang pagpayag ko at agad na inihanda ang mga pagkain sa lamesa. At habang abala si Rainier sa ginagawa ay nakatitig lang ako sa kaniya. Hindi ko maiwasang makaramdam ng galak at saya habang nasa kaniya lang ang aking mga mata. Hindi ko talaga inaakala na may taong ganito, na may lalaking gaya ni Rainier. Hindi kailan man sumagi sa isip kong may taong kagaya niya na mabait, maalalahanin, at isang taong matulungin kahit pa sa taong tulad ko na hindi niya kaano-ano at kakilala.

Hindi ko na naman mapigilang pangiliran ng mga luha habang nakatitig kay Rainier at inaalala ang lahat ng kaniyang nagawa para sa akin. At bago pa man mapansin ni Rainier ang mga mata kong namamasa na naman ng mga luha ay mabilis ko na itong pinunasan. Baka kasi isipin na naman ni Rainier na may nagawa na naman siyang masama o kasalanan kaya ako lumuluha dahil sa kaniya ako nakatingin.

Ilang sandali lang ay natapos nang maghanda si Rainier ng mga pagkaing niluto niya. Lumapit siya sa akin at akmang lalagyan sana ako ng pagkain sa plato ko pero agad ko siyang pinigilan.

"Ako na, Rainier. Kaya ko na. Salamat." Pagpigil ko sa kaniya dahil labis na akong nahihiya. Ang dami na niya kasing bagay na ginawa para sa akin.

"O-okay."

Umupo na si Rainier sa tabi ko pagkatapos noon at nilagyan na ng kanin ang sariling plato. Habang ako ay hindi nakagalaw at nakatingin sa mga pagkaing inihanda niya. Napaisip kasi ako kung saan niya nakuha ang mga sangkap na iniluto niyang ito. Wala na kasing halos laman ang fridge dahil gaya nga nang sabi ko, inilulustay nang Vido na iyon sa inuman ang perang padala ni Mama na para dapat ay pambili ng pangangailangan namin dito sa bahay at para sa pag-aaral ko.

Rainbow After The Pain Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon