CHAPTER 12

534 6 0
                                    

Marahang napadilat ako ng mga mata nang maramdaman ang malamig na hanging humaplos sa aking mukha. Diretsong tumama ang paningin ko sa labas ng bintana. Doon ay nasilayan ko ang madilim na kalangitan. Ang ulap na binubuhos sa lupa ang malakas na ulan. Ang malamig na hanging dinuduyan ang kurtina sa bintana.

Sobrang lungkot ng langit.

Ang dilim ng kalangitan. Ang lakas nang buhos ng ulan ay naghatid sa akin ng kalungkutan. Dahil masasabi kong ang dilim ng kalangitan ay kasing dilim ng mundo ko ngayon. Ang itim na mga ulap ay parang kagaya ng aking nararamdaman. Ang malakas na buhos nang ulan ay parang kagaya ng mga luhang rumagasa palabas sa aking mga mata. Ang lungkot. Sobrang lungkot ng kalangitan.

Pinasadahan ko ang sarili at nakitang nakabalot ang sarili ko ng kumot habang nakahiga sa sariling kama. Tiningnan ko ang orasan na nasa ibabaw ng lamesang nasa gilid ng kama ko at nakitang ilang minuto na lang ay mag-aala-sais na ng umaga. Marahan akong bumangon at pinasadahan ang paligid.

Nasa kwarto ko ako.

Sa pagkakaalala ko ay nakatingin ako kay Rainier sa sala kagabi habang lumuluhang mahinang nagpapasalamat sa kaniya. Hindi ko matandaan kung anong oras akong tumigil sa pag-iyak at pagtitig sa kaniya. Hindi ko rin maalala kung anong oras at kung paano ako bumalik sa kwarto ko. Hindi ko matandaan.

Tuluyan na akong bumangon at tumayo mula sa kama, tinungo ang pintuan palabas ng kwarto ko upang pumunta sa banyo at maghilamos. Ngunit paglabas ko pa lang ng kwarto ay napahinto ako saglit dahil may naamoy kaagad akong mabango. Kumalam ang sikmura ko nang dahil doon.

Bumaba na ako ng tuluyan, pababa ng hagdan at tinungo ang banyo. Karugtong lamang ng banyo ang kusina kaya madadaanan ko iyon bago ako makapunta sa banyo. Sa kusina nanggagaling ang mabangong amoy kaya alam kong may nagluluto roon. Hindi ko na itatanong sa sarili ko kung sino dahil alam na alam ko na kung sino iyon.

At nang nasa kusina na ako ay huminto ako sa paglalakad at hindi muna tumungo sa banyo. Tama ako, si Rainier ang narito at nagluluto sa kusina.

Pinakatitigan ko si Rainier na abalang-abala sa ginagawa. Hindi niya ako nakikita dahil nakatalikod siya sa kinatatayuan ko. Halatang bagong ligo si Rainier dahil sa mabasa pa nitong buhok. Amoy na amoy ko rin ang pabango niya mula sa kinatatayuan ko.

Habang pinakatitigan ko si Rainier sa kaniyang ginagawa ay nahihiya ako. Ang aga niyang gumising at nagluto na dapat ay ako ang gumawa dahil bahay ko ito. At kung tutuusin ay bisita siya rito. Ngunit aaminin kong may kung anong natutuwa at nagagalak sa puso ko. Ang bait kasi niyang tao at nararamdaman ko ang concern niya para sa akin. Ginagawa niya ang lahat para sa akin.

At kahit gustuhin ko man ngayong pigilan siya sa ginagawa at sabihing ako na lang ang magtutuloy ng niluluto niya---umupo na lang siya at mag-relax ay sigurado akong kagaya kahapon, pipigilan na naman niya ako at sasabihing hayaan ko siyang gawin ang mga bagay na ginagawa niya. Hayaan ko siyang iparamdam sa aking hindi ako nag-iisa. Na nariyan siya para sa akin.

Aaminin kong mayroon akong nararamdamang pagtataka kung bakit niya ginagawa ang mga ito para sa akin gayong kakikita lang namin at hindi pa ganoong lubos na kilala namin ang isa't isa. Ngunit, sa kabila ng pagtataka ay mas nangingibabaw ang kaginhawaan, galak, saya, at gaan ng kalooban na nararamdaman ko sa mga ginagawa ni Rainier.

"Oh, Bownie, you're already awake," medyo nagulat na pagkasabi ni Rainier nang makaharap at makita akong nakatayong nakatingin sa kaniya. "Okay ka lang ba? Ayos lang ba ang tulog mo? Wala bang masakit sa katawan mo?" nakatinging tanong ni Rainier sa 'kin.

Kumunot ang noo ko sa tanong ni Rainier dahil hindi ko alam kung ano ang tinutukoy niya. Hindi ko siya maintindihan. Sumakit? Bakit naman may sasakit sa katawan ko?

Rainbow After The Pain Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon