CHAPTER 17

400 7 0
                                    

Dumaan ang maraming araw at laging nasa tabi ko lang si Rainier. Laging nasa tabi ko lang siya at kasa-kasama. At sa pagdaan ng mga araw na iyon ay wala siyang ibang ginawa kundi ang pagaanin ang nararamdaman ko. Inaaya niya akong lumabas, magpunta sa kung saang maganda at nakaka-relax na lugar, at kung ano-ano pa. Wala siyang ibang ginawa kundi ang pasayahin ako. At hindi siya nabigo dahil ang lahat ng ginawa niya ay talagang nagbigay saya sa puso ko.

Hanggang sa namalayan ko na lang na lubusan na akong nakawala sa madilim na gabing iyon na nangyari sa buhay ko. Tuluyan na akong nakawala sa sakit at pighating dala-dala ko dahil sa mga dumaan na araw ay nakakatawa na ako, nakakangiti. Isang klasi ng tawa na lubos. Isang tawang tunay na masaya. Isang klasi ng ngiting hindi pilit dahil tunay na akong masaya. At isang tao lang ang nakagawa niyon. At iyon ay si Rainier na ginawa ang lahat para mahanap kung muli ang liwanag sa madilim kong mundo.

Ngunit, sa nagdaang mga araw ay hindi lang iyon ang naramdaman ko. Dahil sa mga nagdaang araw, sa bawat araw na kasama ko si Rainier, sa bawat salita at ginagawa niya ay napapadalas ang pagbilis ng tibok ng puso ko. Hanggang sa ma-realize kong in love na nga ako.

Alam kong ilang araw pa lang ang nakalipas simula nang magtagpo ang landas namin ni Rainier. Pero sa kabaitan na mayroon siya, sa lahat ng kaniyang ginagawa para sa akin, sa kabaitan na ipinapakita niya at sa mga sinseridad niyang salita ay unti-unti akong nahuhulog sa kaniya. Siguro ay hindi maiintindihan ng karamihan pero ang mga taong nakatayo sa lugar ko ay maiintindihan ang aking nararamdaman.

Naniniwala akong nakakabighani ang itsura ng tao pero mas naniniwala akong madaling nakukuha at nahuhulog ang ating puso sa kabaitan na mayroon ang isang tao. At sa lahat ng ginawa ni Rainier para sa akin, napagtanto kong nahulog na nga ang puso ko.

"Uy, Bownie, anong plano mo bukas pagkatapos ng graduation natin?" tanong ni Shiena habang naglalakad kami palabas ng university. Ang mabait na kaklase ko.

"Hindi ko alam. Siguro ay diretso lang ako sa bahay after graduation bukas. Magpapahinga saglit ng ilang araw pagkatapos ay maghahanap agad ng trabaho."

"Ha? Seryoso ka?" gulat na tanong ni Shiena.

Tumango ako bilang sagot.

"Ayaw mong lumabas o mag-enjoy man lang? Mag-relax muna, gano'n! Kasi buong college days natin ay umiikot lang sa pagiging estudyante, working student, at kasambahay sa bahay ninyo ang buhay mo. Hindi ka ba napapagod? Talagang maghahanap ka agad ng trabaho?"

"Kailangan, e," tanging sagot ko.

Kailangan dahil nangako ako sa sarili kong pauuwiin ko si mama. Gusto kong pauwiin na si mama at pagpahingahin dahil gusto kong ako naman ngayon ang magtrabaho para sa kaniya. Gusto kong ako naman ang gagawa ng lahat para kay Mama. Gusto kong ako naman ngayon ang mag-aalaga sa kaniya.

"Pero buti na lang at nakulong ang masama mong tatay-tatayan dahil sa pagnanakaw niya, 'no. At least, hindi ka na kasambahay sa bahay niyo dahil wala na siya." Napalingon ako kay Shiena dahil sa sinabi niya.

Walang nakakaalam sa tunay na dahilan kung bakit nasa kulungan si Vido. Nagsinungaling ako nang sabihin ko kay Shiena na nakulong siya dahil sa pagnanakaw. Hindi ko kaaway si Shiena pero hindi ko rin matalik na kaibigan kaya hindi ko sinabi sa kaniya ang katotohanan. Ang katotohanang ginahasa ako ng demonyong iyon.

Mabait na tao si Shiena. Alam kong mabait siyang tao dahil magkaklase kami mula first year college hanggang ngayon. Pero ang madilim na pangyayaring iyon sa buhay ko ay hindi ko kayang i-kwento sa kahit kanino. Maging sa mama ko. Kaya hanggang ngayon ay walang alam si Mama sa mga ginawa sa akin ni Vido mula nang umalis siya at maging hanggang ngayon.

Walang nakakaalam at wala akong pinagsabihan maliban na lang kay Rainier. Hindi ko alam kung paanong nagawa kong sabihin kay Rainier ang ginawa sa akin ng hayop na si Vido. Pero siguro ay dahil sa pagpigil niya sa aking magpatiwakal at sa mga sinabi niya noong dinala niya ako sa hospital kaya nagawa kong masabi sa kaniya ang dahilan kung bakit gusto kong wakasan na ang buhay ko noong gabing iyon.

Rainbow After The Pain Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon