Kabanata 1

10.9K 329 17
                                    

RAFFIELLA

NARAMDAMAN KO agad ang matinding pagod pag-uwi sa bahay. Isang bati ang narinig ko sa mga kasambahay habang umaakyat papunta sa kuwarto. Nilapag ko sa upuan ang aking bag at mabilis naghubad ng uniporme. Dinama ko ang maligamgam na tubig pagbukas ng shower.

Sa loob ng isang buwan, ngayon na lang ulit ako nakauwi rito sa bahay. Naging abala kaming mga sundalo dahil sa nakaraang eleksyon. Siniguro naming mga officers na lahat ng voting machine ay nakarating nang maayos sa iba't ibang lugar sa Pilipinas. Inasikaso ko rin ang posibleng paglipat ko ng lugar dahil sa bagong pangulo. Hindi na ako umaasa na mananatili pa ako rito sa Maynila.

"Miss Raffi.." Nilingon ko ang pintuan ng banyo. Nakita ko ang anino ng kasambahay dahil sa pagdikit niya sa pinto. "Pinatatanong po ni Ma'am Ruby kung kakain pa raw po kayo."

"Nandiyan ba si Daddy?" tanong ko habang pinabubula ang shampoo sa buhok.

"Opo. Maaga po umuwi si Sir Rowan.."

"Okay. Pakisabi kay Mommy sasabay ako sa kanila kumain."

"Sige po.."

Nagmadali akong kumilos. Pagkatapos maligo'y nagsuot agad ako ng pantulog. Alas siete pa lang ng gabi ngunit dahil maaga ako bukas para sa oath taking, kailangan kong matulog nang maaga. Ngunit bago 'yon, sasabayan ko muna kumain ang mga magulang ko.

Pagbaba sa hagdan ay nasulyapan ko silang dalawa sa hapag na nag-uusap. Naagaw ko ang kanilang atensyon nang makalapit ako. Bumati at humalik muna ako sa kanilang pisngi bago umupo sa aking puwesto.

Naka-uniporme pa silang dalawa na halatang kararating lang. Nauna pa pala ako sa kanila umuwi?

"Hindi mo sinabi na uuwi ka ngayon, anak. Hindi mo manlang ako sinabihan para sana nagsabay na tayo.." ani Daddy.

Sundalo rin si Daddy ngunit mas mataas ang kanyang ranggo kaysa sa akin. Bata pa lang ako ay tinitingala ko na siya kaya nagpasya akong sumunod sa kanyang yapak. Gusto ko rin maging sundalo. Gusto ko rin maging matapang tulad niya. Gusto ko rin ipagtanggol ang bansa gaya ng ginagawa niya.

Hindi nga lang 'yon naging madali dahil ayaw ni Mommy. Mas gusto niyang kumuha ako ng abogasya. Ang katwiran niya, hindi raw para sa mga babae ang pagsusundalo. At kung pagtatanggol din naman ang usapan, magagawa ko rin naman daw 'yon kahit abogado ako.

Naiintindihan ko ang pahiwatig niya ngunit mas matimbang talaga sa akin ang pagsusundalo. Mas kumportable ako sa battlefield. Gusto ko maramdaman ang tamis ng pagkapanalo. Gusto kong mamatay mismo sa mga kamay ko ang mga taong nais manggulo sa bansang minamahal ko. Gusto kong ipagtanggol ang lahat ng tao na nakararanas ng pang-aapi. Hindi ako makakampante kung mauupo na lang ako sa isang tabi habang pinapanood lahat 'yon. Kaya kahit ayaw ni Mommy, pinilit ko talagang makapasok sa klase ng mundong ito.

"Galing ako ng Cavite nang dumaan ako sa office kanina. Hindi na kita nahintay dahil pagod na pagod na ako."

"Ano'ng ginagawa mo sa Cavite?"

Nag-iwas ako ng tingin. "Binisita ko ang Camp General Mariano Riego De Dios."

"Why?" tinig ni Mommy.

Bumuka ang bibig ko ngunit walang lumabas na salita. Narinig ko ang buntong-hininga ni Daddy kaya umangat ang tingin ko sa kanya. Malungkot ang kanyang mga mata nang salubungin ang mga mata ko. Umiwas ulit ako ng tingin dahil nakahahawa 'yon.

"Alam kong may mga kaibigan ka roon, ngunit hindi makatutulong sa 'yo kung—"

"Dad," pagputol ko sa sinasabi niya. "Kaya ko ang sarili ko. Don't worry.."

Stars On Her ShoulderTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon