RAFFIELLA
NAKATINGALA AKO sa helicopter na nasa itaas ng karagatan. May taas ito na 45 feet mula sa tubig. Ang mga sundalo na sakay ng helicopter ay kailangang bumaba gamit lamang ang lubid. Kapag nakalubog na sila sa tubig, kailangan nilang maglakad sa ilalim hanggang sa makarating sa dalampasigan.
"Amazing!" boses ni Stefan sa likod ko. Kasama niya ang kanyang mga co-teachers. May dala silang mga pagkain na animo'y nandito para sa isang outing.
Sa totoo lang ay ayaw ko talagang nandito sila sa isla habang nagte-training kami. Bukod sa hindi 'yon maganda tingnan, delikado rin ito para sa kanila. Paano pala kapag nagsimula na kami mamaya magpaputok ng baril at may isa sa kanila ang hindi sanay roon o may trauma?
Sinubukan kong kumbinsihin kahapon si Captain Pablo Abad para roon ngunit tila wala siyang naririnig. Ang rason niya'y kakayanin naman daw ng mga sibilyan makita ang training namin. Nagawa nga raw nila na pumunta sa Elena sa kabila ng banta na nandito ang kuta ng mga rebelde kaya wala raw dapat ipangamba. Wala na akong nagawa kundi sumunod. Sisiguraduhin ko na lang na ligtas sila hanggang sa makauwi.
"Ma'am Sung—ay este Ma'am Raffi, saan kami maglalangoy?" nakangiting tanong ng lalaking naka-akbay ngayon kay Stefan.
"Sumunod kayo sa akin," sabi ko bago naunang maglakad. Tahimik naman silang sumunod.
Dinala ko sila sa kabilang dako ng isla kung saan malayo sila sa training ground namin. Tanaw pa rin naman mula rito ang helicopter ngunit parang ibon na lang ito sa paningin namin. Ang problema na lang ay ang ingay ng putok ng baril. Sigurado akong maririnig nila 'yon dito. Isa-suggest ko na lang siguro kay Captain Abad na huwag na muna namin isama 'yon sa training ngayon. Bukas na lang siguro.
Binaba nila ang mga gamit sa kubo. Sina Tessa at Lilian ang naglatag ng pagkain sa lamesa, samantalang ang mga lalaki nama'y naghuhubad na ng damit maliban kay Stefan. Kinukuhaan niya ng litrato ang magandang tanawin ng karagatan.
Nilapitan ko si Tessa dahilan upang mapatingin siya sa akin.
"Babalik na ako sa mga kasama ko," sabi ko sabay abot sa kanya ng isang walkie-talkie. "Kung may kailangan kayo o nagkaroon ng problema, gamitin mo 'yan upang kausapin ako."
Tipid na ngumiti si Tessa. "Naku, ma'am. Hindi ho ako marunong gumamit nito."
Tuturuan ko na sana siya kung hindi lang sumingit si Stefan sa gitna namin. Malapad ang ngiti niya na para bang ang ganda ng kanyang gising.
"Don't worry, ako na ang bahala rito, Miss Soldier. Marunong akong gumamit ng walkie-talkie," pagmamayabang niya.
Humalukipkip ako at tinaasan siya ng kilay. "Fine. Sa 'yo ko ipagkakatiwala ang walkie-talkie na 'yan, Sir Carreon."
Ngumuso siya. "Stefan na lang, Miss Soldier. Masyado ka namang pormal—"
Hindi niya natapos ang sasabihin dahil binalingan ko ng tingin si Tessa. "Babalik na lang ako rito mamaya, Ma'am Tessa."
"Sige po."
Bago umalis ay nakita kong bumuka ang bibig ni Stefan para sa sasabihin ngunit nilagpasan ko lang siya. Kung ano man ang sasabihin niya, sigurado akong hindi ako interesado roon.
Pagbalik sa training ground ay tinanaw ko muli ang helicopter. Mas mataas na ito ngayon kumpara kanina. Natanaw ko sa itaas ang mga sundalong tila natatakot na ngunit nilalabanan lang para makapasa sa training.
Naalala ko tuloy ang training ko noon. Sa lahat ng course, ang pananatili lang sa ilalim ng tubig ang kinatakutan ko. Patibayan ng baga ang labanan doon dahil habang tumatagal sa tubig, nilulunod naman kami ng aming mga trainor. Dinidiin nila ang ulo namin sa ilalim ng tubig. Sa tuwing naaalala ko 'yon ay namamangha ako kung paano ako nakarating sa posisyon ko ngayon. Mas pinatapang ako ng mga training namin—mula sa pisikal hanggang sa emosyonal.
BINABASA MO ANG
Stars On Her Shoulder
RomanceThe Wattys 2021 Winner | New Adult Stefan Carreon is a simple rich guy living in Manila. Gaya ng simpleng pamumuhay, simple lang din ang pangarap niya: ang makapagturo nang libre sa mga batang hirap mag-aral. What's the catch? Gusto niyang gawin ang...