Kabanata 21

3.7K 161 3
                                    

RAFFIELLA

MARAMING TANONG ang naglaro sa isipan ko.

Bakit ito nangyayari sa akin? Ano'ng kasalanan ko sa mundo at bakit ako pinarurusahan nang ganito? Inabuso ko ba ang kapangyarihan ko bilang sundalo? May naabuso ba ako nang hindi ko nalalaman?

"Gawin mo ang lahat upang hindi ka matanggal sa serbisyo. Hindi kami magsasampa ng kaso sa iyo..."

Alam kong dapat nagdidiwang ako ngayon dahil doon. Sino ba naman ang hindi sasaya kung nakapatay ka tapos hindi ka makukulong? Kung utak kriminal ako, baka iyon ang una kong naramdaman.

Ngunit imbes na saya, dobleng pighati ang nangibabaw sa akin. Nasasaktan ako sa sitwasyon ng pamilyang biktima ng pagkakamali ko dahil kahit makamit ko ang hustisya para sa kanila, hindi no'n mababalik ang buhay na ninakaw ko.

Oo, wala akong ibang inisip kundi ang katotohanan na nakapatay ako ng inosenteng tao. Pumatay ako ng inosente at hindi ko iyon matanggap.

Upang maitama ang pagkakamali, kailangan kong sumang-ayon sa gusto ng pamilya niya. Kailangan kong makuha ang katawan ni Rene at maipakulong ang mga sundalong nang-abuso sa kanila. Mga sundalong walang ibang inisip kundi mapadali ang paghahanap sa mga rebelde kaya kung sino-sino na lang ang pagbibintangan. Mga sundalong hindi marunong gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin.

At pagkatapos no'n, saka ko sasabihin ang pagkakamali ko. Hindi puwedeng hindi ko pagbarayan ang ginawa ko. Nakapatay ako at nararapat lamang na pagbayaran ko ang kasalanan ko. Sa paraang iyon tunay makakamit ni Rene at ng pamilya niya ang hustisya.

Kaya alam kong hindi magiging madali ang gagawin ko.

Una, kailangan kong malaman kung may kinalaman ba rito si Captain Pablo Abad. Siya ang nanguna sa pag-imbestiga sa kaso ni Rene. Gusto niyang malaman kung sino-sino pa ang mga rebeldeng kasama nito at saan sila nagtatago. Siya rin ang nagkumpira na isang rebelde nga raw si Rene.

Nagsinungaling siya sa akin kaya malaki ang pagdududa ko sa kanya.

Pangalawa, kailangan kong malaman kung sino-sino ang mga sundalong na-assign sa kasong iyon. Imposibleng si Captain Pablo Abad lang ang gumawa no'n mag-isa (kung sakaling may kinalaman nga siya). Ayon sa pamilya ni Rene, na-house arrest sila habang pilit pinapaamin kung ano ang koneksyon nila sa mga rebelde.

Sino-sino ang mga sundalong nandoon at nagbabantay sa kanila? Bakit hindi ako nasabihan tungkol doon? Bakit hindi nakarating sa akin ang operation na iyon?

Pangatlo, kailangan ko na rin makabisado ang mapa o sketch ng kagubatan dito sa Elena. Habang tumatagal, mas lalong maraming tao ang nadadamay. Hangga't hindi nasusugpo ang mga rebeldeng nanggugulo, maraming tao ang nahihirapan at namumuhay sa takot.

Kailangan ko na magmadali.

"Tell me your plan, Raffi.."

Oo, nagsinungaling ako kay Stefan. Hindi totoong wala akong plano. Hindi totoong wala akong lead sa kasong ito. Hindi totoong maghihintay na lang ako ng pagkakataon.

Ako ang gagawa ng pagkakataon. Ako ang didiskubre sa anumalyang nangyayari sa loob mismo ng hukbong sandatahan.

At hindi roon kasama si Stefan. Hindi siya maaaring madamay sa gulong ito. Masyadong mapanganib para sa kanya. Kapag nalaman ng mga masasamang loob na militar ang pakikisawsaw niya, maaari siyang mapahamak. Maaari siyang mawala sa akin.

Kaya ang pang-apat na kailangan kong gawin ay mawala si Stefan dito sa baryo Ilat. Kailangan makagawa ako ng paraan para mapabalik siya sa Maynila.

Stars On Her ShoulderTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon