Kabanata 26

2.9K 141 8
                                    

STEFAN

NAGKITA ULIT kami ni Tatay Andoy. Saglit lang 'yon dahil sinabi lang naman niya sa akin na padadalhan na lang niya ako ng sulat kapag may mahalaga siyang sasabihin. Pabor ako roon dahil delikado kung pupuslit siya rito sa bahay. Maghihinala ang mga kasama ko at ayaw kong mangyari 'yon. Tama nang si Mac lang ang nakakaalam sa ginagawa ko.

Wala pa ring alam si Mac sa detalye ng ginagawa ko, ngunit tinutulungan niya akong pagtakpan ang pag-uusap namin ni Tatay Andoy.

"May naiwan pala ako sa bahay!" bulalas ni Mac kanina habang kinakalkal ang kanyang bag.

"Ano'ng naiwan mo?" tanong ni Tessa.

"'Yong visuals na ginawa ko para sa klase namin ni Andres," aniya sabay sulyap sa akin na kinakunot ng noo ko. "Stefan, samahan mo ako bumalik sa bahay."

"Ako na lang ang sasama sa 'yo," presinta ni Andres.

"Huwag na. Libangin mo na lang 'yong mga bata habang wala ako. Tara na, Stefan."

Kahit naguguluhan ay sumunod pa rin ako sa kanya. Nang tuluyang makalayo ay nagtanong na ako.

"May problema ba, Mac?"

Lumapit pa siya sa akin at bumulong, "Nakita ko ulit 'yong matandang lalaki kanina na nagmamasid sa bahay. Hindi ko masabi sa 'yo kasi baka may makahalata kapag nagpaiwan tayo. Balikan natin 'yon, baka may sasabihin sa 'yo."

Kaya pala hindi siya mapakali kanina nang papunta na kami sa baryo Ilat. Panay ang sulyap niya sa akin na hindi ko naman maintindihan kung ano ang ibig sabihin.

Iyon ang dahilan kung paano kami nagkita ni Tatay Andoy kanina.

"May napapansin ba kayo?" pagbasag ni Lilian sa tahimik na hapunan.

Napatingin kaming lahat sa kanya ngunit tuloy-tuloy pa rin ang kain namin. Siguro dahil sa matinding gutom at pagod, wala na kaming pakialamanan.

"Parang nabawasan ang bilang ng mga sundalo sa baryo Ilat," dagdag pa niya.

Tiningnan ko ang plato niya na wala ng laman. Kaya pala siya salita nang salita dahil tapos na siya kumain.

"Actually, napansin ko rin 'yan," si Andres pagkatapos uminom ng tubig. Hindi pa ubos ang kanyang pagkain para patulan ang topic ngunit nakuha nito ang kanyang atensyon.

"'Di ba! Parang pabawas sila nang pabawas."

"Tapos lagi pang wala si Ma'am Raffi," dagdag pa ni Andres sabay tingin sa akin. "Hindi mo ba napapansin 'yon, Stefan? Dalawang araw na siyang lagi after lunch nagpupunta sa baryo Ilat. Hindi naman siya gano'n dati."

"Bakit parang mas affected ka pa na palaging wala si Ma'am Raffi tuwing umaga?" nakangising wika ni Elias. "Si Stefan nga, hindi nagdududa."

Kumunot ang noo ni Andres. "Pinagsasasabi mo? Curious lang ako!"

Dahil sa sinabi ni Andres, napaisip tuloy ako. Hindi ko masyadong nabibigyan ng pansin ang mga ginagawa ni Raffi dahil abala ang isip ko sa mga nalaman mula kay Tatay Andoy, at sa pagdududa kay Pablo Abad. Nag-iisip ako kung paano ko mapatutunayan na mali o tama ang iniisip ko sa kapitan na 'yon. Bukod doon, iniisip ko rin kung paano ko matutupad ang pangako ko kay Tatay Andoy.

"Tumigil na nga kayo!" boses ni Tessa. "Kung ano man ang ginagawa ng mga sundalong 'yon, labas na tayo roon. Huwag ninyong pakialaman ang trabaho nila."

Natigil tuloy ang pag-iisip ko tungkol sa ginagawa ni Raffi. Baka hectic lang ang schedule niya kaya wala siya tuwing umaga?

"May nasabi ba sa 'yo si Ma'am Raffi, Stefan?" pilit pa ni Andres.

Stars On Her ShoulderTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon