STEFAN
ANG TAKOT na nararamdaman ko sa mga oras na ito'y mahirap ipaliwanag. Hindi ko kailanman hiniling na magkaroon ng kapangyarihan ngunit iba ang pagkakataong ito. Sa isang iglap, parang gusto ko ilagay sa kamay ang batas. Nakaramdam ako ng pagod sa pag-upo. Parang gusto kong tumayo at may gawin sa mga sandaling ito.
Wala akong plano. Hindi ako makapag-isip nang maayos. Mabagal ang pag-proseso ng lahat sa akin. Ang naiisip ko lang ay walang magagawa ang isang hamak na volunteer teacher. Wala akong kayang gawin sa sitwasyon ni Raffi dahil wala akong kapangyarihan na mas malakas.
Namatay ang inosenteng si Rene. Ang natural na eksena sa oras na malaman ng kamag-anak ng biktima kung sino ang pumatay sa kanilang kapamilya ay ang ilabas ang matinding galit at ipakulong ito habang-buhay.
Iyon ang inasahan ko. Hinanda ko ang aking sarili para roon. Inisip ko na agad ang mga gagawin para maiparamdam kay Raffi na hindi siya nag-iisa kahit malayo siya sa akin, kahit dumating pa ang araw na isang malamig at matigas na rehas ang pumagitan sa amin.
"Gawin mo ang lahat upang hindi ka matanggal sa serbisyo. Hindi kami magsasampa ng kaso sa iyo. Ang gusto ko lang ay tulungan mo kaming hanapin ang katawan ni Rene at makulong ang mga sundalong nang-abuso sa amin."
Hindi kailanman pumasok iyon sa aking isipan. Hindi gano'n ang inasahan kong magiging resulta sa oras na matapos ang aming imbestigasyon. Hindi ito ang inaasahan kong mangyari.
"Po?" hindi makapaniwalang sambit ni Raffi. Kitang-kita ko kung paano niya pilit pinroseso sa isipan ang mga narinig. Halatang hindi rin siya makapaniwala.
Humagulgol ang matandang babae. "I-Ito lang ang naiisip kong paraan. Wala kaming kapangyarihan para kalabanin ang militar.. A-Ayaw ko ring mapahamak ang iba naming kamag-anak dahil dito. W-Wala akong naiisip na ibang p-paraan kundi ang manghingi ng tulong sa iyo.."
"Nanay!" si Clara na hindi na napigilang kumawala sa hawak ng ama upang lapitan kami. "Paano ka nakasisiguro na hindi ka babaliktarin ng babaeng 'yan!"
Pinalis ng matandang babae ang kanyang luha bago balingan ang anak. "May tiwala ako sa kanya, Clara. Matutulungan niya tayong mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kapatid mo."
"Pero, 'Nay, siya ang pumatay kay Kuya Rene!" Pumapadyak-padyak na si Clara sa inis habang nakaturo ang nanginginig niyang daliri kay Raffi. Kung tingnan niya ang kanyang ina ay parang gusto niyang magising ito sa kahibangan.
"Tutulong ako," biglang sambit ni Raffi dahilan upang mapatingin kaming lahat sa kanya. "Payag na po ako sa plano n'yo."
"Raffi.." hindi ko na napigilan magsalita.
Ito ang kinatatakot ko. Nangangamba ako dahil sa oras na may gawin siya, alam kong mahihirapan akong malaman iyon.
Kilala ko si Raffi. Hindi niya hahayaan na pumasok ako sa mundo niya. Hindi niya hahayaan na makialam ako sa mga gagawin niya. Ayaw niyang may sibilyan na malalagay sa panganib dahil sa gagawin niya. Palalayuin lang niya ako at hindi ko iyon kaya.
Ngayon ko pa ba iisipin ang paglayo pagkatapos kong malaman ito? Hindi! Nakakainis dahil gusto ko siyang protektahan pero hindi ko alam kung paano!
Hindi niya ako pinansin. Nanatiling diretso ang tingin niya sa tatlo na para bang determinado na siyang makipagtulungan sa mga ito.
"Huwag po kayong mag-alala, pinapangako ko na makakamit ninyo ang hustisya," matigas niyang sambit na para bang tinaga na niya ang mga salitang iyon sa bato.
Gusto kong alamin ang plano niya kaya hindi ko siya tinantanan kahit nasa byahe na kami pauwi. Iuuwi na dapat nila ako sa bahay ngunit hindi ko sila hinayaan na mangyari 'yon. Wala naman silang nagawa dahil ayaw kong lumabas ng sasakyan.
BINABASA MO ANG
Stars On Her Shoulder
RomanceThe Wattys 2021 Winner | New Adult Stefan Carreon is a simple rich guy living in Manila. Gaya ng simpleng pamumuhay, simple lang din ang pangarap niya: ang makapagturo nang libre sa mga batang hirap mag-aral. What's the catch? Gusto niyang gawin ang...