Kabanata 49

3K 129 9
                                    

RAFFIELLA

NAGTUNGO SI Daddy sa Elena kasama sina Captain Pablo Abad at Captain Simeon Carreon. Hindi ako sumama dahil hindi ko pa rin tanggap ang nangyari sa mga kasamahan ko. Wala akong mukhang maihaharap sa kanila. Hindi ko kayang makita silang sugatan o nag-aagaw buhay dahil sa akin.

Buong araw akong nagkulong sa kuwarto. Hirap akong makatulog dahil sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata, naririnig ko ang pagtangis ng mga sundalong binawian ng buhay. Ang mga iyak at sigaw nila sa mga panaginip ko'y mahirap kalimutan. Pakiramdam ko'y mababaliw na ako.

Isang katok mula sa labas ng kuwarto ang narinig ko kaya napatingin ako sa pintuan. Yakap ang mga binti habang nakaupo sa kama, nagsalita ako, "Hindi ako kakain, Edna.."

"Pero, ma'am—"

"Wala akong gana."

"Kaninang umaga'y hindi po kayo kumain. Wala rin kayong kain kaninang tanghali. Hindi n'yo po puwedeng ipagpaliban pati ang hapunan."

Hindi ako nagsalita dahil sa pagod at nanghihinang katawan. Wala akong nagawa nang buksan ni Edna ang pinto at pumasok, dala ang tray ng pagkain. Nakita ko ang awa sa mga mata niya habang nakatitig sa akin. Wala akong ideya kung ano ang itsura ko ngayon ngunit dahil sa mga titig niya, mukhang kaawa-awa nga siguro ako.

"Kumain po kayo, Ma'am Raffi..." aniya sa isang malumanay na boses. "Mamaya ay darating na si Ma'am Ruby."

Hindi ako sumagot, o kumilos manlang. Nanatili akong tahimik nakaupo habang pinagmamasdan siya. Wala siyang nagawa kundi bumuntong-hininga at bigong tumalikod upang lumabas ng kuwarto.

Binalingan ko ang tray. Umuusok pa ang pagkain doon kaya halatang bagong luto. Kumulo tuloy ang tiyan ko. Ito ang unang beses ngayong araw na nakaramdam ako ng gutom.

Kinuha ko ang tray at nilagay ito sa kama. Mas lalo akong nagutom nang maamoy ang pagkain. Ngumuso ako nang mapagtantong kaunti lang ang hinain ni Edna. Mukhang mabibitin ako sa pagkain.

Nagsimula na akong kumain. Ang paunti-unting subo ay naging sunod-sunod at mas lumalaki pa dahil sa matinding gutom. Natigilan lang ako sa pagkain nang tumunog ang cellphone ko.

Maling-mali na sinilip ko iyon dahil muli kong naramdaman ang kirot nang makita ang pangalan ni Stefan. Kanina pa siya tumatawag sa akin na hindi ko sinasagot. Ayaw ko siyang makausap hindi dahil sa galit ako sa kanya, kung hindi dahil nagi-guilty ako sa mga sinabi ko.

Hindi ko siya sinisisi. Alam kong malinis ang intensyon niya kaya hindi ako nagagalit. Ako lang talaga ang may problema. Sundalo ako at dapat hindi ko sinasabi sa isang sibilyan ang mga operasyon namin. Kung hindi ako nagpadala sa emosyon, baka hanggang ngayo'y buhay pa ang mga kasamahan ko.

Naging pabaya ako. Hindi ako naging maingat sa mga sinasabi at ginagawa ko, kaya walang ibang dapat sisihin sa nangyari kung hindi ako.

Ito rin ang dahilan kung bakit nakipaghiwalay ako sa kanya. Dahil sa mga nangyari, unti-unti nang lumalabo sa paningin ko ang hinaharap kasama siya. Pakiramdam ko kapag pinagpatuloy pa namin ito, hihilahin ko lang siya pababa. Hindi ko kayang sirain ang buhay niya dahil lang sa nakipagrelasyon siya sa isang tulad ko na walang ibang naidulot kundi kapahamakan.

Hindi ko nga alam kung bakit hinayaan ko pang mas lumalim ito sa kabila ng katotohanang nakapatay ako ng isang inosenteng tao. Paano ko pa nagawang magmahal at maging masaya habang may pamilyang nagdudusa dahil sa akin. At ngayong may namatay muli nang dahil na naman sa akin, pakiramdam ko hindi ko na kakayanin.

Siguro nga ito na ang parusa ko. Hindi ako puwedeng magmahal dahil walang kapatawaran ang kasalanang nagawa ko. Hindi ako puwede maging masaya dahil may mga nasaktan akong tao. Hindi ako puwede mamuhay nang malaya hangga't hindi ko napagbabayaran lahat ng kasalanan ko.

Stars On Her ShoulderTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon