RAFFIELLA
ANG SAKIT-SAKIT ng puso ko nang makarating sa tuktok ng Elena. Kahit malamig ang simoy ng hangin at tanaw sa kalangitan ang bilog na buwan kasama ang makikinang na bituin, hindi pa rin nito napakalma ang sakit na nararamdaman ko ngayon.
Hindi ito ang gusto kong mangyari para sa aming dalawa ni Stefan. Kung iiwan man niya ako, hindi sa ganitong paraan. Ayaw kong aalis siya rito nang galit at hindi naiintindihan ang sitwasyon namin. Ngunit paano mangyayari 'yon kung nakita ko sa mga mata niya na walang kahit ano ang makatitibag sa kanyang desisyon.
I had no choice.
Ang marinig sa kanya na kaya niyang hindi puntahan ang nanay niya para lang manatili sa tabi ko ay sobra-sobra para sa akin. Sobrang gulat, galit, at sakit. Hindi ko akalain na aabot siya sa puntong kaya niyang talikuran ang lahat para sa akin. Hindi ko iyon gusto, at masakit kasi bakit hindi niya naisip na hindi ako masaya roon.
Akala ko ba gusto niya ako? Hindi ba niya naisip na bukod sa kailangan siya ng kanyang nanay sa Maynila, hindi ko rin kayang manatili siya rito dahil delikado? Kapakanan lang naman niya ang iniisip ko kaya gusto kong umalis siya rito.
Isa ito sa mga dahilan kung bakit inilihim ko ang totoong nararamdaman ko para sa kanya. Alam kong darating ang araw, gagamitin niya akong rason para manatili sa delikadong lugar na ito. Ayaw kong mangyari 'yon. Ayaw kong isipin niya na may maiiwan siya kapag dumating ang araw na kailangan niyang umalis. Ayaw kong isipin niya pa ako.
Ngunit masyado siyang pursigido. Kahit malabo ako sa kanya, pilit pa rin siyang lumalapit. Kahit hindi ko sinabi ang nararamdaman ko para sa kanya, nanatili pa rin siya sa tabi ko.
Ito rin ang dahilan kung bakit ayaw ko sana mahulog sa kanya. Kaya pilit kong pinaalalahanan ang sarili na hindi kami puwede dahil darating ang araw, hindi niya ako maiintindihan. Hindi niya maiintindihan na hindi lang basta trabaho ang pagiging sundalo dahil may buhay na nakataya rito.
Kaya ayaw kong mahulog sa kanya dahil magkaiba kami ng mundo.
Pero matuturuan ba ang puso? Hindi. Kasi kung oo, matagal ko nang ginawa iyon. Kusa na lang talaga itong titibok para sa taong pipiliin nitong mahalin.
"Leo, tama ba 'yong ginawa ko?" sabi ko habang hinahaplos ang kanyang pangalan sa dog tag na nakasabit sa sanga.
Gusto kong matawa dahil biglang sumagi sa isipan ko ang tunay na dahilan kung bakit ako nagpunta rito sa Elena. Wala na akong pakialam sa buhay ko, ngunit bago ako mamatay ay gusto kong mabigyan ng hustisya ang pagkamatay niya.
Malinaw rin sa akin na bumalik ako rito para pagbayarin ang mga rebeldeng pumatay sa taong mahalaga sa akin. Hindi ko akalain na habang lumilipas ang mga araw, nadadagdagan ang mga rason na iyon. Hindi na lang para kay Leo kung bakit ako lumalaban, pati na rin sa dangal naming mga sundalo na gusto kong linisin. Na gusto kong itama para sa mga susunod na henerasyon.
Ang mahulog kay Stefan ay wala sa plano ko. Hindi ko nga alam na posible palang mangyari iyon.
Nakita ko siya sa panahong punong-puno ng paghihiganti at paghihinagpis ang puso ko. Natagpuan ko siya kung kailan wala ng importansya para sa akin ang buhay ko. Nakilala ko siya kung kailan tanggap ko na na hindi na ako magiging maligaya pa dahil sa pagkawala ni Leo.
Para siyang bituin na hindi mo inasahang darating mula sa nagbabadyang galit ng kalangitan. He's the star in my darkest and coldest nights. Nagliliwanag at kumakalma ang lahat sa akin basta kasama ko siya.
Kaya sobrang sakit isipin na sa mga oras na ito, alam kong galit na galit siya sa akin.
"Hindi ko rin naman gustong maiwan dito, Leo.." sambit ko sa kalagitnaan ng hikbi. "Akala ba niya gusto kong magkalayo kami? Hindi.."
BINABASA MO ANG
Stars On Her Shoulder
RomanceThe Wattys 2021 Winner | New Adult Stefan Carreon is a simple rich guy living in Manila. Gaya ng simpleng pamumuhay, simple lang din ang pangarap niya: ang makapagturo nang libre sa mga batang hirap mag-aral. What's the catch? Gusto niyang gawin ang...