RAFFIELLA
NAUUNA AKO maglakad kay Stefan. Ayaw kong dumikit sa kanya dahil naiirita ako. Naiinis ako dahil sinabihan talaga niya si Nico Alarcon na huwag sumama sa amin. Pinaghintay niya ito sa sasakyan dahil hindi naman daw kailangan na dalawa ang sundalong kasama niya sa pupuntahan niya.
Tama naman siya sa parteng iyon ngunit hindi dapat gano'n ang asal niya! Ang kapal naman niyang sabihan si Alarcon ng gano'n na para bang isa ito sa mga tauhan niya. Kung maka-asta siya ay parang siya ang nagpapasahod sa tao.
"Galit ka?" tanong niya habang hinahabol ang bawat hakbang ko. Hindi iyon mahirap sa kanya dahil mas mahahaba ang kanyang mga paa kaysa sa akin.
Hindi ako nagsalita. Bakit ko aaminin sa kanya na galit ako? At isa pa, hindi niya maiintindihan ang gusto kong iparating kaya mas mabuting manahimik na lang.
"Bakit ka nagagalit? Mas gusto mo ba kasama 'yong Alarcon na iyon kaysa sa akin?"
Pumikit ako nang mariin at mas binilisan pa ang paglalakad. See? Iyan ang tumatakbo sa isipan niya kaya ayaw kong magsalita. Napakababaw talaga!
"Raffi.." Napahinto ako sa paglalakad nang hawakan niya ang braso ko. Iritado ko siyang binalingan ng tingin upang bitawan niya ako ngunit hindi siya nagpatalo. "Mag-usap tayo.."
Nakipagtitigan ako sa kanya bago bumaba ang tingin ko sa kamay niyang nakahawak sa akin. Natigilan ako nang mapagtanto ang nangyayari. Bakit kami ganito?
Naalala ko ang nangyari kanina kina Mandy at Lilian. Nakita ko kung paano sila nagtalo para sa atensyon ni Stefan. Parehas nilang ayaw ang isa't isa at gagawin nila ang lahat upang mapansin ng lalaking nasa harap ko ngayon.
Nanuot muli ang inis sa aking kalamnan. Naiinis ako sa tuwing naiisip kung paano naging gano'n kalapit si Stefan sa dalawang babaeng iyon. Ginawa rin ba niya ang ginawa niya sa akin para mapalapit sa kanila? Inamin din ba niya na gusto niya ang mga babaeng iyon kaya nagkakandarapa ang mga ito sa kanya?
Naiinis ako dahil pakiramdam ko nauto ako. Naiinis ako sa tuwing naiisip na nasa iisang lugar lang kaming tatlo kasama ang lalaking gumulo sa mga buhay namin. Nakakairitang isipin na kasama ako sa mga babaeng gusto rin ng atensyon ni Stefan!
Kaya hindi ko maintindihan ang inis niya sa akin ngayon. Simpleng bagay lang, nagagalit na siya. Kasama lang namin si Alarcon, badtrip na siya. Ano'ng dahilan niya? Dahil ba nabitin siya sa kuwentuhan nila? Nakaistorbo ba ako? Sana sinabi niya para ako na lang mag-isa ang gumawa ng investigation niya!
"Hindi ko maintindihan kung bakit ka nagagalit. May nagawa ba ako?"
Napailing ako sa pagkadismaya. Ayaw ko nang pag-usapan ito. Hindi magandang pag-usapan ang bagay na ito sa gitna ng misyon namin. Bukod sa nag-aaksaya lang kami ng oras, wala rin itong kuwenta pag-usapan.
Hindi ko na nagawang tumugon dahil natigilan ako nang matanaw sa likod ni Stefan ang pamilyar na mag-asawang matanda at dalagita na nakapila sa terminal ng jeep sa 'di kalayuan. Panay ang tingin nila sa paligid, tila nagmamasid.
Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras. Nilagpasan ko si Stefan at naglakad patungo sa kanila. Dahil sa dami ng tao, hindi nila namalayan na nasa likod na nila ako, kunwaring nakapila.
"What are you doing?" naguguluhang sambit ni Stefan habang sinusundan ang tingin ko. Nasa likod ko siya, nakikipila rin kahit walang maintindihan sa nangyayari.
Hindi ako sumagot. Masyadong malapit ang puwesto ko sa target kaya alanganin kung magsasalita ako.
Pinagmasdan ko ang dalagita na nakadikit sa matandang babae. Hinahaplos niya ang likod nito dahil hindi ito matigil sa pag-iyak. Katulong niya ang matandang lalaki na kahit may hawak na dalawang malaking bag ay pinatatahan pa rin niya ang matanda.
BINABASA MO ANG
Stars On Her Shoulder
RomanceThe Wattys 2021 Winner | New Adult Stefan Carreon is a simple rich guy living in Manila. Gaya ng simpleng pamumuhay, simple lang din ang pangarap niya: ang makapagturo nang libre sa mga batang hirap mag-aral. What's the catch? Gusto niyang gawin ang...