RAFFIELLA
BINIGAY NI Billie Escalante sa mga volunteer teachers ang attendance sheet. Ito ang magsisilbing guide namin para malaman ang bilang ng mga sibilyan na pinahintulutan pumasok at lumabas sa lugar na ito.
Si Tessa na head teacher nila ang tumanggap ng papel. Pinagmasdan ko kung paano niya sinulat ang kanyang pangalan doon. Nang matapos, pinasa niya ito sa mga kasama hanggang sa makarating ang mata ko sa lalaking panay ang sulyap sa akin. Kumunot ang noo ko kaya umiwas siya ng tingin.
Tumikhim ako at tumindig nang maayos bago nagsalita, "Bukod diyan, bibigyan din namin kayo ng ID. Hindi kayo maaaring pumasok dito sa loob ng baryo kung hindi n'yo suot 'yon. Bukas ng umaga ay ibibigay namin 'yon sa inyo kaya kailangan nandito na kayo bago pa mag-umpisa ang inyong klase."
Binalingan ko ng tingin si Alarcon. Mukhang nakuha niya ang ibig kong sabihin kaya nilapitan niya ang head teacher.
"Ma'am, pahingi po ako ng 1x1 picture ng bawat isa sa inyo."
"Miss Soldier," Napatingin ako sa lalaking nakalapit na pala ngayon sa akin. Hawak niya ang attendance sheet nang may ngiti sa labi. "Ito na ang attendance sheet. Salamat."
Kinuha ko ang attendance sheet at binigay kay Billie na ngayon ay dikit na dikit sa akin. Napansin ko rin ang pagtitig niya sa lalaki na para bang kinikilala niya ito. Hindi pa rin ba siya titigil? Kapag napansin siya ng lalaking bastos na 'to, talagang malalagay siya sa kahihiyan.
"Bakit naman Miss Soldier ang tawag mo sa kanya? Raffi na lang!" nakangiting sambit ni Billie sabay akbay sa akin.
Matalim na tingin ang ipinukol ko sa kanya. Raffi na lang? Wow! Una, hindi kami close ng lalaking ito kaya hindi niya ako maaaring tawagin sa nickname ko. Pangalawa, wala siya sa lugar para tawagin akong gano'n. Pareho kaming nasa trabaho kaya hindi tamang first name ang tawag namin sa bawat isa. Kami nga ay Ma'am at Sir ang tawag sa kanila bilang respeto.
"Okay. Raffi, maraming—"
"Sir," madiin kong sambit para maramdaman niya na hindi ko nagustuhan ang tinawag niya sa akin. "Kung tapos na po kayo, maaari na kayong bumalik sa mga kasama n'yo."
Mas lalong lumapad ang ngiti sa kanyang labi. Tinago niya ang dalawang kamay sa likod at yumuko. "Nice to meet you, Raffi! Ako nga pala si Stefan Carreon."
Ang tono ng kanyang boses ay hindi ko nagustuhan. Parang alam niya na hindi ko gusto ang tawag niya sa akin ngunit imbes na tumigil, ginagamit pa niya ang pagkakataong ito para inisin ako.
Narinig ko ang hagikgik ni Billie sa tabi ko. Sinamaan ko siya ng tingin kaya agad niyang binura ang ngiti sa labi.
"Stefan!" wika ng isang babaeng mahaba ang buhok, maputi, at payat. Nang makalapit siya sa amin ay agad niyang sinabit ang kamay sa braso ng lalaki. "May dala ka bang 1x1 picture diyan? Hinihingi ni Ma'am Tessa."
Pinagmasdan ko ang pagkuha ng wallet ng lalaki sa kanyang bulsa upang ibigay sa babaeng hindi pa rin bumibitaw sa kanya.
"Hmm, may girlfriend pala ang anak ni Captain Simeon Carreon," bulong ni Billie.
Anak ni Captain Simeon Carreon?
Tumango si Billie na para bang narinig niya ang tanong sa aking isipan. "Kaya pala pamilyar siya sa akin kasi nakita ko na siya noon sa isang party. Pinakilala siya sa atin noon ng daddy niya."
Muli kong tiningnan ang lalaki. Gusto kong matawa dahil ibang-iba siya sa kanyang daddy. Masungit at istrikto si Captain Simeon Carreon kaya lahat ng mga sundalong mababa sa kanya'y takot sa presensya niya. Kahit nga ako ay naiilang sa kanya sa tuwing magpapasa ako ng report. Ngumingiti lang si Captain Carreon kapag kasama niya ang mga sundalong mataas din ang ranggo tulad niya. Napatunayan ko lang ang bagay na 'yon nang makita ko silang magkasama ni Daddy.
BINABASA MO ANG
Stars On Her Shoulder
RomanceThe Wattys 2021 Winner | New Adult Stefan Carreon is a simple rich guy living in Manila. Gaya ng simpleng pamumuhay, simple lang din ang pangarap niya: ang makapagturo nang libre sa mga batang hirap mag-aral. What's the catch? Gusto niyang gawin ang...