RAFFIELLA
MAAGA AKO kumilos kinabukasan. Pagbaba ko ng hagdan, nadatnan ko sina Mommy at Daddy na naghihintay sa akin sa sala. Bihira lang kami magtugma ng oras ng pasok kaya kapag nangyayari 'yon, magkakasabay na kami umaalis ng bahay. Madalas kapag nangyayari ito, isang sasakyan lang ang gamit namin. Ngunit dahil may pupuntahan ako mamaya sa Cavite...
"Magdadala ako ng sasakyan," wika ko na kinakunot ng kanilang noo.
"Bakit? May pupuntahan ka ba?" tanong ni Daddy.
Humalukipkip naman si Mommy habang nakataas ang kilay sa akin, tila alam na kung ano ang sagot sa tanong ni Daddy ngunit gusto pa rin na sa akin manggaling.
"Pupunta ako ng Cavite mamayang hapon."
Mas lalong nalukot ang mukha ni Daddy sa pagtataka. "Sa kampo ulit ang tungo mo?"
Hindi ako nagsalita. Hindi rin ako tumango o umiling. Tumitig lang ako sa kanya bago kay Mommy na nag-aabang sa sagot ko. Nang mainip ay hindi na niya napigilan ang sarili magsalita.
"Huwag mong sabihin na pupuntahan mo ulit ang mga kaibigan ninyo ni Leo? Para saan, Raffi? Para pahirapan ang sarili mo?"
Huminga ako nang malalim at umiling. "Pupunta po ako sa resort."
Sumeryoso ang mukha ni Daddy habang si Mommy nama'y napatuwid ng tayo, pinagmamasdan ako na para bang isa akong magulong puzzle pieces sa kanya.
"Resort? Ano naman ay gagawin mo roon? May outing ka kasama ang mga kaibigan ninyo ni Leo?"
"Marami kang trabaho ngayong araw, Raffiella," agad na sambit ni Daddy.
Isinantabi ko ang dapat na sasabihin kay Mommy upang sagutin si Daddy. "Kaya kong tapusin ang mga mabibigat na trabaho ngayong umaga. Ang mga maliliit ay puwede naman gawin bukas, o pag-uwi ko rito sa bahay mamaya."
Nakapamaywang na naglakad si Daddy palapit sa akin. Ngayon ay mas kita ko na ang iritasyon sa mukha niya na pilit pinipigilan.
"Ano ba ang gagawin mo sa resort at parang mas importante pa 'yan kaysa sa trabahong puwede naman tapusin agad?"
Masyado akong nagulat sa paraan ng pakikipag-usap niya kaya hindi ako nakapagsalita. Mukhang mainit yata ang ulo ni Daddy ngayon. Pero bakit kaya? Hindi naman siya ganito kanina, o kahit noong mga nakaraang araw.
Bumuntong-hininga si Daddy at pumikit bago balingan si Mommy at muling tumingin sa akin. "Nag-aalala ang mommy mo sa 'yo at ayaw kong pinag-aalala mo siya. Alam namin na hanggang ngayo'y hindi mo pa rin matanggap ang pagkawala ni Leo, at ayaw namin na nagpupunta ka sa Cavite para lang balikan pa ang mga masasakit na alaala."
Tumikhim ako. "Huwag kayong mag-alala dahil hindi naman si Leo ang dahilan kung bakit ako nagpupunta sa Cavite."
Nagtangis ang bagang ni Daddy. Si Mommy naman ay agad na tumabi sa kanya upang harapin ako nang maayos.
"Kung gano'n ay bakit ka pupunta sa Cavite? Wala ka naman ibang kaibigan doon kundi ang mga kaibigan ninyo ni Leo na nasa kampo."
Kapag binanggit ko si Stefan, siguradong hahaba ang paliwanagan. Wala akong problema kay Daddy dahil kilala niya iyon at hindi ko kailangang magkuwento sa kanya dahil alam niyang nakasama ko iyon sa Elena. Si Mommy lang talaga ang iniisip ko dahil paniguradong dadagsa ang mga tanong niya.
Ano ba dapat ang maging sagot ko roon?
"Wait. Resort?" si Mommy na para bang may naalalang bagay na naiwan niya sa isang lugar. "May nabanggit sa akin ang Tita Cecil mo na nagkita raw kayo ni Peter isang beses sa resort sa Cavite. Don't tell me..."
BINABASA MO ANG
Stars On Her Shoulder
RomanceThe Wattys 2021 Winner | New Adult Stefan Carreon is a simple rich guy living in Manila. Gaya ng simpleng pamumuhay, simple lang din ang pangarap niya: ang makapagturo nang libre sa mga batang hirap mag-aral. What's the catch? Gusto niyang gawin ang...