Kabanata 35

2.8K 108 2
                                    

RAFFIELLA

ALAS TRES ng madaling araw, nagkakagulo ang mga sundalo dahil sa biglaang pagdating ng limang armored vehicle. Huminto ito sa checkpoint ng San Rafael.

Unang bumaba ng sasakyan si Captain Pablo Abad kasama sina Nico Alarcon at Second Lieutenant Martin Verbo. Sumunod sa kanila ang mga sundalo na may mga pintura sa mukha. Napatindig lang kami nang ayos nang bumaba si General Gregory Lizardo at ang presidente ng Pilipinas na si President Henrik Gascon.

Tumingala ako sa kalangitan nang marinig ang makina ng mga armadong sasakyang panghimpapawid. Pagala-gala sila sa paligid dahil may mga sundalo ngayon na kasalukuyang naglalakbay sa kagubatan. Sila ang back-up ng mga sundalong iyon kung sakaling magkaroon ng engkuwentro.

Hinarap kami ng presidente kaya mabilis kaming humilera at sumaludo sa kanya bilang pagbigay-galang. Katabi niya sina General Gregory Lizardo at Captain Pablo Abad.

"Nagpunta ako rito upang sabihin sa inyo na ang mga sundalo mula sa elite and special forces units na ang mangunguna sa operasyon sa pagsugpo sa mga rebelde. Lahat ng mga hindi kasali roon ay kailangan nang umuwi," utos ng presidente sa isang matikas at malamig na paraan.

Nanlaki ang mga mata ko. Napatingin din ako kay Captain Pablo Abad na gaya ko'y nagulat din sa narinig.

Hindi ako kasama sa mga sundalong iyon kaya hindi ko matanggap na kailangan kong umuwi! At isa pa, bakit kami pauuwiin? Kabisado na namin ang Elena at gamay na namin ang pasikot-sikot sa lugar kaya hindi kami maaaring umuwi!

Nilingon ni President Henrik Gascon ang mga sundalong kasama niya. Iba't iba ang uniporme ng mga sundalong ito dahil sa magkakaibang unit na pinanggalingan.

"Simula ngayon, kayo na ang aatasan kong humuli sa mga rebelde. Maaasahan ko ba kayo?"

"Yes, sir!" tugon nila sa mas malalim at nakapaninindig balahibo na boses.

Kumuyom ang kamao ko. Nakita ko kung paano bumulong si Captain Pablo Abad kay General Gregory Lizardo upang humingi ng paliwanag sa mga nangyayari ngunit ngumiti lang ito.

Naiwan ang tingin ko sa heneral. Si General Gregory Lizardo ay matagal na sa serbisyo. Matalik niyang kaibigan si Daddy at naging magkasabayan pa sila noon sa ilang mga training. Mataas ang respeto ko sa kanya dahil lahat kami'y humahanga sa kung paano siya mag desisyon nang wasto.

Bilang lang sa daliri ang mga pagkakataong nakausap ko siya. Sa baba ng ranggo ko, imposibleng magkrus ang landas naming dalawa. Nangyayari lang iyon kapag nasa mga delikadong misyon kami gaya nito.

Pagkatapos ng maikling pa-meeting ni President Henrik Gascon, nagpaalam na siyang babalik sa Maynila. Bago siya umalis, sinabihan niya muna kami na susunduin kami ng helicopter bukas ng madaling araw. Gusto ko talaga kumontra sa plano niya ngunit alam kong wala akong palag sa isang presidente.

Ito siguro ang dahilan kung bakit nagpunta siya rito upang personal ihayag ang utos. Gusto niyang marinig mismo namin sa bibig niya ang nais niyang mangyari upang hindi kami mangahas na suwayin iyon.

Kaya naman ay agad akong pumasok sa opisina ni Captain Pablo Abad nang mapagtantong bigla siyang nawala sa paligid. Naabutan ko siyang may katawagan sa telepono at palakad-lakad sa harap ng kanyang lamesa. Nang makita ako'y agad siyang nagpaalam sa kausap.

"Not now, Raffi. Ayaw kong makipagtalo sa 'yo," aniya sabay upo sa kanyang swivel chair. Dalawang kamay na niya ang ginamit upang hilutin ang sintido. "Kung nagpunta ka rito upang tanungin ako kung sino ang mga sundalong sumusuporta sa mga rebelde, pwes wala kang makukuhang sagot mula sa akin dahil imposible 'yon! Walang gano'n, Raffiella!"

Stars On Her ShoulderTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon