STEFAN
HINDI AKO umalis sa tabi ni Gorio. Hindi ako puwedeng umalis hangga't hindi siya nagigising. Gusto kong ako ang makita niya pagdilat ng mga mata niya. Gusto kong malaman niya na ligtas na siya.
"Kumain ka muna, Stefan.." tinig ni Billie na hindi rin umalis sa tabi ko. Gaya ko'y bakas din ang pag-aalala niya para sa bata.
Kahit walang gana'y tinanggap ko ang tinapay na nilahad niya sa akin. Sa paraang ito, sana'y mabawasan ang pag-aalala niya. Alam kong nandito rin siya sa tabi ko dahil sa akin.
"Salamat," sambit ko.
Narinig ko ang malalim niyang paghinga bago muling nagsalita, "Pasensya ka na kay Raffi. Nag-aalala rin siya sa 'yo kaya.."
Tipid akong ngumiti. "Naiintindihan ko.."
Hindi mahirap basahin si Raffi. Kahit taliwas ang kilos niya sa sinasabi ng kanyang mga mata, naiintindihan ko siya. Hindi lang niya kaya i-express ito ng tama kaya nami-misinterpret ng karamihan.
Ang totoong bumabagabag sa isipan ko ay ang mga sinabi ng rebelde sa akin. Gusto kong paniwalain ang sarili na walang katotohanan ang mga iyon. Ayaw kong isipin na nakapatay si Raffi ng inosenteng tao.
Ngunit sa tuwing naaalala ko ang nangyari sa palengke, kung paano hawakan ng lalaki ang kanyang baril, nadudurog ang puso ko. Paano nga kaya kung tama ang rebeldeng nakausap ko? Paano nga kaya kung hindi talaga nila kasapi ang lalaking napatay ng hukbong sandatahan?
"K-Kuya.." Napatuwid ako ng tindig nang marinig ang tinig ni Gorio. Marahan niyang dinilat ang kanyang mga mata habang nililibot ang tingin sa paligid. "N-Nasaan po a-ako?"
Yumuko ako upang mas makalapit pa sa kanyang mukha. Hinaplos ko ang kanyang buhok at ngumiti. "Ligtas ka na, Gorio.."
"Doc!" rinig kong tawag ni Billie paghawi ng kurtina.
"A-Ang sakit po ng t-tiyan ko.." nakangiwing daing ni Gorio habang hawak ang kanyang tiyan. "K-Kuya ang sakit.."
Nataranta ako kaya mabilis akong naghanap ng pagkain at tubig. Natigilan lang ako sa pagkilos nang dumating ang doktor kasama si Billie. Umatras ako upang bigyan siya ng pagkakataong suriin si Gorio. Pinagmasdan ko siyang tinatanong kung ano'ng nararamdaman ng bata. Umasa ako na bibigyan niya ito ng pagkain kaya nanlumo ako nang tumango lang siya. Kinabitan lang niya ito ng dextrose na nilagyan ng vitamins.
Ilang sandali pa'y binalingan na ako ng doktor. Naging alerto ako dahil doon.
"Hindi pa muna siya maaaring kumain dahil mabibigla ang kanyang tiyan. Kapag naubos ang kanyang vitamins, saka siya puwedeng kumain."
"H-Hindi po ba siya makakauwi sa kanila ngayon? Iniisip ko po kasi ang parents niya. Baka—"
"Huwag mo na isipin iyon, Stefan," Napatingin kaming dalawa ng doktor kay Billie. "Ako na ang bahalang kumausap sa parents niya."
"Kung hindi sumakit ang tiyan ng bata, makakauwi siya agad. Ngunit dahil may iniinda siya, mananatili muna siya rito," wika ng doktor sa akin.
Tumango lang ako. Kung magse-stay si Gorio, dito na lang din muna ako.
"Sige, mauuna na ako. Babalik ako rito mamaya," paalam ng doktor bago umalis.
Nilapitan ko muli si Gorio na ngayo'y nakatingin sa akin. Mapupungay ang kanyang mga mata ngunit bakas doon ang matinding takot. Kahit hindi niya sabihin, alam ko kung saan iyon nanggagaling.
"Striker. Striker. Do you hear me? Over." Sumulyap ako kay Billie nang marinig ang kanyang tinig sa likod ko. May kausap siya sa kanyang walkie-talkie habang nakatingin sa akin.
BINABASA MO ANG
Stars On Her Shoulder
RomanceThe Wattys 2021 Winner | New Adult Stefan Carreon is a simple rich guy living in Manila. Gaya ng simpleng pamumuhay, simple lang din ang pangarap niya: ang makapagturo nang libre sa mga batang hirap mag-aral. What's the catch? Gusto niyang gawin ang...