Burn me in heaven (Chapter 25)

74 3 0
                                    


Chapter 25

BASANG-BASA si Agatha nang mamulat ang isipan. Naroroon na naman siya sa sandaling wala siyang ni hinagap kung ano ang nangyari o nangyayari. Tila siya isang musmos na walang muwang sa isang napakalaking mundo na puno ng walang katiyakan. Mabuti na lamang at naroon si Javier para iparamdam sa kanyang ligtas siya at wala siyang dapat ipag-alala. Niyakap niya ito nang ubod ng higpit.

Buhat-buhat siya na iniahon nito ang mga katawan nila sa batis at naglakad ito palayo roon. Tinahak nila ang madamong daan hanggang sa matanaw nila ang isang bahay. Lumusot sila sa bakuran at dumaan sila sa likurang pinto niyon.

Sinalubong sila ni Nanay Marites sa panggigilalas niya ngunit hindi niya nagawang magtanong. Kakabakasan ng labis na pag-aalala ang mukha nito. Agad itong nag-abot ng tuwalya sa kanila na ibinalabal naman sa kanya ni Javier. Iniakyat siya nito sa isang silid roon. Hinayaan siya nitong mag-ayos ng sarili habang ikinukwento ang mga bagay na dapat niyang malaman. Sumakit lamang ang ulo niya pagkarinig sa mga kuwento nito. Halos hindi siya makapaniwala. Kung ibang tao marahil ang nagsabi niyon sa kanya ay hindi niya papaniwalaan.

Mayamaya'y tinawag ni Javier si Doktor Desmundo ayon na rin sa hiling niya. Hindi naman nagtagal ay nasa kuwarto na ang butihing matanda. Malapad ang mga ngiti nito sa labi nang humarap sa kanya sa kabila nang pananampal niya sa anak nitong si Dolores. May tangan pa itong umuusok na tsa. Inilapag nito iyon sa side table.

"Uminom ka muna nito, hija. Inihanda ito ni Marites para sa 'yo. Makaiinam ito sa pakiramdam mo." Isang tipid na ngiti ang isinukli niya at inabot ang bigay nito.

Humigop siya roon nang ilang beses at inilapag muli ang tasa sa side table. "Pasensya na po sa nagawa ko kay Dolores. Hindi ko po intensyong masaktan siya."

Mapang-unawang tumingin ito sa kanya. "Pagpasensyahan mo na rin sana ang anak ko. Alam kong gusto niya si Javier. Pero sa nakikita ko ay ikaw ang mahal ng anak ni Marites. Sa isang banda ay kasalanan ko rin siguro ang pagdaramdam ni Dolores dahil sa ginawa kong pagmamatch-make sa kanila noon. Ano pa nga bang mahihiling ng isang tumatandang ama kundi isang mabuting mapapangasawa para sa kanyang unica hija. Ngayon, alam ko nang hindi si Javier ang para kay Dolores. Ang hiling ko lamang ay sana ay maunawaan iyon ng aking anak sa mga darating na araw." Lumungkot ang mukha ni Doktor Desmundo.

"Nauunawaan ko po ang damdamin niya, doktor."

"Maraming salamat, hija. Sana ay hayaan mo ring kausapin kita tungkol sa kondisyon mo. Gusto ko ring mas maunawaan pa ang damdamin mo. Nais kitang tulungan."

"Nababaliw na po ba ako, doktor? Wala po akong maalala sa mga nangyari at sa mga ikinuwento sa akin ni Javier. Ano po ang sakit ko? Bakit parang may isa pang ako?"

"Hindi ako eksperto sa kalagayan mo, hija. Pero naniniwala akong hindi ka nababaliw. May ilang mga tao ring nakararanas ng kondisyon mo. Ang karaniwang tawag nila rito ay split personality. Maraming pwedeng dahilan ang pagkakaroon mo nito. Isa sa nakikita ko ay trauma. Katulad nang nasabi na sa 'yo ni Javier nang matagpuan ka niya, pinasakitan ka ng mga taong gumawa niyon sa 'yo at maaaring nakadagdag din sa kondisyon mo ang pagkahulog mo sa mataas na lugar. Pero wala kang dapat ipag-alala, may mga treatment sa kondisyon mong 'yan. May mga gamot kang pwedeng inumin o paraan katulad ng hipnotismo at iba pang therapy. Ang pinakamabuting maipapayo ko sa 'yo ay magpatingin sa isang doktor na may espesyalisasyon sa kalagayan mo para maagapan ang kalagayan mo."

"Sa isang psychiatrist," mahinang sabi niya.

"Ganoon na nga, hija. 'Wag mo sanang isipin na doctor lang ng mga baliw ang mga kagaya nila. Hindi laging ganoon ang sitwasyon."

"Marami pong salamat."

"Walang anuman. Ubusin mo na iyang tsa mo at ako'y aalis na para makapagpahinga ka." Tumayo na nga ang doktor at iniwan siyang mag-isa roon.

Burn Me In HeavenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon