Burn me in heaven (Chapter 9)

311 12 0
                                    



Chapter 9

"Anong nangyari sa inyo?" gimbal na salubong sa kanila ng kanyang inang si Marites, kasunod nito si Agustin na isang konsehal sa kanilang bayan.

"Si Señor Graciano ba ang may gawa sa inyo niyan?" puno ng galit na wika ng konsehal.

"Dios mio! Anong ginawa niya sa'yo, Hermosa?" labis ang pag-aalala sa tinig na wika ng kanyang ina at inalalayang makapasok sa loob ng salas ang babae. Mabilis na kumuha ito ng basang bimpo at tuwalya. Nang magbalik ay agad na nilinis ang mga dugo sa katawan ng dalaga. Pagkaraan ay siya naman ang inasikaso nito at binendahan ang daplis ng bala sa braso niya.

"Dapat na talagang matigil ang karumaldumal na gawain ng alkalde natin. Marami ng inosente ang nadadamay," maigting na sabi ng konsehal, puno ng kombiksyon ang mga mata.

"Wala na po ang alkalde, konsehal," siwalat niya sa nangyari.

"Paanong wala na? Huwag mong sabihing..."

Napasulyap siya kay Hermosa na hinang-hinang nakaupo sa sofa.

"Diyos kong mahabagin!" bulalas ng kanyang ina at napaantanda. Napatutop ito sa bibig at nayakap si Hermosa.

"Totoo ba ang sinasabi mo, Javier? Paano nangyari ang bagay na ito?" ani Agustin.

"Tinangka po niyang pagsamantalahan si Hermosa. Mabuti na lamang po at natawagan agad ako ni Pepito na nakita niya roon si Hermosa kaya napuntahan ko siya sa mansion ng mga La Jarde."

"Tiyak na alam na ng mga tauhan ng alkalde ang nangyari. At siguradong nakuhaan kayo ng mga CCTV sa bahay niya. Malaki ang magiging ebidensya laban sa inyo lalo pa't napakarami niyang kaalyado na nakikinabang sa impluwensya at yaman niya. Lahat ng iyon ay makakalaban ninyo sa pagkawala niya."

"Javier! Javier!" humahangos na tumakbo palapit sa kanila si Juancho habang patuloy na isinisigaw ang pangalan niya.

"Huminahon ka nga Juancho. Tinatakot mo kami rito," sita ni Marites.

Humihingal na pilit itong nagsalita. "Iyong mga tauhan ni Alkalde Graciano papuntang lahat dito. Mukhang hinahanap ka, Javier. Napakarami nila at lahat ay armado."

"Hindi kayo naging maingat, Javier. Alam ninyong hawak nila ang batas dito sa atin. Wala tayong ibang pagpipilian kundi ang itakas kayo. Kailangan ninyong magpakalayo-layo muna ni Hermosa habang humahanap kami ng paraan," anang konsehal.

"Si Hermosa ang inagrabyado ng alkalde. Ipinagtanggol lamang niya ang sarili niya."

"Pwedeng ganoon din ang sabihin nila kapag naabutan nila kayo dito. Hindi katulad ng mga mata mo ang pagtingin nila sa nagawa ni Hermosa. Ilalagay nila ang hustisya sa kanilang mga kamay. Gaganti sila. At kamatayan ninyo lamang ang magpapatahimik sa kanila. Alama natin 'yan, Javier. Kilala natin sila. Marami na ang nawala dahil sa kanila at hindi ko gugustuhing mapasama ka sa listahan ng mga iyon."

"May punto ang sinasabi ni Agustin, anak. Kami na muna ang bahala rito. Ang mahalaga ay makalayo muna kayo ni Hermosa para sa kaligtasan ninyo."

"Pero 'Nay... Paano kayo? Ang kambal? Baka kayo naman ang pag-initan nila dahil sa amin."

"Hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa kanila, Javier. Panghawakan mo sana ang mga salita ko. Ako na ang bahala sa kanila. Umalis na kayo," si Agustin.

Nagkukumahog na umakyat sa silid ang kanyang ina at nang magbalik ay may bitbit na isang bag. Iniabot nito iyon sa kanya. Tinanggal naman nito ang mantle na nakabalabal kay Hermosa at pinalitan iyon ng jacket.

Burn Me In HeavenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon